PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO
Maging Masaya sa Pangangaral ng Mabuting Balita
Nahihirapan ka bang mangaral? Marami sa atin ang sasagot ng oo. Bakit? Baka laging walang interes o galít ang mga nakakausap natin sa ating teritoryo, o baka natatakot tayong makipag-usap sa mga estranghero. Puwede itong makabawas sa ating kagalakan. Pero maligaya ang Diyos na sinasamba natin, at gusto niyang maging masaya tayo sa paglilingkod sa kaniya. (Aw 100:2; 1Ti 1:11) Ano ang tatlong dahilan para maging masaya tayo sa pangangaral?
Una, ang inihahayag natin ay mensahe ng pag-asa. Kahit nawawalan na ng pag-asa ang mga tao sa ngayon, maaari pa rin nating punuin ang kanilang puso ng “mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.” (Isa 52:7) Nagagalak din tayo dahil sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kaya bago mangaral, bulay-bulayin ang mga pagpapalang idudulot ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa.
Ikalawa, nakikinabang sa pisikal at espirituwal ang mga taong pinangangaralan natin ng mabuting balita. Natututuhan nilang iwan ang masasamang gawain at nagkakaroon sila ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Isa 48:17, 18; Ro 1:16) Nakikibahagi tayo sa isang nagliligtas-buhay na gawain. Kahit may mga taong ayaw maligtas, patuloy nating hinahanap ang mga taong gustong maligtas.—Mat 10:11-14.
Ikatlo, at pinakamahalaga sa lahat, ang pangangaral natin ay nagpaparangal kay Jehova. Lubos niyang pinahahalagahan ang ating gawaing pagpapatotoo. (Isa 43:10; Heb 6:10) Bukod diyan, binibigyan niya tayo ng banal na espiritu para magawa ito. Kaya humingi kay Jehova ng kagalakan, na produkto ng banal na espiritu. (Gal 5:22) Sa tulong niya, makakayanan natin ang kabalisahan at makapangangaral tayo nang may lakas ng loob. (Gaw 4:31) Kaya anuman ang tugon ng mga tao sa ating teritoryo, magiging masaya tayo sa ating pangangaral.—Eze 3:3.
Anong pananaw sa ministeryo ang gusto mong malinang? Paano mo maipapakita ang kagalakan?
PANOORIN ANG VIDEO NA PANUMBALIKIN ANG KAGALAKAN SA PAMAMAGITAN NG PAG-AARAL AT PAGBUBULAY-BULAY. PAGKATAPOS, SAGUTIN ANG SUMUSUNOD NA MGA TANONG:
Bakit dapat maging pangunahin sa atin ang personal na pag-aaral, kahit gumugugol tayo ng maraming oras sa pangangaral bawat buwan?
Sa anong paraan natin matutularan si Maria?
Kailan mo binubulay-bulay ang Salita ng Diyos?
Bakit masaya ka sa pangangaral ng mabuting balita?