Tulungan ang May-bahay na Mangatuwiran
1. Anong paraan ang pinakamabisa sa ministeryo?
1 Aling paraan ang mas mabisa sa ministeryo—ang paraang dogmatiko o ang isa na tumutulong sa may-bahay na mangatuwiran at bumuo ng tamang konklusyon? Ginamit ni apostol Pablo ang pangangatuwiran sa kaniyang mga tagapakinig nang makipag-usap siya sa mga Judio sa Tesalonica, at “dahil dito ang ilan sa kanila ay naging mga mananampalataya.” (Gawa 17:2-4) Paano ba ito gagawin?
2. Paano natin matutularan si Pablo kapag ibinabahagi natin ang mabuting balita?
2 Isaalang-alang ang Damdamin at Pinagmulan: Sa paggamit ng pangangatuwiran, isinasaalang-alang natin ang damdamin ng mga tao sa teritoryo. Sinimulan ni Pablo ang kaniyang pahayag sa di-sumasampalatayang mga Griego sa Areopago sa pagbanggit sa mga bagay na malamang ay dati na nilang alam at tinatanggap. (Gawa 17:22-31) Kaya sa paghahanda ng presentasyon, isaalang-alang ang karaniwang mga paniniwala at maling akala ng mga tao sa inyong teritoryo. (1 Cor. 9:19-22) Kapag tumutol ang may-bahay, humanap ng paksang sasang-ayon siya, at pag-usapan ito.
3. Paano tayo mas mabisang makikipagkatuwiranan sa iba sa tulong ng mahusay na paggamit ng mga tanong?
3 May-kahusayang Gumamit ng mga Tanong: Hindi tayo makapagbibigay ng direksiyon sa isang manlalakbay para matulungan siyang makarating sa kaniyang destinasyon kung hindi natin alam kung nasaan siya. Sa gayunding paraan, hindi natin matutulungan ang may-bahay na bumuo ng tamang konklusyon kung hindi natin alam ang kaniyang opinyon. Bago makipagkatuwiranan si Jesus sa kaniyang kausap, madalas na nagtatanong siya para malaman ang iniisip nito. Halimbawa, nang may magtanong kay Jesus, “Ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?,” inalam muna ni Jesus ang pangmalas ng tao bago niya ito sinagot. (Luc. 10:25-28) Minsan naman, nang sumagot nang mali si Pedro, may-kahusayang gumamit si Jesus ng mga tanong para ituwid ang pag-iisip nito. (Mat. 17:24-26) Kaya kapag nagtanong o bumanggit ang may-bahay ng maling opinyon, maaari tayong magtanong para matulungan siyang mangatuwiran sa mga bagay-bagay.
4. Bakit dapat nating pagsikapang tulungan ang may-bahay na mangatuwiran?
4 Kapag tinutulungan natin ang may-bahay na mangatuwiran, tinutularan natin ang Dakilang Guro, si Jesus, gayundin ang iba pang mga bihasang ebanghelisador noong unang siglo. Binibigyan natin ng dignidad at paggalang ang may-bahay. (1 Ped. 3:15) Dahil dito, maaaring mas gugustuhin niya tayong bumalik.