Kung Paano Makikinabang Mula sa Inyong Grupo sa Paglilingkod sa Larangan
1. Anong mga kapakinabangan mula sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang matatamo pa rin natin sa ating grupo sa paglilingkod sa larangan?
1 Hinahanap-hanap mo ba ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Maliit ang mga grupo at mas relaks ang mga kapatid. Kaya madaling makipagkaibigan anupat nakatutulong ito na manatili tayong malakas sa espirituwal. (Kaw. 18:24) Alam ng tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat ang kalagayan ng bawat isa at nakapaglalaan siya ng personal na pampatibay. (Kaw. 27:23; 1 Ped. 5:2, 3) Ang mga kapakinabangang ito ay matatamo pa rin natin sa ating grupo sa paglilingkod sa larangan.
2. Paano tayo magkukusang makipagkaibigan sa mga kagrupo natin sa paglilingkod sa larangan na pinagmumulan ng espirituwal na suporta?
2 Magkusa: Ang mga grupo sa paglilingkod sa larangan ay karaniwan nang kasinlaki ng mga grupo ng pag-aaral sa aklat. Habang naglilingkod sa ministeryo nang “magkakaagapay,” nagiging malapít tayo sa isa’t isa. (Fil. 1:27) Ilan na ang nakapartner mo sa inyong grupo? Maaari ka bang “magpalawak” sa bagay na ito? (2 Cor. 6:13) Bukod diyan, maaari nating anyayahan ang ating kagrupo na kumain kasama ng ating pamilya o sumama sa ating Pampamilyang Pagsamba. Sa ilang kongregasyon, naghahalinhinan ang mga grupo sa paglilingkod sa larangan sa pagpapakain sa inanyayahang tagapagsalita. Kapag toka na ng grupo, nagsasama-sama sila para kumain at magpatibayan kahit hindi makakasama ang tagapagsalita.
3. Anu-ano ang mga pagkakataon para makatanggap ng pagpapastol mula sa ating grupo sa paglilingkod sa larangan?
3 Bagaman dalawang beses na lang sa isang linggo nagtitipon ang kongregasyon, hindi ito nangangahulugan na dapat mabawasan ang pagpapastol sa mga mamamahayag. May iniatas na tagapangasiwa sa bawat grupo para mabigyan ang bawat isa ng personal na pampatibay at pagsasanay sa ministeryo. Kung hindi ka pa iniskedyul ng inyong tagapangasiwa ng grupo na makapartner sa ministeryo, bakit hindi mo siya hilingang makapartner? Isa pa, sinasamahan sa ministeryo ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang iba’t ibang grupo isang dulo ng sanlinggo bawat buwan. Sa maliliit na kongregasyon kung saan kaunti lang ang mga grupo sa paglilingkod sa larangan, maaari niyang iiskedyul na dalawin ang bawat grupo nang dalawang beses sa isang taon. Kapag naglilingkod siya sa inyong grupo, isinasaayos mo ba ang iyong iskedyul para makasama sa ministeryo?
4. (a) Paano inoorganisa ang mga pagtitipon para sa paglilingkod? (b) Bakit dapat nating pag-isipan kung ipagagamit natin ang ating bahay sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
4 Karaniwan nang kapaki-pakinabang sa mga grupo na magtipon para sa paglilingkod sa larangan nang hiwa-hiwalay sa mga dulo ng sanlinggo. Kung iba-iba ang lokasyon at halos pare-pareho naman ang oras ng pagtitipon, maaaring mas madali para sa mga mamamahayag na magbiyahe patungo sa pagtitipon para sa paglilingkod at marahil pati sa teritoryo. Mabilis na maoorganisa ang mga mamamahayag at agad silang makapupunta sa teritoryo. Mas madali rin para sa tagapangasiwa ng grupo na masubaybayan ang kaniyang mga kagrupo. Gayunman, may mga kalagayan na mas mabuting magtipong sama-sama ang dalawa o higit pang mga grupo. Kung ang buong kongregasyon ay nagtitipong sama-sama para sa paglilingkod sa unang Sabado ng buwan o pagkatapos ng Pag-aaral sa Bantayan, karaniwan nang kapaki-pakinabang para sa bawat grupo na umupong magkakatabi at mabigyan ang tagapangasiwa ng grupo ng ilang minuto para organisahin ang kaniyang grupo bago tapusin sa panalangin ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan.—Tingnan ang kahong “Ipagagamit Mo ba ang Inyong Bahay?”
5. Bagaman wala nang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ano ang matitiyak natin?
5 Bagaman wala nang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, patuloy na naglalaan si Jehova ng lahat ng kailangan natin para magawa ang kaniyang kalooban. (Heb. 13:20, 21) Sa ilalim ng pangangalaga ni Jehova, hindi tayo nagkukulang ng anuman. (Awit 23:1) Marami tayong matatanggap na pagpapala mula sa ating mga grupo sa paglilingkod sa larangan. Kung magkukusa tayo at ‘maghahasik nang sagana,’ tayo ay ‘mag-aani nang sagana.’—2 Cor. 9:6.
[Kahon sa pahina 6]
Ipagagamit Mo ba ang Inyong Bahay?
Sa ilang kongregasyon, pinagsasama-sama ang mga grupo para sa paglilingkod sa dulo ng sanlinggo dahil iilan lamang ang mga bahay kung saan maaaring magtipon. Ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay bahagi ng kaayusan ng kongregasyon, kaya tunay na isang pribilehiyo na idaos ito sa ating bahay. Maaari mo bang ipagamit ang inyong bahay? Huwag kang mahiya kung simple lang ang inyong bahay. Isasaalang-alang ng mga elder ang lokasyon ng inyong bahay at iba pang salik, gaya noong piliin nila ang mga lokasyon para sa pag-aaral sa aklat. Kung gusto mong ipagamit ang bahay ninyo, ipaalam ito sa tagapangasiwa ng inyong grupo.