Pasulungin ang Pangangaral sa mga Banyaga ang Wika
1. Habang nangangaral tayo sa ating teritoryo, anong pagkakataon ang nakabukas para sa atin?
1 Inihula ni Jesu-Kristo na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong lupa “bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” Alam ng bawat ministro na nakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo kung gaano kahalaga ang pananalitang iyan. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Kapag tayo ay nangangaral at gumagawa ng mga alagad, maaaring may natatagpuan tayong mga banyaga na hindi nagsasalita ng ating wika. Kailangan din nilang marinig ang mensahe ng Kaharian at manindigan sa katotohanan bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Jehova. (Mal. 3:18) Paano natin mapapasulong ang pangangaral sa mga banyaga ang wika sa ating teritoryo?
2. Paano natin matutularan si Jehova kapag nakikipag-usap sa mga nagsasalita ng ibang wika?
2 Tularan ang Pangmalas ni Jehova sa mga Nagsasalita ng Ibang Wika: Upang maipakita natin sa lahat ang pag-ibig ni Jehova, dapat tayong magkaroon ng matinding pagnanais na tulungan ang mga tao—anuman ang wika nila—na sumapit sa tumpak na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. (Awit 83:18; Gawa 10:34, 35) Bagaman nangangaral tayo pangunahin na sa mga nagsasalita ng wika ng kongregasyong kinauugnayan natin, dapat din tayong magbigay-pansin sa mga nagsasalita ng ibang wika at gumawa ng paraan para maibahagi sa kanila ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Kung babale-walain natin sila, hindi ito magiging kaayon ng layunin ni Jehova na magpatotoo sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Kung gayon, paano natin matutulungan ang mga taong banyaga ang wika?
3. Anong pantulong ang inilaan para sa atin? Paano natin ito magagamit?
3 Gamitin ang Good News for People of All Nations: Magagamit natin ang buklet na ito kapag may nakakausap tayong nagsasalita ng ibang wika. Lagi itong dalhin, maging pamilyar sa iba’t ibang bahagi nito, at maging handang gamitin ito. Markahan sa buklet ang iba’t ibang wika na nasa inyong teritoryo para madali mo itong mahanap. Kung posible, makabubuting kumuha ng ilang literatura sa mga wikang ito para maipasakamay sa iyong kausap matapos mong gamitin ang mensahe sa buklet.
4. Paano mo magagamit ang buklet na Nations sa iyong ministeryo?
4 Kung may natagpuan kang nagsasalita ng ibang wika at hindi ka tiyak kung ano ang kaniyang wika, ipakita muna ang pabalat ng buklet. Pagkatapos, ipakita ang mapa ng daigdig sa likod ng pabalat, ituro ang iyong sarili at ang bansa kung saan ka nakatira, at ipahiwatig sa may-bahay na gusto mong malaman kung taga-saan siya at kung ano ang kaniyang wika. Kapag alam mo na ang kaniyang wika, tingnan ang talaan ng mga nilalaman, hanapin ang pahina ng wikang iyon, ituro sa may-bahay ang pangungusap na nakalimbag sa makakapal na letra sa itaas ng pahina, at ipahiwatig sa kaniya na gusto mong basahin niya ang mensahe. Pagkatapos niya itong basahin, mag-alok ng tract sa kaniyang wika o ituro ang naka-highlight na pangungusap, na nagsasabing gusto mong bumalik dala ang isang publikasyon sa wika ng may-bahay. Pagkatapos, ituro ang pananalitang “aking pangalan” na nakalimbag sa makakapal na letra, at sabihin nang maliwanag ang pangalan mo. Ituro ang “pangalan mo” na nakalimbag sa makakapal na letra, at hintayin ang sagot ng may-bahay. Magtakda ng araw at oras kung kailan ka dadalaw-muli.
5. Ano ang dapat gawin para madalaw-muli ang mga interesadong iba ang wika?
5 Kaayusan sa Pagdalaw-Muli: Dapat gawin ang lahat ng paraan para madalaw-muli ang mga nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian, anuman ang kanilang wika. Kapag may natagpuan tayong interesado, dapat nating punan ang Please Follow Up (S-43) form at agad itong ibigay sa kalihim ng kongregasyon para maisumite sa tanggapang pansangay. Ipadadala naman ng tanggapang pansangay ang form sa grupong nangangaral sa wikang iyon. Pagkatanggap nito, agad na kokontakin ang taong iyon. Ang kalihim ay maaaring magbigay ng kopya ng form sa tagapangasiwa sa paglilingkod upang masubaybayan nito ang pagdami ng mga interesadong iba ang wika. Gagamitin lang ang form na ito kapag nagpakita ng tunay na interes ang indibiduwal.
6. Kapag may natagpuan tayong interesadong iba ang wika, ano ang pananagutan natin?
6 Maaaring lumipas pa ang ilang panahon mula sa pagsumite ng S-43 form hanggang sa pagdalaw ng isang naatasang mamamahayag ang interesadong iba ang wika. Kaya para hindi mawala ang interes ng taong iyon, maaari siyang dalawing muli ng mamamahayag na nagsumite ng S-43 form hanggang sa kontakin siya ng isang mamamahayag na nagsasalita ng kaniyang wika. Sa ilang kaso, puwedeng magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa taong interesado. Pero paano kaya makakakuha ang mamamahayag ng literatura sa wika ng taong interesado?
7. Paano tayo makakakuha ng literatura sa wika ng mga nakakausap natin?
7 Literatura Para sa Ibang Wika: Ang mga kongregasyon ay hindi dapat mag-stock ng maraming literatura na nasa ibang wika. Pero kung napansin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na dumarami ang mga interesado sa grupo ng mga taong iba ang wika, baka makabubuting mag-stock ng sapat na dami ng literatura sa wikang iyon para magamit ng mga mamamahayag. Kung walang stock ang kongregasyon, maaari silang umorder. Pero baka medyo matagalan bago dumating ang mga literaturang inorder. Sa ganitong kaso, maaaring mag-imprenta muna ng mga literatura mula sa www.watchtower.org. Marami ritong mada-download na publikasyon sa daan-daang wika. Tiyak na malaking tulong ang probisyong ito para mapalago ang interes ng mga nagsasalita ng banyagang wika.
8. Ano ang bahagi ng kongregasyon sa pagpapalago ng interes ng mga taong iba ang wika?
8 Bahagi ng Kongregasyon: Sa ilang lugar kung saan dumarami ang mga taong banyaga ang wika, baka walang malapit na kongregasyong gumagamit ng wikang iyon. Kaya dapat anyayahan ang mga interesadong iba ang wika na dumalo sa inyo. Kapag mainit ang pagtanggap sa kaniya ng mga kapatid, mapapasigla siyang laging dumalo. Sa umpisa, baka maging hadlang ang wika at kultura; pero walang makakahadlang sa tunay na Kristiyanong pag-ibig na makikita sa samahan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Zef. 3:9; Juan 13:35) Bihasa ka ba sa ibang wika? Kung oo at handa kang dumalaw sa mga interesadong nagsasalita ng wikang iyon, pakisuyong sabihin sa kalihim ng inyong kongregasyon upang maipaalam niya ito sa tanggapang pansangay. Makakatulong ito kapag ang tanggapang pansangay ay naghahanap ng mamamahayag na puwedeng dumalaw-muli sa isang interesado.
9. Kailan maaaring magtatag ng klase ng wika para sa mga mamamahayag? Ano ang kaayusan dito?
9 Pag-aaral ng Ibang Wika: Kapag may mga tinutulungan kang nagsasalita ng ibang wika, makabubuting pasiglahin silang dumalo sa isang kongregasyon sa sarili nilang wika, kung hindi ito masyadong malayo. Pero kung hindi ito posible, maaaring magpasiya ang ilang mamamahayag na mag-aral ng wikang iyon upang matulungan ang mga interesado. Kung walang malapit na kongregasyon, ang tanggapang pansangay ay maaaring magtatag ng klase para sa pag-aaral ng wika, depende sa dami ng mga taong nagsasalita ng ibang wika sa lugar na iyon. Sa ganitong kaso, ipaaalam ng tanggapang pansangay sa kalapít na mga kongregasyon ang pangangailangang suportahan ang isang partikular na wika. Ipatatalastas sa mga kongregasyon na may isasagawang klase para sa wikang iyon. Para sa mga nagnanais mag-aral, dapat na tunguhin nilang lumipat at maglingkod sa grupo o kongregasyong tumutulong sa isang partikular na wika.
10. Anong mga kahilingan ang dapat maabot para makabuo ng grupong banyaga ang wika?
10 Pagbuo ng Grupo: Para makabuo ng grupong banyaga ang wika, may apat na kahilingang kailangang maabot. (1) Dapat na may makatuwirang dami ng mga interesadong banyaga ang wika. (2) May sapat na dami ng mamamahayag na marunong, o handang mag-aral ng wikang iyon. (3) May isang kuwalipikadong matanda o ministeryal na lingkod na makapangunguna at makapagdaraos ng kahit isang pulong man lamang bawat linggo sa wikang iyon. (4) May isang lupon ng matatanda na handang sumuporta sa grupo. Kung maaabot ang mga kahilingang ito, susulat ang lupon ng matatanda sa tanggapang pansangay para ipaalam ang mga detalye at para hilingin na pormal silang kilalanin bilang kongregasyong sumusuporta sa grupo na banyaga ang wika. (Tingnan ang Organisado, p. 106-107.) Ang matanda o ministeryal na lingkod na mangunguna at mangangasiwa sa grupo ay tatawaging “tagapangasiwa ng grupo” o “lingkod ng grupo.”
11. Bakit isang pribilehiyo na makibahagi sa pagpapasulong ng gawaing pangangaral sa mga banyaga ang wika sa ating teritoryo?
11 Ang pagpapasulong ng pangangaral sa mga banyaga ang wika ay napakahalagang bahagi ng pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral na sinimulan ng ating Huwaran, si Jesu-Kristo. Maging masigasig nawa tayo sa paggawa ng ating bahagi at sa gayo’y masaksihan kung paano inuuga ni Jehova ang mga bansa at tinitipon ang mga kanais-nais sa kaniya. (Hag. 2:7) Talagang kasiya-siyang makibahagi rito sa abot ng ating makakaya! Pagpalain nawa ni Jehova ang ating pagsisikap na mapasulong ang pangangaral sa banyagang wika sa ating teritoryo. Lagi nating tandaan na hindi mahahadlangan ng pagkakaiba-iba ng wika ang ating gawain dahil ang Diyos ang nagpapalago nito!—1 Cor. 3:6-9.