Tulong Para sa mga Pamilya
1. Paano nakinabang sa lingguhang Sabbath ang mga pamilyang Israelita?
1 Ang pangingilin ng Sabbath ay isang maibiging paglalaan ni Jehova sa mga pamilya. Nakapagpapahinga ang mga Israelita mula sa kanilang regular na mga trabaho at nakapaglalaan sila ng panahon para bulay-bulayin ang kabutihan ni Jehova at ang kaugnayan nila sa kaniya. Maaaring samantalahin ng mga magulang ang pagkakataong ito para maikintal sa puso ng kanilang mga anak ang Kautusan. (Deut. 6:6, 7) Dahil sa Sabbath, may panahon bawat linggo ang bayan ni Jehova na magpokus sa kanilang espirituwalidad.
2. Ano ang itinuturo sa atin ng Sabbath tungkol kay Jehova?
2 Sabihin pa, hindi na hinihiling ni Jehova na ipangilin ng mga pamilya ang Sabbath. Pero may itinuturo sa atin ang kautusang iyon tungkol sa ating Diyos. Lagi siyang interesado sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan. (Isa. 48:17, 18) Sa ngayon, ang isang paraan para maipakita ni Jehova ang maibiging interes na ito ay sa pamamagitan ng Pampamilyang Pagsamba.
3. Ano ang layunin ng Pampamilyang Pagsamba?
3 Ano ang Layunin ng Pampamilyang Pagsamba? Noong Enero 2009, ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay sinimulang idaos kasama ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod. Ang isang dahilan ng pagbabagong ito ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na patibayin ang kanilang espirituwalidad sa pamamagitan ng pag-iiskedyul ng espesipikong gabi bawat linggo para sa pampamilyang pagsamba. Kung praktikal, bawat pamilya ay hinihimok na ilipat ang kanilang pampamilyang pag-aaral sa gabi na dating para sa pag-aaral sa aklat, at gamitin ang panahong iyon sa talakayan at pag-aaral sa Bibliya nang hindi nagmamadali at iniaangkop ito sa pangangailangan ng pamilya.
4. Dapat bang limitahan ng pamilya sa isang oras lang ang kanilang talakayan? Ipaliwanag.
4 Para makadalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, kailangan natin ng panahon para magbihis, magbiyahe, at iba pa. Para sa marami, ang pagdalo sa isang oras na pulong na ito ay umuubos ng malaking bahagi ng gabing iyon. Dahil sa pagbabago sa iskedyul ng ating pulong, magagamit na natin ang gabing iyon sa pagsamba kay Jehova bilang isang pamilya. Kaya hindi natin dapat limitahan sa isang oras lang ang ating Pampamilyang Pagsamba. Sa halip, dapat nating pag-isipan ang mga pangangailangan at limitasyon ng ating pamilya at saka iayon dito ang panahong gugugulin.
5. Dapat bang gugulin ang buong panahon sa talakayan ng grupo? Ipaliwanag.
5 Dapat Bang Gugulin ang Buong Panahon sa Talakayan ng Grupo? Kapag magkasamang tinatalakay ng mga mag-asawa at pamilyang may mga anak ang maka-Kasulatang mga paksa, napatitibay nila ang isa’t isa. (Roma 1:12) Nagiging malapít sila sa isa’t isa. Kaya dapat na nakasentro ang Pampamilyang Pagsamba sa mga talakayan sa Bibliya. Pero puwede ring gumugol ng panahon sa personal na pag-aaral ang bawat miyembro ng pamilya. Halimbawa, pagkatapos ng talakayan ng grupo, puwede pa ring magkakasama ang pamilya habang ipinagpapatuloy ng bawat isa ang kani-kaniyang pag-aaral, marahil ang paghahanda para sa mga pulong o pagbabasa ng mga magasin. Ipinapasiya ng ilang pamilya na huwag magbukas ng TV sa gabing iyon.
6. Paano maaaring idaos ang talakayan?
6 Paano Maaaring Idaos ang Talakayan? Hindi kailangan laging tanong-sagot ang talakayan. Para maging mas buháy at kapana-panabik ang Pampamilyang Pagsamba, maraming pamilya ang may isang programa na katulad ng ating pulong sa gitnang sanlinggo. Hinahati nila sa maraming bahagi ang kanilang talakayan at ginagawa ito sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, maaari nilang basahing magkakasama ang Bibliya, paghandaan ang isang bahagi ng mga pulong, at magkaroon ng mga sesyon sa pagsasanay para sa ministeryo. May ilang mungkahi sa pahina 6.
7. Paano gagawing kawili-wili ng mga magulang ang pampamilyang pagsamba?
7 Paano Gagawing Kawili-wili ng mga Magulang ang Pampamilyang Pagsamba? Mas matututo ang pamilya kapag may pag-ibig at relaks ang bawat isa. Puwedeng mag-aral paminsan-minsan sa labas ng bahay kung maganda ang panahon. Mag-break kung kailangan. Ang ilang pamilya ay nagmemeryenda pagkatapos ng programa. Bagaman iiwasan ng mga magulang na pagalitan o disiplinahin ang mga anak sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba, baka kailangan nilang gugulin ang bahagi ng panahong ito para itawag-pansin ang isang ugali o problema. Pero mas mabuting kausapin nang pribado sa ibang araw ng linggong iyon ang anak na may sensitibong mga isyu para hindi siya mapahiya sa kaniyang mga kapatid. Dapat na hindi nakakaantok at masyadong seryoso ang Pampamilyang Pagsamba. Sa halip, dapat na mabanaag dito ang maligayang Diyos na sinasamba natin.—1 Tim. 1:11.
8, 9. Anong paghahanda ang kailangang gawin ng mga ulo ng pamilya?
8 Paano Maghahanda ang Ulo ng Pamilya? Mas makikinabang ang pamilya kung patiunang ihahanda ng ama ang tatalakayin sa bawat Pampamilyang Pagsamba at kung paano ito gagawin. (Kaw. 21:5) Mas mabuti kung ipakikipag-usap niya ito sa kaniyang asawa. (Kaw. 15:22) Mga ulo ng pamilya, puwede ninyo ring tanungin paminsan-minsan ang inyong mga anak kung ano ang mungkahi nila. Kung gagawin ninyo ito, mas malalaman ninyo ang kanilang mga interes at ikinababahala.
9 Hindi naman kailangang gumugol ng malaking panahon sa paghahanda ang ulo ng pamilya linggu-linggo. Malamang na masisiyahan ang pamilya sa pagkakaroon ng ilang regular na bahagi bawat linggo, anupat hindi kailangang mag-isip ang ulo ng pamilya ng bagong programa linggu-linggo. Maaaring makatulong kung maghahanda siya tuwing pagkatapos ng pampamilyang pagsamba habang sariwa pa sa isip niya ang espirituwal na pangangailangan ng pamilya. Isinusulat ng ilang ulo ng pamilya ang isang maikling agenda at ipinapaskil ito kung saan madaling makita, gaya ng sa refrigerator. Dahil dito, nagiging excited ang bawat isa at makapaghahanda ang pamilya kung kailangan.
10. Paano maaaring gamitin ng mga nag-iisa ang panahon para sa Pampamilyang Pagsamba?
10 Paano Kung Nag-iisa Lang Ako? Kung nag-iisa ka, maaari mong gamitin ang panahon ng Pampamilyang Pagsamba para sa iyong personal na pag-aaral. Dapat kasama rito ang pagbabasa ng Bibliya, paghahanda sa mga pulong, at pagbabasa ng Bantayan at Gumising! Ang ilang mamamahayag ay nagsasagawa pa ng isang proyekto sa personal na pag-aaral. Pana-panahon, maaaring mag-anyaya sila ng ibang mamamahayag o pamilya para samahan sila sa isang nakapagpapatibay na talakayan sa Bibliya.
11, 12. Ano ang ilang pakinabang sa pagkakaroon ng regular na Pampamilyang Pagsamba?
11 Ano ang mga Pakinabang ng Pagkakaroon ng Regular na Pampamilyang Pagsamba? Ang mga buong-pusong nakikibahagi sa tunay na pagsamba ay lalong napapalapít kay Jehova. Isa pa, tumitibay ang buklod ng pamilya kapag magkakasamang sumasamba ang pamilya. Ganito ang isinulat ng isang mag-asawa tungkol sa natanggap nilang mga pagpapala: “Bilang mag-asawang payunir at walang anak, pinanabikan namin ang aming Pampamilyang Pagsamba. Lalo kaming napapalapít sa isa’t isa at sa ating makalangit na Ama. At sa paggising namin sa araw na iniskedyul naming mag-aral nang magkasama, sinasabi namin: ‘Wow! Mamaya Family Worship natin!’”
12 Natutulungan din ng kaayusan ng pampamilyang pagsamba ang mga abalang pamilya. Ganito ang isinulat ng isang nagsosolong ina na regular pioneer at may dalawang anak: “Noon, madalang kaming makapag-aral bilang pamilya dahil pagod na ako. Talagang hindi ko maisip kung kailan ko ito isisingit. Kaya sumulat ako para magpasalamat sa inyo dahil sa kaayusan ng Pampamilyang Pagsamba. Naging regular ang pag-aaral namin bilang pamilya at nakikinabang kami.”
13. Saan nakadepende ang pakinabang na makakamit ng inyong pamilya sa kaayusang ito?
13 Gaya ng Sabbath, ang Pampamilyang Pagsamba ay isang kaloob ng ating makalangit na Ama na makatutulong sa mga pamilya. (Sant. 1:17) Ang espirituwal na pakinabang ng Sabbath sa mga pamilyang Israelita ay nakadepende sa kung paano nila ginamit ang panahong iyon. Sa katulad na paraan, ang pakinabang sa pampamilyang pagsamba ay nakadepende sa kung paano gagamitin ng mga pamilya ang panahon para dito. (2 Cor. 9:6; Gal. 6:7, 8; Col. 3:23, 24) Kung sasamantalahin ninyo ang kaayusang ito, masasabi rin ng inyong pamilya ang sinabi ng salmista: “Ngunit kung tungkol sa akin, ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.”—Awit 73:28.
[Blurb sa pahina 5]
Dapat na hindi nakakaantok at masyadong seryoso ang Pampamilyang Pagsamba. Sa halip, dapat na mabanaag dito ang maligayang Diyos na sinasamba natin
[Kahon sa pahina 6]
INGATAN
Ilang Mungkahi Para sa Pampamilyang Pagsamba
Bibliya:
• Basahing magkakasama ang isang bahagi ng lingguhang pagbabasa ng Bibliya. Depende sa materyal, maaaring basahin ng isa ang bahagi ng tagapaglahad, at babasahin naman ng iba ang bahagi iba’t ibang tauhan.
• Isadula ang isang bahagi ng pagbabasa ng Bibliya.
• Patiunang ipabasa sa bawat miyembro ng pamilya ang nakaatas na mga kabanata sa Bibliya at ipasulat ang isa o dalawang tanong nila tungkol dito. Pagkatapos, sama-samang saliksikin ang sagot sa mga tanong ng bawat isa.
• Maghanda bawat linggo ng isang flash card na may nakasulat na isang talata sa Bibliya at sikaping kabisaduhin at ipaliwanag ito. Ipunin ang koleksiyong ito ng mga card, at repasuhin linggu-linggo para malaman kung gaano karaming teksto ang inyong natatandaan.
• Makinig sa isang audio recording ng Bibliya habang sinusubaybayan ito sa kopya ng Bibliya.
Mga Pulong:
• Magkakasamang maghanda para sa isang bahagi ng mga pulong.
• Praktisin ang mga Kingdom song na nakaiskedyul sa bawat linggo.
• Kung ang isa ay may bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo o pagtatanghal sa Pulong sa Paglilingkod, talakayin kung paano ito gagampanan o praktisin ito sa harap ng pamilya.
Mga Pangangailangan ng Pamilya:
• Isaalang-alang ang materyal mula sa aklat na Mga Tanong ng Kabataan o Matuto Mula sa Dakilang Guro.
• Magkaroon ng sesyon ng pagsasanay kung paano haharapin ang isang sitwasyon na posibleng bumangon sa eskuwelahan.
• Magkaroon ng sesyon ng pagsasanay kung saan magpapalit ng papel ang mga magulang at mga anak. Magsasaliksik ng isang paksa ang mga anak at gagamitin nila ito sa pangangatuwiran sa mga magulang nila.
Ministeryo:
• Magkaroon ng mga sesyon ng pagsasanay para maihanda ang mga presentasyon para sa dulong sanlinggo.
• Talakayin ang makatotohanang mga tunguhin na maaaring itakda ng pamilya para mapalawak ang kanilang ministeryo sa panahon ng Memoryal o bakasyon.
• Bigyan ng ilang minuto ang bawat miyembro ng pamilya na magsaliksik kung paano sasagutin ang iba’t ibang tanong na maaaring bumangon sa ministeryo at praktisin ito.
Iba Pang mga Mungkahi:
• Basahing magkakasama ang isang artikulo mula sa bagong mga magasin.
• Patiunang ipabasa sa bawat miyembro ng pamilya ang isang artikulo sa bagong mga magasin na interesado sila, at hilingan silang talakayin iyon.
• Pana-panahon ay anyayahan ang isang mamamahayag o mag-asawa na sumama sa inyong Pampamilyang Pagsamba, at marahil ay interbyuhin sila.
• Panoorin at talakayin ang isa sa ating mga video.
• Talakaying sama-sama ang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” o “Repaso Para sa Pamilya” mula sa Gumising!
• Talakaying sama-sama ang “Turuan ang Iyong mga Anak” o “Para sa mga Kabataan” mula sa Ang Bantayan.
• Basahin at talakayin ang isang bahagi ng bagong Taunang Aklat o inilabas na publikasyon sa nakaraang pandistritong kombensiyon.
• Pagkatapos dumalo ng kombensiyon o asamblea, repasuhin ang mga pangunahing punto.
• Pagmasdan ang mga nilalang ni Jehova, at talakayin kung ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova.
• Gumawa ng isang proyekto nang magkakasama, gaya ng mapa, tsart, o modelo ng isang bagay.