Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Amos
1. Bakit nakapagpapatibay ang halimbawa ni Amos?
1 Pakiramdam mo ba’y hindi ka kuwalipikadong mangaral dahil mababa ang iyong pinag-aralan at mahirap lang ang iyong pamilya? Kung gayon, mapatitibay ka ng halimbawa ni Amos. Siya ay isang tagapag-alaga ng tupa at pana-panahong trabahador, pero pinalakas siya ni Jehova para ipahayag ang isang mabigat na mensahe. (Amos 1:1; 7:14, 15) Sa ngayon, ginagamit din ni Jehova ang ordinaryong mga tao. (1 Cor. 1:27-29) Ano pa ang matututuhan natin kay propeta Amos na magagamit natin sa ministeryo?
2. Bakit tayo makapananatiling matatag sa kabila ng mga pagsalansang sa ministeryo?
2 Manatiling Matatag sa Kabila ng Pagsalansang: Si Amazias ay isang saserdoteng sumasamba sa guya sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga. Nang marinig niya ang hula ni Amos, para bang sinabi niya: ‘Umalis ka na! Huwag mo kaming pakialaman! May sarili na kaming relihiyon!’ (Amos 7:12, 13) Pinilipit ni Amazias ang mga salita ng propeta para ipagbawal ni Haring Jeroboam ang gawain ni Amos. (Amos 7:7-11) Pero hindi natakot si Amos. Sa ngayon, may mga klerigo na humihingi ng tulong sa mga pulitiko para pag-usigin ang bayan ni Jehova. Gayunman, tinitiyak sa atin ni Jehova na walang sandatang inanyuan laban sa atin ang magtatagumpay.—Isa. 54:17.
3. Ano ang dalawang bahagi ng ating mensahe?
3 Ihayag ang Hatol ng Diyos at ang mga Pagpapala Niya sa Hinaharap: Bagaman inihula ni Amos ang hatol laban sa sampung-tribong kaharian ng Israel, tinapos naman niya ang aklat ng Bibliya na Amos sa pangako ni Jehova ng pagsasauli at saganang pagpapala. (Amos 9:13-15) Ipinangangaral din natin ang nalalapit na “araw ng paghuhukom” ng Diyos, pero bahagi lang ito ng inihahayag nating ‘mabuting balita ng kaharian.’ (2 Ped. 3:7; Mat. 24:14) Ang pagpuksa ni Jehova sa masasama sa Armagedon ay magbibigay-daan sa paraisong lupa.—Awit 37:34.
4. Bakit tayo nakatitiyak na magagawa natin ang kalooban ni Jehova?
4 Sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa isang daigdig na maraming salansang, talagang nasusubok ang ating determinasyon na tuparin ang pag-aalay natin kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. (Juan 15:19) Pero nakatitiyak tayo na patuloy na ibibigay ni Jehova ang kailangan natin para matupad natin ang kaniyang kalooban, gaya ng ginawa niya kay Amos.—2 Cor. 3:5.