Isang Okasyon Upang Pakainin ni Jehova at Magsaya
1. Paano pinaglalaanan ni Jehova ng espirituwal na mga pangangailangan ang kaniyang mga lingkod?
1 Maibiging pinaglalaanan ni Jehova ng espirituwal na mga pangangailangan ang kaniyang mga lingkod. Habang ang karamihan ng tao sa daigdig ay nagugutom sa espirituwal, sagana naman tayong pinakakain ni Jehova. (Isa. 65:13) Ang isang paraan ni Jehova para pakainin tayo sa espirituwal ay sa pamamagitan ng ating taunang mga pandistritong kombensiyon. Naghahanda ka na bang daluhan ang lahat ng sesyon sa nalalapit na “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon? Isang masarap at nakapagpapalusog na espirituwal na piging ang inihanda.
2. Ano ang kasama sa patiunang pagpaplano para sa kombensiyon?
2 Patiunang Magplano: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kaw. 21:5) Kaya kung dadalo ka sa buong tatlong araw ng kombensiyon, magpaalam agad sa iyong amo kung kinakailangan mong magbakasyon para makadalo sa espirituwal na piging na ito. Kung kailangan mo ng matutuluyan, naisaayos mo na ba ito? Nanaisin mo ring planuhin ang iyong pananghalian upang makasama mo sa pagkain ang iyong mga kapatid sa lugar ng kombensiyon. Tiyaking dumating nang maaga sa kombensiyon bawat araw upang makahanap ka ng mauupuan at makasama sa pambungad na awit at panalangin.
3. Anong uri ng pananamit ang dapat nating isuot?
3 Nais nating tiyakin na mahinhin at maayos ang ating pananamit. (1 Tim. 2:9, 10) Ang mga pandistritong kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng maiinam na pagkakataon upang makapagpatotoo sa komunidad. Kung pananatilihin nating marangal ang ating hitsura habang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon at isusuot natin ang ating mga convention badge, maiiba tayo sa mga di-sumasampalataya at makapag-iiwan ng mabuting impresyon sa mga nakakakita.
4. Ano ang tutulong sa atin at sa ating mga pamilya na makinabang nang husto sa programa?
4 Makinig na Mabuti: Tiyak na gugustuhin nating matikman ang lahat ng pagkaing inihanda sa espirituwal na piging na ito! (Kaw. 22:17, 18) Kung susubaybayan natin sa ating mga Bibliya ang mga tekstong binabasa at kukuha ng maiikling nota, tutulong ito upang makapagtuon tayo ng pansin sa programa. Maiiwasan din nating maabala sa pakikinig. At sa kinagabihan, maaari nating gamitin ang ating mga nota upang ipakipag-usap sa iba ang ilang kawili-wiling mga punto sa programa. Nitong nakalipas na mga taon, napansin na ang ilang kabataan ay umuupong magkakasama sa kombensiyon at nagkukuwentuhan habang may sesyon o nagte-text gamit ang kanilang mga cellphone. Kung mayroon tayong mga anak, kasama na ang mga tin-edyer, makabubuting umupo at makinig tayong magkakasama bilang isang pamilya, sa halip na hayaan ang ating mga anak na umupo nang hiwalay sa atin at kasama ng ibang kabataan.
5. Paano tayo higit na masisiyahan sa kombensiyon?
5 Masiyahan sa Pakikipagsamahan: Mas kasiya-siya ang masarap na pagkain kapag ito’y pinagsasaluhan ng magkakaibigan. (Kaw. 15:17) Sa katulad na paraan, nagkakaroon tayo ng higit na kasiyahan sa pagdalo sa mga kombensiyon kapag tayo ay nakikipagsamahan sa ating mga kapatid. Napakainam nga, kung gayon, na makipagkilala sa ibang delegado at masiyahan sa pakikipagsamahan sa kanila kapag walang sesyon! (Awit 133:1) Subalit kapag may-kabaitan na tayong pinaupo ng tsirman bago magsimula ang musika, tapusin na natin ang ating pakikipag-usap at maupo na para sa pagsisimula ng sesyon.
6. Maglahad ng isang personal na karanasan na nagpapakita kung paano tayo maaaring makapagpatotoo sa mga tao sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon.
6 Gamitin ang Lahat ng Pagkakataon Upang Makapagpatotoo: Kadalasan nang nagbibigay ng maiinam na pagkakataon ang mga kombensiyon upang makapagpatotoo tayo. Marami sa mga dumadalo na pumupunta sa mga restawran pagkatapos ng programa ay tinatanong ng mga waiter at ng iba pa hinggil sa tema na nasa kanilang convention badge. Umakay ito sa higit na pag-uusap at pagbibigay ng mainam na patotoo. Nakadalo pa nga ang ilan sa nagtanong na mga indibiduwal matapos silang anyayahang pumunta sa kombensiyon.
7. Bakit natin dapat daluhan ang nalalapit na pandistritong kombensiyon?
7 Libu-libong oras ang ginugugol sa paghahanda ng programa, pag-aayos ng mga pasilidad para sa kombensiyon, pag-oorganisa ng mga departamento, at paghahanda ng mga bahagi. Lahat ng maibiging pagpapagal para sa paghahanda ng espirituwal na piging na ito ay nagpapahiwatig ng magiliw na pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan. Lahat nawa tayo’y makadalo at masiyahan sa espirituwal na piging na ito! Habang ginagawa natin iyan, di-tulad ng sanlibutan, tayo ay “hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.”—Isa. 65:14.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang alas 8:20 n.u. sa Biyernes at Sabado at alas 8:50 n.u. sa Linggo. Kapag nagsimula na ang pambungad na musika, tayong lahat ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang alas 3:55 n.h. sa Biyernes at Sabado at alas 4:00 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Sa mga kombensiyon na ang mga paradahan ay nasa ilalim ng ating pangangasiwa, ilalaan ang mga ito nang walang bayad at depende kung sino ang unang dumating. Ang mga badge card ng kombensiyon ang magsisilbing ID sa paradahan.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Ang mga upuan ay maaari lamang ireserba sa mga kasama mo sa sasakyan o sa bahay.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magdala ng pananghalian sa halip na umalis sa kombensiyon upang bumili ng pagkain sa panahon ng intermisyon sa tanghali. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng inyong upuan. Ang malalaking pampamilyang cooler na ginagamit sa piknik, babasaging mga lalagyan, at mga inuming de-alkohol ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Donasyon: Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa mga kaayusan ng kombensiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain sa ating Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Aksidente at Emergency: Kung may kailangang gamutin kaagad sa lugar ng kombensiyon, pakisuyong lapitan ang pinakamalapit na attendant, na kaagad namang magbibigay-alam nito sa First Aid Department upang masuri ng ating kuwalipikadong mga boluntaryo sa First Aid na nasa kombensiyon kung gaano kalubha ang situwasyon at sa gayo’y makapagbigay ng tulong. Kung kinakailangan, tatawagan ng mga boluntaryo sa First Aid ang pinakamalapit na ospital.
◼ Rekording: Hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad ang anumang uri ng rekorder at maaari lamang itong gamitin kung hindi ito nakakaistorbo sa iba.
◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ka ng litrato, pakisuyong huwag gumamit ng flash kapag may sesyon.
◼ Pager at Cellphone: Dapat i-adjust ang mga ito upang hindi makagambala sa sesyon ng kombensiyon.
◼ Follow-Up Form: Dapat gamitin ang Please Follow Up (S-43) form upang magbigay ng impormasyon hinggil sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang napunang mga form ay maaaring isumite sa Book Room o sa kalihim ng inyong kongregasyon pagbalik mo sa inyong kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 2005, p. 6.
◼ Restawran: Parangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng iyong mainam na paggawi sa mga restawran. Sa maraming lugar, kaugalian nang magbigay ng 10 porsiyentong tip, depende sa serbisyo.
◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang iyong badge card sa lahat ng panahon habang nasa kombensiyon at kapag naglalakbay patungo at paalis sa kombensiyon. Makukuha lamang ang mga ito sa inyong kongregasyon. Humingi ng mga badge card para sa iyo at sa iyong pamilya matagal pa bago ang kombensiyon.
◼ Bautismo: Dapat maupo ang mga kandidato sa bautismo sa itinalagang seksiyon para sa kanila bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang bawat isa ay dapat magdala ng mahinhing pambasa at tuwalya. Upang matiyak na ang isusuot ng mga babautismuhan ay angkop para sa okasyon, dapat itong ipakipag-usap sa kanila ng matatanda na nagrerepaso ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo sa aklat na Organisado.