Kapana-panabik na mga Pagbabago sa Ang Bantayan!
1 Maaga sa taóng ito, ang mga kongregasyon ay tumanggap ng kapana-panabik na patalastas: Simula sa Enero 2008, magkakaroon ng dalawang magkaibang edisyon ng Ang Bantayan, isa para sa publiko at isa para sa ating kapatirang Kristiyano! Marahil ay itatanong mo: ‘Ano ang pagkakaiba ng dalawang magasin? Anu-ano ang kapakinabangan ng dalawang magkaibang edisyon? Mayroon bang anumang bagong mga seksiyon sa mga bagong edisyon?’
2 Ang mga Pagkakaiba: Ang unang isyu sa bawat buwan ay tatawaging Edisyong Pampubliko. Ang lahat ng artikulo sa isyung ito ay ihahanda para sa kapakinabangan ng publiko. Ang isyu na may petsang ika-15 ng bawat buwan ay tatawaging Edisyon Para sa Pag-aaral at hindi ito ipamamahagi sa larangan. Dito makikita ang lahat ng artikulo para sa pag-aaral na kakailanganin sa isang buwan gayundin ang karagdagang mga artikulo na pangunahin nang para sa nakaalay na mga Kristiyano. Ang Edisyong Pampubliko naman ng Ang Bantayan ay hindi lamang magiging kaakit-akit sa mga Saksi kundi lalo na sa mga di-Saksi na maaaring naniniwala sa Bibliya. Sa kabilang dako, layunin pa rin ng Gumising! na maabot ang mas maraming mambabasa, pati na ang mga mapag-alinlangan at mga di-Kristiyano.
3 Mga Kapakinabangan: Sa Edisyon Para sa Pag-aaral, hindi na kailangan pang ipaliwanag ang mga terminong gaya ng “pioneer” sa paraang mauunawaan ng mga di-Saksi. Ang edisyong ito ay maaari ding maglaman ng mga impormasyon na pangunahin nang inihanda para sa mga Saksi ni Jehova at sa mga estudyante sa Bibliya na sumusulong sa espirituwal. Kumusta naman ang Edisyong Pampubliko? Yamang ang mga paksa at istilo ng pagsulat ay iniangkop sa publiko, masisiyahan ang isang di-Saksi sa pagbabasa ng buong magasin. Siyempre pa, makikinabang ang bawat Saksi ni Jehova sa pagbabasa ng bawat isyu. Dahil isang Bantayan at isang Gumising! na lamang ang ating iaalok sa ministeryo sa larangan sa bawat buwan, makagagawa tayo ng mabibisang presentasyon sa isang buong buwan.
4 Bagong mga Seksiyon: Magkakaroon ng ilang kapana-panabik na bagong mga seksiyon ang Edisyong Pampubliko ng Ang Bantayan. Tatalakayin ng isang seksiyon ang saligang mga turo ng Bibliya sa napakasimpleng paraan. Itatampok naman ng isa pang seksiyon kung paano makatutulong ang Bibliya sa mga pamilya. Ihaharap naman para sa mga kabataan ang mga proyekto sa pag-aaral ng Bibliya. Bawat isyu ay magkakaroon ng isang artikulo na nagtatampok sa espesipikong mga teksto sa Bibliya na nagtuturo sa atin tungkol sa mga katangian ni Jehova.
5 Dalangin namin na pagpalain ni Jehova ang bagong kaayusang ito sa Ang Bantayan. Sa pamamagitan ng magasing ito at ng Gumising!, mas marami pa sanang karapat-dapat na mga tao ang mapaabutan ng mabuting balita.—Mat. 10:11.