Tanong
◼ Angkop bang pumalakpak ang mga tagapakinig pagkatapos ng bawat bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sa Pulong sa Paglilingkod?
Noong itinatag ng Maylalang na si Jehova ang lupa, “magkakasamang humiyaw nang may kagalakan ang mga bituing pang-umaga, at . . . sumigaw sa pagpuri ang lahat ng mga anak ng Diyos.” (Job 38:7) Nais ng mga anghel na ito, na mga anak ng Diyos, na purihin si Jehova dahil sa kaniyang namumukod-tanging gawa ng paglalang, na isang bagong paraan ng pagpapakita ng kaniyang karunungan, kabutihan, at kapangyarihan.
Napakainam kung ipahahayag natin ang taos-pusong pagpapahalaga sa pagsisikap ng ating mga kapatid at sa inihaharap nilang pahayag o pagtatanghal. Halimbawa, karaniwan nang pumapalakpak tayo sa mga pahayag at pagtatanghal sa espesyal na mga pagtitipon, gaya ng mga asamblea at kombensiyon. Higit na panahon at pagsisikap ang kinailangan upang maihanda ang mga bahaging inihaharap doon. Kapag pumapalakpak tayo, nagpapakita tayo ng pagpapahalaga hindi lamang sa pagpapagal ng tagapagsalita kundi maging sa instruksiyong inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon.—Isa. 48:17; Mat. 24:45-47.
Kumusta naman ang pagpalakpak sa mga bahaging inihaharap sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sa Pulong sa Paglilingkod? Hindi naman ipinagbabawal ang pagpalakpak kung ginagawa ito nang kusa, tulad pagkatapos ng pagganap ng isang estudyante sa kaniyang unang atas. Gayunman, kung nakagawian na lamang ang pagpalakpak, nawawalan ito ng saysay. Kaya hindi tayo karaniwang pumapalakpak sa bawat bahagi.
Bagaman hindi tayo pumapalakpak sa karamihan sa mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sa Pulong sa Paglilingkod, may iba pang mga paraan na maipapakita nating lahat ang pagpapahalaga sa instruksiyon at sa pagsisikap ng mga may bahagi. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pananatiling alisto at matamang pakikinig sa mga tagapagsalita. At pagkatapos ng pulong, madalas na maaari silang lapitan at pasalamatan sa kanilang mga pagsisikap.—Efe. 1:15, 16.