‘Pakabanalin Nawa ang Pangalan ng Diyos’
1. Ano ang tema ng programa ng pansirkitong asamblea para sa 2012, at ano ang saligan nito?
1 Napakalaking pribilehiyo na magtaglay ng pangalan ng Soberano ng Sansinukob na si Jehova! Siya mismo ang nagbigay sa atin ng pribilehiyong taglayin ang kaniyang pangalan. Mula noong 1931, nakilala tayo bilang mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10) Lubhang pinahahalagahan ng bugtong na Anak ng Diyos, si Jesus, ang pangalan ng Diyos. Inuna niya ito sa panalanging itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod. (Mat. 6:9) Ito ang saligan ng tema ng programa ng ating pansirkitong asamblea para sa 2012—“Pakabanalin Nawa ang Pangalan ng Diyos.”
2. Anong impormasyon ang aasahan natin sa programa ng pansirkitong asamblea?
2 Kung Ano ang Ating Mapakikinggan: Sa Sabado, tatalakayin sa pahayag na “Ipakilala ang Pangalan ng Diyos Bilang Buong-Panahong mga Lingkod” kung bakit ang buong-panahong paglilingkod ay isang kasiya-siyang paraan ng pamumuhay. Mapakikinggan din natin ang simposyum na “Mag-ingat sa mga Bagay na Umuupasala sa Pangalan ni Jehova,” na tutulong sa atin na maiwasang mabitag ng apat na silo. Sasagutin naman ng pahayag na “Kung Bakit Dapat Pabanalin ang Pangalan ng Diyos” ang mga tanong na, Ano ang tutulong sa atin na mangaral nang may sigasig kapag ang mga tao ay waring hindi gaanong interesado? at, Ano ang tutulong sa atin upang maging makabuluhan ang ating ministeryo? Masisiyahan tayo sa Linggo sa isang simposyum na may apat na bahagi hinggil sa kung paano natin mapababanal ang pangalan ng Diyos sa ating pag-iisip, pananalita, pagpapasiya, at paggawi. Magugustuhan lalo na ng mga baguhan ang pahayag pangmadla na “Pababanalin ni Jehova ang Kaniyang Dakilang Pangalan sa Armagedon.”
3. Ano ang pribilehiyo natin, at paano tayo tutulungan ng programa?
3 Napakalapit nang pabanalin ni Jehova ang kaniyang pangalan. (Ezek. 36:23) Samantala, isang dakilang pribilehiyo na itaguyod ang lahat ng kinakatawan ng banal na pangalan ni Jehova. Nagtitiwala tayo na ang programang ito ng pansirkitong asamblea ay tutulong sa bawat isa sa atin na tuparin ang ating seryosong pananagutan bilang mga tagapagdala ng pangalan ng Diyos.