Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 8/11 p. 4-6
  • Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Maaari Ka Bang Tumawid sa Macedonia?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Makapaglilingkod Ka ba sa Isang Banyagang Lupain?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Mga Paraan Para Mapalawak ang Iyong Ministeryo
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Dapat ba Akong Manirahan sa Ibang Bansa?
    Gumising!—2000
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
km 8/11 p. 4-6

Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?

1. Bakit nagpunta si Pablo at ang kaniyang mga kasama sa Macedonia?

1 Mga 49 C.E. noon, umalis si apostol Pablo sa Antioquia ng Sirya para sa kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero. Balak niyang dumalaw sa Efeso at sa iba pang lunsod ng Asia Minor. Pero tumanggap siya ng isang pangitain sa pamamagitan ng banal na espiritu na nag-aanyaya sa kaniya na ‘tumawid sa Macedonia.’ Malugod niya itong tinanggap pati na ng kaniyang mga kasama, at nagkapribilehiyo silang itatag ang unang kongregasyon sa rehiyong iyon. (Gawa 16:9, 10; 17:1, 2, 4) Sa maraming bahagi ng daigdig ngayon, talagang may pangangailangan para sa higit pang mga manggagawa sa pag-aani. (Mat. 9:37, 38) Nasa kalagayan ka bang tumulong?

2. Bakit hindi naiisip ng iba na lumipat sa banyagang bansa?

2 Marahil gusto mong maging misyonerong gaya ni Pablo pero hindi mo gaanong pinag-iisipang lumipat sa banyagang bansa. Halimbawa, baka hindi posible sa iyo ang pagsasanay sa Gilead dahil sa iyong edad o dahil wala kang asawa o may maliliit pang anak. Marahil hindi mo iniisip na lumipat sa banyagang lupain dahil baka iniisip mong hindi ka matututo ng ibang wika. O baka isa kang nandayuhan sa bansang kinaroroonan mo ngayon dahil sa kabuhayan kaya bantulot kang lumipat. Pero pagkatapos isaalang-alang ito sa panalangin, baka masumpungan mong puwede ka nang lumipat sa banyagang lupain kung saan may pangangailangan.

3. Bakit hindi isang kahilingan ang pagsasanay bilang misyonero para magtagumpay sa pangangaral sa banyagang lupain?

3 Kahilingan ba ang Pagsasanay Bilang Misyonero? Bakit naging matagumpay si Pablo at ang kaniyang mga kasama? Nagtiwala sila kay Jehova at sa kaniyang banal na espiritu. (2 Cor. 3:1-5) Kaya naman, kahit hindi ka puwedeng tumanggap ng pantanging pagsasanay dahil sa iyong kalagayan, maaari ka pa ring maging matagumpay sa pangangaral sa banyagang lupain. Tandaan din na ikaw ay tumatanggap ng pagsasanay mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod. At kung tunguhin mong mag-aral sa Gilead o sa isang nahahawig na paaralan, ang paglipat mo sa ibang bansa para maranasan ang buhay ng isang misyonero ay magagamit mo sa dakong huli kapag tumanggap ka ng karagdagang pagsasanay.

4. Bakit hindi dapat isipin ng mga may-edad na hindi sila maaaring lumipat at mangaral sa banyagang bansa?

4 Mga May-edad Na: Ang mga may-gulang sa espirituwal na may-edad na at may mabuting kalusugan ay malaking tulong sa mga bansang may pangangailangan. Nagretiro ka na ba sa trabaho? Ang ilan na tumatanggap ng kahit maliit na pensiyon ay lumipat sa ibang papaunlad na bansa, kung saan mas mura ang kanilang gastusin kumpara sa bansa nila.

5. Ilahad ang karanasan ng isang nagretirong brother na lumipat sa banyagang lupain.

5 Isang payunir na elder na nagretiro na mula sa isang bansang nagsasalita ng Ingles ang lumipat sa isang bansa sa Timog-silangang Asia na dinarayo ng mga turista. Layunin niyang tumulong sa isang grupo ng siyam na mamamahayag na nagsasalita ng Ingles. Ang grupo ay nangangaral sa 30,000 banyagang nakatira doon. Sa loob ng dalawang taon, 50 na ang dumadalo sa mga pulong. Sumulat ang brother: “Ang paglipat ko rito ay nagdulot sa akin ng napakaraming pagpapala!”

6. Ilahad ang karanasan ng isang sister na lumipat sa isang bansang mas malaki ang pangangailangan.

6 Mga Sister na Walang Asawa: Ginagamit ni Jehova ang mga sister para ipalaganap ang mabuting balita sa mga bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. (Awit 68:11) Tunguhin ng isang kabataang sister na palawakin ang kaniyang ministeryo sa isang banyagang lupain, pero nag-aalala ang kaniyang mga magulang sa kaniyang kaligtasan. Kaya pinili niya ang isang bansa na matatag ang ekonomiya at pulitika. Sumulat siya sa tanggapang pansangay roon, at tumanggap ng nakatutulong at espesipikong impormasyon. Sa loob ng anim na taóng nanirahan siya sa bansang iyon, nagtamasa siya ng maraming pagpapala. Sabi niya: “Sa amin, kaunti lang ang mga Bible study ko. Pero dito kung saan mas malaki ang pangangailangan, marami akong Bible study at talagang nalinang ko ang aking kakayahan sa pagtuturo.”

7. Ilahad ang karanasan ng isang pamilyang lumipat sa isang banyagang bansa.

7 Mga Pamilya: Kung may mga anak ka, hadlang ba ito para lumipat sa isang banyagang lupain upang maipalaganap ang mabuting balita? Isang pamilya na may dalawang anak, edad walo at sampu, ang sumubok nito. Isinulat ng ina: “Nagpapasalamat kami at dito namin napalaki ang mga bata, dahil naging malapít sila sa mga special pioneer at misyonero. Naging mas makabuluhan ang buhay namin nang lumipat kami kung saan mas malaki ang pangangailangan.”

8. Maaari bang maglingkod sa isang banyagang bansa nang hindi na kailangang mag-aral ng ibang wika? Ipaliwanag.

8 Problema sa Wika: Hadlang ba sa iyo ang pagkatuto ng isang banyagang wika para lumipat sa ibang lupain? Marahil ang wika mo ay sinasalita sa ibang bansa na nangangailangan ng mas maraming mangangaral ng Kaharian. Isang mag-asawang nagsasalita ng Ingles ang lumipat sa isang bansang nagsasalita ng Kastila. Maraming nandayuhan doon ang nagsasalita ng Ingles. Pagkatapos tumanggap mula sa tanggapang pansangay ng impormasyon tungkol sa ilang kongregasyong Ingles na may pangangailangan, pumili sila ng isa at dalawang beses na dinalaw ito. Umuwi sila, binawasan ang kanilang buwanang gastusin, at nag-ipon ng pera sa loob ng isang taon. Nang handa na silang lumipat, tinulungan sila ng mga kapatid doon na makakita ng mauupahang bahay.

9, 10. Ano ang maaaring pag-isipan ng mga nandayuhan, at bakit?

9 Mga Nandayuhan: Nandayuhan ka ba, marahil bago ka natuto ng katotohanan? Baka may malaking pangangailangan para sa mga mang-aani sa bansa kung saan ka ipinanganak. Puwede ka kayang bumalik doon para tumulong? Malamang na mas madali para sa iyo na makasumpong ng trabaho at matutuluyan kaysa sa isa na mula sa ibang bansa. Marahil alam mo na ang wika roon. Isa pa, mas malamang na makinig ang mga tao sa mensahe ng Kaharian mula sa iyo kaysa sa isa na hindi nila kalahi.

10 Isang lalaki ang lumikas mula sa Albania papuntang Italya, nakakuha ng magandang trabaho, at nagpapadala ng pera sa kaniyang pamilya sa Albania. Nang matuto siya ng katotohanan, nagturo siya ng wikang Albaniano sa isang grupo ng mga Italyanong special pioneer na lilipat sa Albania para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sumulat ang brother: “Papunta ang mga payunir na ito sa teritoryong iniwan ko. Hindi sila marunong mag-Albaniano pero gustung-gusto nilang pumunta. Tapos ako, na purong Albaniano, ay nasa Italya?” Nagpasiya ang brother na umuwi sa Albania para ipalaganap ang mabuting balita. Sabi niya: “Nagsisisi ba ako at iniwan ko ang trabaho at kikitain ko sa Italya? Hindi! Totoong trabaho ang nakita ko sa Albania. Kung ako ang tatanungin, ang pinakamahalaga at pinakamasayang trabaho ay ang maglingkod kay Jehova nang buong puso!”

11, 12. Ano ang dapat gawin ng mga nagbabalak lumipat sa isang banyagang lupain?

11 Kung Paano Ito Gagawin: Bago pumunta sa Macedonia, balak ni Pablo at ng mga kasama niya na maglakbay pakanluran, pero “pinagbawalan sila ng banal na espiritu,” kaya nagpahilaga sila. (Gawa 16:6) Nang malapit na sila sa Bitinia, hinadlangan sila ni Jesus. (Gawa 16:7) Patuloy na pinangangasiwaan ni Jehova, sa pamamagitan ni Jesus, ang gawaing pangangaral. (Mat. 28:20) Kaya kung iniisip mong lumipat sa isang banyagang lupain, hingin ang patnubay ni Jehova sa panalangin.—Luc. 14:28-30; Sant. 1:5; tingnan ang kahong “Kung Paano Malalaman na May Pangangailangan ang Bansang Iniisip Mong Lipatan.”

12 Ipakipag-usap sa inyong mga elder at iba pang may-gulang na mga Kristiyano ang balak mo at tanungin kung ano ang masasabi nila. (Kaw. 11:14; 15:22) Basahin ang artikulong inilathala tungkol sa paglilingkod sa isang banyagang lupain at magsaliksik tungkol sa alinmang bansa na iniisip mong lipatan. Maaari mo bang puntahan ang bansang iyon, marahil sa loob ng ilang araw? Kung seryoso kang lumipat sa ibang bansa, maaari kang sumulat sa tanggapang pansangay sa bansang iyon para sa higit na impormasyon, gamit ang adres na nasa bagong Taunang Aklat. Pero sa halip na tuwirang ipadala ang iyong liham sa tanggapang pansangay, ibigay ito sa inyong mga elder, na magdaragdag ng komento bago ito ipadala sa sangay.—Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, pahina 111-112.

13. Paano ka matutulungan ng tanggapang pansangay, ngunit ano ang iyong mga pananagutan?

13 Ang tanggapang pansangay ay magpapadala sa iyo ng nakatutulong na impormasyon tungkol sa bansa para tulungan kang magpasiya, pero hindi sila ang magbibigay ng mga sponsorship letter, residency, visa, o iba pang legal form o maghahanap ng matutuluyan para sa iyo. Ito ay personal na mga bagay na kailangan mong pag-isipang mabuti bago ka lumipat. Karagdagan pa, ikaw ang bahalang makipag-ugnayan sa mga embahada o konsulado upang malaman kung ano ang mga kahilingan para sa pagkuha ng visa at work permit. Dapat na kayang tustusan ng mga lilipat ang kanilang mga pangangailangan at asikasuhin ang legal na mga kahilingan.—Gal. 6:5.

14. Anong pag-iingat ang dapat gawin kung pupunta o lilipat sa isang bansang ipinagbabawal ang gawain?

14 Mga Bansang Ipinagbabawal ang Gawain: Sa ilang bansa, ang mga kapatid ay kailangang maging napakaingat sa kanilang pagsamba. (Mat. 10:16) Ang mga mamamahayag na pupunta o lilipat doon ay maaaring makatawag ng pansin sa ating gawain anupat magsasapanganib sa kalagayan ng mga kapatid. Kung iniisip mong lumipat sa gayong bansa, pakisuyong sumulat sa inyong tanggapang pansangay sa pamamagitan ng inyong lupon ng matatanda bago magpunta roon.

15. Paano mapalalawak ng mga wala sa kalagayang lumipat sa ibang bansa ang kanilang ministeryo?

15 Kung Hindi Ka Maaaring Lumipat: Kung wala ka sa kalagayang lumipat sa ibang bansa, huwag masiraan ng loob. Marahil may ibang “malaking pinto na umaakay sa gawain” ang nakabukas para sa iyo. (1 Cor. 16:8, 9) Baka ang inyong tagapangasiwa ng sirkito ay may alam na lugar na malapit sa inyo na nangangailangan ng tulong. Marahil puwede kang tumulong sa isang kalapít na kongregasyon o grupo na nagsasalita ng banyagang wika. O maaaring mapalawak mo pa ang iyong ministeryo sa inyong kongregasyon. Anuman ang iyong kalagayan, ang mahalaga ay ang iyong buong-kaluluwang pagsamba.—Col. 3:23.

16. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa mga nagnanais lumipat sa banyagang lupain?

16 May kilala ka bang Kristiyanong may-gulang sa espirituwal na may balak maglingkod sa isang banyagang lupain? Patibayin siya at suportahan! Nang umalis si Pablo sa Antioquia ng Sirya, iyon ang ikatlong pinakamalaking lunsod sa Imperyo ng Roma (kasunod ng Roma at Alejandria). Dahil napakalaki ng teritoryo, malamang na kailangan ng kongregasyon sa Antioquia ang tulong ni Pablo at tiyak na mami-miss nila siya kung aalis siya. Pero hindi binabanggit ng Bibliya na pinigilan ng mga kapatid si Pablo. Lumilitaw na sa halip na isipin lamang ang kanilang lugar, naalaala nila na “ang bukid ay ang sanlibutan.”—Mat. 13:38.

17. Ano ang mga dahilan para pag-isipang ‘tumawid sa Macedonia’?

17 Saganang pinagpala si Pablo at ang kaniyang mga kasama dahil sa pagtugon nila sa paanyayang tumawid sa Macedonia. Habang nasa lunsod ng Filipos sa Macedonia, nasumpungan nila si Lydia, at “binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.” (Gawa 16:14) Isip-isipin ang kagalakan ni Pablo at ng mga kasama niyang misyonero nang si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan! Sa maraming lupain, may mga tapat-pusong gaya ni Lydia na hindi pa nakaririnig ng mensahe ng Kaharian. Kung ‘tatawid ka sa Macedonia,’ mararanasan mo ang kagalakan na masumpungan sila at matulungan.

[Kahon sa pahina 5]

Kung Paano Malalaman na May Pangangailangan ang Bansang Iniisip Mong Lipatan

• Tingnan ang pinakabagong Taunang Aklat. Bigyang-pansin ang ratio ng mamamahayag sa populasyon.

• Gamitin ang Index para magsaliksik ng mga artikulo at mga karanasan mula sa bansang iyon.

• Magtanong sa mga mamamahayag na pumunta na o nanirahan sa bansang iyon.

• Kung iniisip mo ang isang bansa na magpapahintulot sa iyo na mangaral sa iyong katutubong wika, sumangguni sa sekular na mapagkukunan ng impormasyon, gaya ng Internet, para malaman kung gaano karami roon ang nagsasalita ng iyong wika.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share