Dalawang Barya na May Maliit na Halaga
Ang isang mahalagang paraan para suportahan ang mga kapakanan ng Kaharian ay sa pamamagitan ng pinansiyal na pag-aabuloy sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. Paano kung wala tayong gaanong pera?
Minsan ay nakita ni Jesus ang isang dukhang babaing balo na nag-abuloy sa kabang-yaman sa templo ng dalawang barya na may maliit na halaga. Pinakilos siya ng pag-ibig niya kay Jehova na magbigay “mula sa kaniyang kakapusan, . . . ng lahat ng taglay niya, ang kaniyang buong ikabubuhay.” (Mar. 12:41-44) Ang bagay na binanggit ito ni Jesus ay nagpapakita na sa paningin ng Diyos, ang kaniyang iniabuloy ay may napakalaking halaga. Sa katulad na paraan, hindi iniisip ng mga Kristiyano noong unang-siglo na mayayamang Kristiyano lamang ang may pananagutan at pribilehiyong magbigay ng pinansiyal na tulong para sa ministeryo. Binanggit ni apostol Pablo ang halimbawa ng mga taga-Macedonia na, sa kabila ng “matinding karalitaan . . . ay patuloy na nagsumamo . . . na may matinding pamamanhik upang magkaroon ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan.”—2 Cor. 8:1-4.
Kaya kung makapag-aabuloy lamang tayo ng ‘dalawang barya na may maliit na halaga,’ dapat nating tandaan na kung pagsasama-samahin ang maraming maliliit na kontribusyon, magiging malaking halaga ito. Ang ating pagbibigay mula sa puso ay makalulugod sa ating bukas-palad na Ama sa langit, sapagkat “iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Cor. 9:7.