Tinutulungan Tayo ng 2015 Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na Mapahusay ang Ating Pagtuturo
1 Isinulat ng salmistang si David: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” (Awit 19:14) Gusto rin nating maging kalugod-lugod kay Jehova ang ating mga pananalita dahil pinahahalagahan natin ang pribilehiyong magsalita ng katotohanan sa kongregasyon at sa ministeryo. Ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay isa sa mga paraan ni Jehova para sanayin tayo sa ministeryo. Linggo-linggong ginagawa ang pagsasanay na ito sa mahigit 111,000 kongregasyon sa buong daigdig. Nakatulong ito sa mga kapatid na may iba’t ibang background na magkaroon ng sapat na kakayahan at maging kuwalipikadong ministro, sa gayo’y makapagturo nang may panghihikayat, taktika, at katapangan.—Gawa 19:8; Col. 4:6.
2 Kasama sa iskedyul ng paaralan sa 2015 ang mga paksa sa “An Introduction to God’s Word” (Introduksyon sa Salita ng Diyos) at sa “Glossary of Bible Terms” na makikita sa New World Translation, at ang materyal mula sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1. Karagdagan pa, may pagbabago sa oras na nakalaan para sa pagtalakay ng mga tampok na bahagi sa Bibliya at Atas Blg. 1. Ang mga pagbabagong ito pati na ang mga tagubilin kung paano ihaharap ang mga bahagi sa paaralan ay tatalakayin sa susunod na mga parapo.
3 Mga Tampok na Bahagi sa Bibliya: Ang mga brother na maaatasan ng bahaging ito ay may dalawang minuto para tumalakay ng isang maganda at praktikal na punto mula sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya. Kailangan ang mahusay na paghahanda para makapagbahagi ng makabuluhang punto sa kongregasyon sa loob ng itinakdang oras. Kasunod nito ang anim na minutong nakalaan sa kongregasyon para makapagbigay ng 30-segundong komento o mas maikli pa tungkol sa magagandang puntong nakita nila sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya. Kailangan din ng paghahanda at disiplina sa sarili para makapagbigay ng magandang komento sa loob ng 30 segundo, pero magandang pagsasanay ito sa atin. Nagbibigay rin ito ng pagkakataon para mas marami pa ang makapagkomento tungkol sa natutuhan nila sa kanilang personal na pagsasaliksik.
4 Atas Blg. 1: Ang oras na nakalaan para sa pagbabasa ng Bibliya ay ginawang tatlong minuto o mas maikli at ang saklaw na materyal ay pinaikli rin. Dapat ensayuhin nang ilang ulit ang atas na ito sa pamamagitan ng pagbabasa nang malakas at pagtutuon ng pansin sa tumpak na pagbigkas at katatasan para maitawid ang ideya at maintindihan ito ng mga tagapakinig. Dapat magsikap ang bayan ni Jehova na maging mahusay sa pagbabasa dahil mahalaga ito sa ating pagsamba. Natutuwa tayo dahil maraming bata sa ating kongregasyon ang mahusay magbasa. Kapuri-puri ang pagsisikap ng kanilang mga magulang para sanayin sila sa pagbabasa.
5 Atas Blg. 2: Ito ay limang-minutong pagtatanghal na iaatas sa isang sister. Dapat gamitin ng estudyante ang iniatas na tema. Kapag ang atas ay batay sa materyal mula sa New World Translation, dapat itong ikapit sa isang aspekto ng paglilingkod sa larangan na makatotohanan at praktikal sa inyong teritoryo. Kung ang atas ay tungkol naman sa isang karakter sa Bibliya mula sa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, dapat pag-aralan ng estudyante ang impormasyon sa aklat, pumili ng angkop na mga tekstong gagamitin, at ipakita kung ano ang matututuhan sa halimbawa ng karakter na iyon sa Bibliya. Maaaring gumamit ng karagdagang teksto na may kaugnayan sa tema. Ang tagapangasiwa ng paaralan ang mag-aatas ng isang kapartner.
6 Atas Blg. 3: Ito ay limang-minutong pagtatanghal na iaatas sa isang brother o sister. Kapag iniatas sa isang sister, dapat itong iharap gaya ng Atas Blg. 2. Kapag iniatas naman sa isang brother, ang materyal mula sa aklat na Kaunawaan ay dapat iharap bilang pahayag na kapit sa pangangailangan ng mga tagapakinig. Dapat buuin ng estudyante ang iniatas na tema, piliin ang angkop na mga tekstong gagamitin, at ipakita kung ano ang matututuhan sa halimbawa ng karakter na iyon sa Bibliya.
7 Bagong Paraan ng Paghaharap sa Atas Blg. 3 Para sa mga Brother: Kapag ang atas ay mula sa New World Translation, dapat itong itanghal bilang pampamilyang pag-aaral o paglilingkod sa larangan. Karaniwan na, ang tagapangasiwa ng paaralan ang mag-aatas ng tagpo at ng kasamang magtatanghal. Ang kasamang magtatanghal ay dapat na kapamilya ng estudyante o isa pang brother sa kongregasyon. Maaaring magdagdag ng mga tekstong nagtatampok ng mga simulain sa Bibliya na may kaugnayan sa tema. Sa pana-panahon, puwedeng iatas ang bahaging ito sa isang elder. Maaari siyang pumili ng kapartner at ng tagpo. Tiyak na makapagpapasigla sa kongregasyon na makita ang halimbawa ng elder sa paggamit ng sining ng pagtuturo kasama ang kapamilya o isa pang brother.
8 Payo: May dalawang minuto ang tagapangasiwa ng paaralan pagkatapos ng bahagi ng bawat estudyante para magbigay ng komendasyon at nakapagpapatibay na payo batay sa Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Kapag tinawag ng tagapangasiwa ng paaralan ang estudyante para iharap ang bahagi nito, hindi niya sasabihin kung anong kalidad sa pagsasalita ang nakaatas dito. Pagkatapos ng bawat presentasyon, ang tagapangasiwa ng paaralan ay dapat magbigay ng komendasyon, saka niya babanggitin ang nakaatas na kalidad sa pagsasalita. Sasabihin niya kung paano iyon mahusay na nagampanan ng estudyante, o may-kabaitang ipaliliwanag kung bakit kapaki-pakinabang na bigyang-pansin ng estudyante ang kalidad na iyon.
9 Ang talaan ng payo para sa estudyante ay nasa pahina 79 hanggang 81 sa kaniyang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo. Kung magampanan ng estudyante ang kaniyang atas, mamarkahan ng tagapangasiwa ng paaralan ang aklat nito at tatanungin nang pribado ang estudyante kung ginawa niya ang pagsasanay na may kaugnayan sa kalidad na iniatas sa kaniya. Maaari ding magbigay ng komendasyon at karagdagang mungkahi sa estudyante pagkatapos ng pulong o sa iba pang pagkakataon. Ang personal na atensiyong ibinibigay sa bawat estudyante sa paaralan ay pagkakataon para sumulong sa espirituwal.—1 Tim. 4:15.
10 Kapag overtime na ang isang atas, dapat magbigay ng signal ang tagapangasiwa ng paaralan o isang assistant, gaya ng bell o anumang tunog, para ipahiwatig sa mataktikang paraan na tapos na ang oras. Kapag nagbigay na ng signal ang tagapangasiwa, dapat nang tapusin ng estudyante ang sinasabi niya at bumaba sa stage.—Tingnan ang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, p. 282, par. 4.
11 Ang lahat ng nakaabot sa mga kahilingan ay pinasisiglang magpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. (Tingnan ang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, p. 282, par. 6.) Natulungan ng edukasyon sa paaralang ito ang bayan ni Jehova na mangaral at magturo ng mabuting balita sa Kaharian nang may kombiksiyon, dignidad, at pag-ibig. Tiyak na nalulugod si Jehova sa papuri ng lahat ng nakikinabang sa teokratikong edukasyon!—Awit 148:12, 13; Isa. 50:4.
Tanggapin at sundin ang payo para sumulong