Kung Paano Gagamitin ang Pag-ibig ng Diyos sa mga Inaaralan Natin sa Bibliya
1. Bakit dinisenyo ang aklat na Pag-ibig ng Diyos?
1 Tuwang-tuwa tayo nang matanggap natin sa “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ang bagong aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos. Gaya ng ipinatalastas, dinisenyo ito para tulungan tayong malaman at ibigin ang mga pamantayan ni Jehova sa paggawi, at hindi para sa pagtuturo ng pangunahing mga doktrina sa Bibliya. Hindi natin iaalok ang aklat na ito sa bahay-bahay.
2. Kanino gagamitin ang publikasyong ito, at paano ito pag-aaralan?
2 Gagamitin ang aklat na ito sa mga inaaralan natin sa Bibliya kapag natapos na ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Tandaan na hindi pare-pareho ang antas ng espirituwal na pagsulong ng mga tao. Kaya dapat idaos ang bawat pag-aaral ayon sa kakayahan ng estudyante. Tiyakin na nauunawaan niya ang pinag-aaralang materyal. Karaniwan na, hindi dapat gamitin ang aklat na ito sa pagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa mga taong maaaring dati nang nakapag-aral ng ilan sa ating mga aklat, pero hindi naman dumadalo sa pulong at malinaw na walang planong magkapit ng kanilang mga natutuhan sa Bibliya.
3. Ano ang dapat nating gawin kung may inaaralan tayo ngayon sa aklat na Sambahin ang Diyos?
3 Kung sa kasalukuyan ay may inaaralan ka sa aklat na Sambahin ang Diyos at nasa huling mga kabanata na kayo, maaari ninyong tapusin ito at himukin ang estudyante na personal na lamang niyang basahin ang Pag-ibig ng Diyos. Pero kung nasa mga unang kabanata pa lamang kayo, makabubuting lumipat sa bagong aklat at simulan ito sa unang kabanata. Gaya sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, ang pagtalakay sa mga paksa sa apendise ay opsyonal.
4. Ano ang dapat gawin kung ang ating estudyante ay nabautismuhan bago matapos ang alinman sa aklat na Itinuturo ng Bibliya o Pag-ibig ng Diyos?
4 Kung ang isang estudyante ay nabautismuhan bago niya natapos ang alinman sa dalawang aklat, dapat ipagpatuloy ang pag-aaral hanggang sa matapos ang Pag-ibig ng Diyos. Kahit bautisado na ang estudyante, maaari mo pa ring iulat ang oras, ang pagdalaw-muli, at ang pag-aaral. Ang kasama mong mamamahayag na nakikibahagi sa pag-aaral ay puwede ring mag-ulat ng oras.
5. Paano gagamitin ang aklat na Pag-ibig ng Diyos sa pagtulong sa mga mamamahayag na naging di-aktibo?
5 Kung inatasan ka ng isang miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon na magdaos ng pag-aaral sa isang di-aktibong mamamahayag, maaari kang hilingan ng elder na talakayin ang espesipikong mga kabanata sa Pag-ibig ng Diyos. Ang gayong mga pag-aaral ay hindi na kailangang pahabain. Talagang napakagandang paglalaan ang bagong aklat na ito, na dinisenyo para tulungan tayong manatili “sa pag-ibig ng Diyos”!—Jud. 21.