Ingatan ang Inyong Budhi
1. Ano ang tema ng araw ng pantanging asamblea sa 2013, at ano ang layunin ng programa?
1 Araw-araw, napapaharap tayo sa mga sitwasyon na maaaring sumubok sa atin na labagin ang ating budhi. Kaya naman ang tema ng araw ng pantanging asamblea sa 2013 ay “Ingatan ang Inyong Budhi.” (1 Tim 1:19) Layunin ng programa na tulungan tayong seryosohin kung paano natin ginagamit ang kamangha-manghang regalong ito mula sa ating Maylalang.
2. Anong mahahalagang tanong ang sasagutin sa programa ng asamblea?
2 Hanapin ang mga Puntong Ito: Sasagutin ng programa ang pitong pangunahing tanong hinggil sa budhi:
• Ano ang maaaring makapinsala sa ating budhi?
• Paano natin sasanayin ang ating budhi?
• Paano tayo magiging malinis sa dugo ng lahat ng tao?
• Ano ang ipinahihiwatig ng ating pag-iisíp at pagkilos ayon sa mga simulain sa Bibliya?
• Paano natin maiiwasang masugatan ang budhi ng iba?
• Mga kabataan, paano kayo makapaninindigan sa harap ng panggigipit?
• Ano ang mga kapakinabangan ng pagpapagabay sa ating budhing sinanay sa Bibliya?
3. Paano tayo makikinabang sa programa?
3 Sa tulong ni Jehova, malalabanan natin ang mga pagsisikap ni Satanas na pasamain ang ating budhi. Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at ng kaniyang organisasyon, sinasabi sa atin ng ating maibiging Ama: “Ito ang daan. Lakaran ninyo ito.” (Isa. 30:21) Ang programang ito ay isang paglalaan ni Jehova upang tayo’y patnubayan. Tiyaking madaluhan ang buong programa. Matamang makinig, at pag-isipan kung paano mo maikakapit ang mga impormasyon. Pag-usapan ng buong pamilya ang programa. Kung ikakapit ang mga tagubiling tinatanggap natin, tutulong ito sa atin na patuloy na ‘magtaglay ng isang mabuting budhi’ at maiwasang mailihis ng pansamantalang kasiyahang iniaalok ng sanlibutan ni Satanas.—1 Ped. 3:16.