‘Ibahagi ang Iyong Kaluluwa’ sa Iyong mga Tinuturuan
1. Ano ang kailangan para matulungan ang isang estudyante sa Bibliya?
1 Para matulungan ang iyong estudyante sa Bibliya na mag-alay, hindi sapat na basta regular siyang turuan sa Bibliya. Ang kaugnayan ni apostol Pablo sa kaniyang mga tinuturuan ay inihalintulad niya sa isang nagpapasusong ina na nag-aaruga sa kaniyang mga anak. Nalulugod din tayong ibahagi ang “[ating] sariling mga kaluluwa” para matulungan ang ating mga estudyante na sumulong sa espirituwal.—1 Tes. 2:7-9.
2. Bakit dapat tayong magpakita ng pagmamalasakit? Paano natin ito magagawa?
2 Ipakita ang Pagmamalasakit: Kapag ikinakapit na ng estudyante ang kaniyang natututuhan, mauudyukan siya ng kaniyang budhi na huminto na sa pakikisama sa mga hindi sumusunod sa mga simulain ng Bibliya. (1 Ped. 4:4) Baka itakwil siya ng kaniyang pamilya. (Mat. 10:34-36) Mababawasan ang kaniyang pangungulila kung madarama niyang nagmamalasakit tayo sa kaniya. Iminungkahi ng isang makaranasang misyonero: “Huwag kang aalis agad pagkatapos ng pag-aaral. Kung puwede, makipagkuwentuhan ka muna sandali.” Tingnan kung ano ang puwede mong maitulong sa kaniya. Halimbawa, puwede mo ba siyang tawagan o dalawin kapag may sakit siya? Puwede mo ba siyang tabihan sa pulong at alagaan ang kaniyang mga anak?
3. Paano natin matutulungan ang ating estudyante na makatanggap ng pampatibay-loob mula sa kongregasyon?
3 Tulong ng Kongregasyon: Kung malapit sa bahay ng iyong estudyante ang teritoryo, bakit hindi dumalaw sandali para ipakilala ang mga kasama mo? Kung puwede, magsama paminsan-minsan ng iba’t ibang mamamahayag, pati na ng mga elder, sa inyong pag-aaral. Bukod diyan, kapag napasimulan mo na ang pag-aaral, anyayahan agad ang iyong estudyante na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Sa gayon, masisiyahan siya sa nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga kapatid na posibleng maging espirituwal na pamilya niya.—Mar. 10:29, 30; Heb. 10:24, 25.
4. Ano ang magandang ibubunga ng ating pagtitiyaga?
4 Ang isang magulang na walang-kapagurang tumutulong sa kaniyang mga anak na sumulong sa espirituwal ay tuwang-tuwa kapag naninindigan ang mga ito sa panig ni Jehova at lumalakad sa katotohanan. (3 Juan 4) Makadarama tayo ng gayon ding kagalakan habang ibinabahagi natin ang ating kaluluwa para tulungan ang ating mga tinuturuan sa Bibliya.