Malugod Silang Tanggapin!
1. Anong okasyon ang nagbibigay sa atin ng magandang pagkakataon para magpatotoo, at bakit?
1 Walang okasyong nagbibigay sa atin ng mas magandang pagkakataon para magpatotoo kaysa sa taunang Memoryal. Pag-isipan ito: Sa taóng ito, mahigit sampung milyong bisita ang inaasahang dadalo sa Memoryal at makikinig tungkol sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na ipinakita sa pamamagitan ng pantubos. (Juan 3:16; 15:13) Malalaman nila ang mga pagpapalang posible nilang makamit dahil sa kaloob na iyon ni Jehova. (Isa. 65:21-23) Pero hindi lang ang tagapagsalita ang makapagbibigay ng patotoo. Ang lahat ng dadalo ay may pagkakataon ding magpatotoo sa pamamagitan ng malugod na pagtanggap sa mga bisita.—Roma 15:7.
2. Paano natin malugod na tatanggapin ang mga bisita?
2 Sa halip na basta maupo at tahimik na hintaying magsimula ang programa, bakit hindi makipagkilala sa mga katabi mo? Ang mga bisita ay maaaring asiwa dahil ito ang una nilang pagdalo. Makatutulong ang ating ngiti at mainit na pagbati upang mapalagay ang loob nila. Para malaman kung dumalo siya dahil nakatanggap siya ng imbitasyon, maaari mong itanong kung ito ang una niyang pagdalo sa ating mga pagtitipon o kung may kakilala siya sa kongregasyon. Baka puwede mo siyang yayaing tumabi sa iyo at pahiramin ng iyong Bibliya at aklat-awitan. Kung sa Kingdom Hall ang pagtitipon, baka puwede mo siyang ilibot sandali. Pagkatapos ng pahayag, sabihing handa kang sagutin ang kaniyang mga tanong. Kung kailangan ninyong umalis agad dahil may susunod na kongregasyong magtitipon, maaari mong sabihin: “Gusto kong malaman kung ano ang masasabi mo sa programa. Puwede ba kitang dalawin o tawagan sa telepono?” Pagkatapos, gumawa ng mga kaayusan para masubaybayan ang kaniyang interes. Ang mga elder, partikular na, ay dapat maging alisto na patibayin ang dumalong mga mamamahayag na di-aktibo.
3. Bakit mahalaga na malugod nating tanggapin ang mga bisita sa Memoryal?
3 Para sa maraming bisita, ito ang unang tikim nila sa kagalakan, kapayapaan, at pagkakaisa sa espirituwal na paraisong tinatamasa ng bayan ni Jehova. (Awit 29:11; Isa. 11:6-9; 65:13, 14) Magandang impresyon ba ang maiiwan sa isip nila? Depende iyan sa malugod nating pagtanggap sa kanila.