Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Oseas
1. Ano ang posibleng naitanong mo na sa iyong sarili?
1 ‘Anu-ano ang handa kong isakripisyo para kay Jehova?’ Posibleng naitanong mo na iyan kapag binubulay-bulay mo ang kaniyang saganang kabutihan at awa. (Awit 103:2-4; 116:12) Buong-pusong sinunod ni Oseas ang iniutos sa kaniya ni Jehova, kahit na kailangan niyang magsakripisyo. Paano natin matutularan si Oseas?
2. Paano natin matutularan ang magandang halimbawa ni Oseas sa pagtitiyaga sa gawaing pangangaral?
2 Mangaral sa Maligalig na Panahon: Ang mensahe ni Oseas ay pangunahin nang para sa sampung-tribong kaharian ng Israel, kung saan halos nawawala na ang tunay na pagsamba. Ginawa ni Haring Jeroboam II ang masama sa paningin ni Jehova at pinanatili niya ang pagsamba sa guya na pinasimulan ni Jeroboam I. (2 Hari 14:23, 24) Ipinagpatuloy ng sumunod na mga hari ang pagguho sa espirituwal ng sampung-tribong kaharian hanggang sa wasakin ito noong 740 B.C.E. Pero sa kabila ng pananaig ng huwad na pagsamba, si Oseas ay tapat na naglingkod bilang propeta sa loob ng mga 59 na taon. Determinado rin ba tayong mangaral sa loob ng maraming taon kahit na napapaharap tayo sa kawalan ng interes o pagsalansang?—2 Tim. 4:2.
3. Paano inilarawan ng buhay ni Oseas ang awa ni Jehova?
3 Magpokus sa Awa ni Jehova: Inutusan ni Jehova si Oseas na mag-asawa ng “isang asawang mapakiapid.” (Os. 1:2) Bagaman nagkaroon sila ng anak na lalaki ng asawa niyang si Gomer, lumilitaw na nagkaroon din si Gomer ng dalawang anak sa labas. Ang pagiging handang magpatawad ni Oseas sa kaniyang asawa ay lumarawan sa matinding awa ni Jehova nang magsisi ang masuwaying Israel. (Os. 3:1; Roma 9:22-26) Handa ba tayong isaisantabi ang personal nating kagustuhan para maipaalam ang awa ni Jehova sa lahat ng uri ng tao?—1 Cor. 9:19-23.
4. Ano ang ilang sakripisyo na maaari nating gawin para kay Jehova?
4 Isinakripisyo ng ilang lingkod ni Jehova ang kanilang magagandang trabaho para makapaglaan ng mas maraming panahon sa ministeryo. Ang iba ay nanatiling walang asawa o walang anak para itaguyod ang kapakanan ng Kaharian. Kapag binubulay-bulay natin ang buhay ni Oseas, baka masabi natin, ‘Hindi ko kaya ang ginawa niya.’ Pero habang lumalaki ang pagpapahalaga natin sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at habang umaasa tayo sa kaniyang banal na espiritu para sa lakas, baka gamitin niya tayo sa paraang hindi natin naiisip na kaya nating gawin, gaya ng kay Oseas.—Mat. 19:26; Fil. 2:13.