KUNG PAANO DADAIGIN ANG POOT
2 | Huwag Maghiganti
Turo ng Bibliya:
“Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, . . . dahil nasusulat: ‘“Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,” sabi ni Jehova.’”—ROMA 12:17-19.
Ang Ibig Sabihin:
Normal lang na magalit tayo kapag nagawan tayo ng mali. Pero ayaw ng Diyos na maghiganti tayo. Gusto niyang hintayin natin siya kasi malapit na niyang ituwid ang lahat ng mali.—Awit 37:7, 10.
Ang Puwede Mong Gawin:
Kapag naghihiganti ang di-perpektong mga tao, lalong tumitindi ang poot. Kaya kung may nakasakit sa iyo, huwag kang gumanti. Subukang kontrolin ang emosyon mo, at maging mapagpayapa. Sa ilang sitwasyon, baka mas makakabuting kalimutan na lang ang nangyari. (Kawikaan 19:11) Siyempre, may mga panahong kailangan mong ireport kung ano ang nangyari. Halimbawa, kung biktima ka ng krimen, puwede kang lumapit sa mga pulis o iba pang nasa awtoridad.
Kung maghihiganti ka, ikaw rin ang talo!
Paano kung ginawa mo na ang lahat at wala ka nang nakikitang solusyon para lutasin ang problema sa mapayapang paraan? Huwag maghiganti kasi lalo lang lalala ang sitwasyon. Daigin ang poot. Magtiwala sa paraan ng Diyos sa paglutas sa mga problema. “Manalig ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo.”—Awit 37:3-5.