ARALING ARTIKULO 7
“Makinig sa mga Salita ng Marurunong”
“Magbigay-pansin ka at makinig sa mga salita ng marurunong.”—KAW. 22:17.
AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan
NILALAMANa
1. Paano tayo nakakatanggap ng payo kung minsan, at bakit natin ito kailangan?
KAILANGAN nating lahat ng payo paminsan-minsan. May pagkakataon pa nga na baka tayo ang humihingi ng payo sa taong iginagalang natin. Sa ibang pagkakataon naman, baka payuhan tayo ng isang brother bago tayo makagawa ng “maling hakbang” na pagsisisihan natin. (Gal. 6:1) Minsan naman, baka payuhan tayo para ituwid ang isang seryosong pagkakamali na nagawa natin. Anuman ang dahilan kung bakit tayo nangangailangan ng payo, dapat natin itong pakinggan. Makakatulong iyan sa atin at makakapagligtas ng buhay natin.—Kaw. 6:23.
2. Ayon sa Kawikaan 12:15, bakit dapat tayong makinig sa payo?
2 Pinapasigla tayo ng temang teksto natin na “makinig sa mga salita ng marurunong.” (Kaw. 22:17) Walang sinuman sa atin ang nakakaalam ng lahat ng bagay. Laging may mas marunong o mas makaranasan kaysa sa atin. (Basahin ang Kawikaan 12:15.) Kapag nakikinig tayo sa payo, mapagpakumbaba tayo. Ipinapakita nito na alam nating may mga limitasyon tayo at na kailangan natin ng tulong para sumulong. Ipinasulat ni Jehova kay Haring Solomon: “Nagtatagumpay [ang plano] kapag marami ang tagapayo.”—Kaw. 15:22.
Alin sa dalawang ito ang mas mahirap tanggapin? (Tingnan ang parapo 3-4)
3. Sa anong dalawang paraan tayo tumatanggap ng payo?
3 Baka makatanggap tayo ng direkta o di-direktang payo. Ano ang ibig sabihin ng di-direktang payo? Baka may mabasa tayo sa Bibliya o sa isa sa mga publikasyon natin na tutulong sa atin na pag-isipan at baguhin ang mga ginagawa natin. (Heb. 4:12) Ito ang di-direktang payo. Ano naman ang direktang payo? Baka payuhan tayo ng isang elder o ng kuwalipikadong brother tungkol sa isang bagay na kailangan nating pasulungin. Iyan ang direktang payo. Pinapayuhan tayo ng iba mula sa Bibliya dahil mahal nila tayo. Kaya dapat natin itong pahalagahan, pakinggan, at pagsikapang sundin.
4. Ayon sa Eclesiastes 7:9, ano ang mga hindi natin dapat gawin kapag pinapayuhan?
4 Ang totoo, mas nahihirapan tayong tanggapin kapag direkta ang payo. Baka naiinis pa nga tayo. Bakit? Tanggap naman natin na hindi tayo perpekto, pero baka hindi natin kayang marinig kapag sinasabi na ng iba ang pagkakamali natin. (Basahin ang Eclesiastes 7:9.) Baka mangatuwiran pa nga tayo at kuwestiyunin ang motibo ng nagpayo o sumama ang loob natin sa paraan ng pagpapayo niya. Baka hanapan pa natin ng butas ang nagpapayo sa atin at isipin: ‘Sino siya para magpayo sa akin? Akala mo naman hindi siya nagkakamali!’ Higit sa lahat, kapag hindi natin gusto ang payo, baka bale-walain natin iyon o maghanap tayo ng ibang payo na gusto natin.
5. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
5 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang halimbawa sa Bibliya ng mga taong hindi nakinig at ng mga taong nakinig sa payo. Tatalakayin din natin kung ano ang makakatulong sa atin na makinig sa payo at kung paano tayo makikinabang dito.
HINDI SILA NAKINIG SA PAYO
6. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagtanggap ng payo ni Haring Rehoboam?
6 Tingnan ang halimbawa ni Rehoboam. Nang maging hari siya ng Israel, lumapit sa kaniya ang mga nasasakupan niya. Hiniling nila na pagaanin niya ang pasang ibinigay sa kanila ng tatay niyang si Solomon. Maganda naman ang ginawa ni Rehoboam kasi nagtanong siya sa matatandang lalaki ng Israel kung ano ang sasabihin niya sa mga tao. Sinabi nila sa hari na kung pagbibigyan niya ang hiling ng mga tao, patuloy silang maglilingkod sa kaniya. (1 Hari 12:3-7) Pero hindi nakontento si Rehoboam sa payo nila kaya humingi pa siya ng payo sa mga kaedaran niya. Malamang na nasa edad 40 na ang mga lalaking iyon, kaya masasabing may karanasan na rin sila sa buhay. (2 Cro. 12:13) Pero hindi maganda ang ipinayo nila kay Rehoboam. Sinabi nilang pabigatin pa ang pasan ng mga tao. (1 Hari 12:8-11) Magkaiba ang natanggap na payo ni Rehoboam, kaya dapat sana, nanalangin siya kay Jehova at nagtanong kung kaninong payo ang susundin niya. Kaya lang, pinili niya ang payong mas gusto niya at nakinig sa mga kaedaran niya. Dahil dito, napahamak si Rehoboam at ang bayan ng Israel. Kung minsan, baka hindi rin natin gusto ang ipinapayo sa atin. Pero kung batay ito sa Salita ng Diyos, dapat natin itong tanggapin o pakinggan.
7. Ano ang itinuturo sa atin ng nangyari kay Haring Uzias?
7 Hindi nakinig sa payo si Haring Uzias. Pumasok siya sa isang lugar sa templo ni Jehova para maghandog ng insenso, pero ang mga saserdote lang ang puwedeng pumasok doon. Sinabi ng mga saserdote sa kaniya: “Uzias, hindi ikaw ang dapat magsunog ng insenso para kay Jehova! Mga saserdote lang ang dapat magsunog ng insenso.” Ano ang naging reaksiyon ni Uzias? Kung nagpakumbaba lang sana siya, tinanggap ang payo, at umalis agad sa templo, baka pinatawad siya ni Jehova. Pero “nagalit si Uzias.” Bakit hindi siya nakinig sa payo? Posibleng dahil iniisip niyang hari siya, magagawa niya ang lahat ng gusto niya. Pero para kay Jehova, mali ang iniisip niya. Dahil sa pagiging pangahas ni Uzias, nagkaketong siya at “nanatiling ketongin hanggang sa araw na mamatay siya.” (2 Cro. 26:16-21) Itinuturo ng nangyari kay Uzias na sinuman tayo, kung hindi natin tatanggapin ang mga payo mula sa Bibliya, maiwawala natin ang pagsang-ayon ni Jehova.
NAKINIG SILA SA PAYO
8. Ano ang naging reaksiyon ni Job nang payuhan siya?
8 Bukod sa mga babalang halimbawa na tinalakay natin, nagbigay rin ang Bibliya ng magagandang halimbawa ng mga taong pinagpala ni Jehova dahil nakinig sila sa payo. Isa na diyan si Job. May takot siya sa Diyos, pero hindi siya perpekto. Dahil sa tindi ng pinagdaraanan niya, nakapagsalita siya nang hindi tama. Kaya prangkahan siyang pinayuhan ni Elihu at ni Jehova. Ano ang naging reaksiyon ni Job? Mapagpakumbaba niyang tinanggap ang payo. Sinabi niya: “Nagsalita ako kahit wala akong alam . . . Binabawi ko na ang sinabi ko, at uupo ako sa alabok at abo para ipakita ang pagsisisi ko.” Pinagpala ni Jehova si Job dahil nagpakumbaba siya.—Job 42:3-6, 12-17.
9. Bakit magandang halimbawa si Moises pagdating sa pagtanggap ng payo?
9 Isang magandang halimbawa si Moises pagdating sa pagtanggap ng payo pagkatapos niyang makagawa ng mabigat na pagkakamali. Minsan, hindi nakapagtimpi sa galit si Moises at hindi niya naibigay ang papuri kay Jehova. Dahil dito, hindi siya pinayagang makapasok sa Lupang Pangako. (Bil. 20:1-13) Kaya nang makiusap siya kay Jehova na baguhin ang desisyong iyon, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Huwag mo na akong kausapin tungkol diyan.” (Deut. 3:23-27) Imbes na sumama ang loob ni Moises, tinanggap niya ang desisyon ni Jehova, at patuloy siyang ginamit ni Jehova para pangunahan ang Israel. (Deut. 4:1) Magandang halimbawa sa atin sina Job at Moises pagdating sa pagtanggap ng payo. Binago ni Job ang pananaw niya at hindi na nangatuwiran. Ipinakita naman ni Moises na tinanggap niya ang payo ni Jehova nang manatili siyang tapat kahit nawala ang pribilehiyong napakahalaga sa kaniya.
10. (a) Ayon sa Kawikaan 4:10-13, ano ang mga pakinabang ng pakikinig sa payo? (b) Paano tinanggap ng ilan ang payong ibinigay sa kanila?
10 Makikinabang tayo kung tutularan natin ang magagandang halimbawa ng mga tapat na gaya nina Job at Moises. (Basahin ang Kawikaan 4:10-13.) Ganiyan ang ginawa ng marami sa mga kapatid natin. Tingnan ang sinabi ng brother na si Emmanuel, na taga-Congo, tungkol sa payong tinanggap niya: “Nang makita ng may-gulang na mga brother sa kongregasyon namin na nanganganib ang espirituwalidad ko, tinulungan nila ako. Sinunod ko ang payo nila at naiwasan ko ang maraming problema.”b Sinabi naman ni Megan, isang payunir sa Canada, tungkol sa payong tinanggap niya: “Hindi iyon ang gusto kong marinig, pero iyon ang kailangan ko.” Sinabi ni Marko na taga-Croatia: “Nawala ang pribilehiyo ko, pero nang pag-isipan ko ang payong iyon, nakita ko na nakatulong iyon para mapatibay ko ulit ang kaugnayan ko kay Jehova.”
11. Ano ang sinabi ni Brother Karl Klein tungkol sa pakikinig sa payo?
11 Isa pang magandang halimbawa ng nakinabang sa pakikinig sa payo si Brother Karl Klein, na naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sa kaniyang talambuhay, ikinuwento ni Brother Klein ang isang pagkakataon nang payuhan siya ni Joseph F. Rutherford, na malapít na kaibigan niya. Inamin ni Brother Klein na noong una, hindi niya nagustuhan ang payo sa kaniya. Sinabi niya na noong magkita ulit sila, masigla siyang binati ni Brother Rutherford, “Hello, Karl!” Pero halos hindi sumagot si Brother Klein. Nang mahalata ni Brother Rutherford na masama pa ang loob niya, sinabi nito, “Karl, mag-ingat ka! Ikaw ay pinupuntirya ng Diyablo!” Dahil napahiya si Brother Klein, sinabi niya kay Brother Rutherford na wala naman iyon sa kaniya. Pero alam ni Brother Rutherford na masama pa rin ang loob niya. Kaya sinabi ulit ni Brother Rutherford, “Ayos naman. Basta mag-ingat ka. Pinupuntirya ka ng Diyablo.” Nakita ni Brother Klein na tama si Brother Rutherford. Sinabi pa ni Brother Klein na kapag nagkikimkim tayo ng sama ng loob sa isang kapatid, lalo na kung may karapatan naman siyang sabihin iyon, hinahayaan nating masilo tayo ng Diyablo.c (Efe. 4:25-27) Tinanggap ni Brother Klein ang payo ni Brother Rutherford, at nanatili ang pagkakaibigan nila.
ANO ANG MAKAKATULONG SA ATIN PARA MAKINIG SA PAYO?
12. Paano makakatulong sa atin ang kapakumbabaan para makinig sa payo? (Awit 141:5)
12 Ano ang makakatulong sa atin para makinig sa payo? Kailangan nating maging mapagpakumbaba at isiping hindi tayo perpekto at kung minsan, nakakagawa tayo ng mga bagay na hindi pinag-iisipan. Gaya ng tinalakay natin kanina, nagkaroon ng maling pananaw si Job. Pero binago niya ang pananaw niya kaya pinagpala siya ni Jehova. Bakit? Dahil nagpakumbaba si Job. At pinatunayan niya iyon nang pakinggan niya ang payo ni Elihu kahit mas bata ito sa kaniya. (Job 32:6, 7) Tutulong din sa atin ang kapakumbabaan para makinig sa payo kahit pakiramdam natin, hindi iyon para sa atin o mas bata ang nagpayo sa atin. Sinabi ng isang elder sa Canada, “Iba ang nakikita ng mga tao sa atin kaysa sa nakikita natin sa sarili natin, kaya hindi tayo susulong kung walang magpapayo sa atin.” Kailangan natin ng tulong para mas maipakita natin ang mga katangian na bunga ng espiritu at maging mas mahusay na mángangarál at guro ng mabuting balita.—Basahin ang Awit 141:5.
13. Paano natin dapat ituring ang payong tinatanggap natin?
13 Ituring ang payo bilang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Gusto ni Jehova ang pinakamabuti para sa atin. (Kaw. 4:20-22) Kapag pinapayuhan niya tayo gamit ang kaniyang Salita, isang publikasyong salig sa Bibliya, o makaranasang kapatid, ipinapakita niyang mahal niya tayo. Sinasabi sa Hebreo 12:9, 10 na “ginagawa niya iyon para sa kabutihan natin.”
14. Saan tayo dapat magpokus kapag pinapayuhan?
14 Magpokus sa payo, hindi sa paraan ng pagpapayo. Kung minsan, baka pakiramdam natin, hindi maganda ang paraan ng pagpapayo sa atin. Dapat lang naman na sikapin ng sinumang nagpapayo na gawing madaling tanggapin ang payo nila.d (Gal. 6:1) Pero kapag tayo na ang pinapayuhan, magandang magpokus sa mensahe—kahit iniisip natin na sinabi sana iyon sa mas magandang paraan. Tanungin ang sarili: ‘Kahit hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagpapayo, may matututuhan ba ako roon? Puwede ko bang palampasin na lang ang pagkukulang ng nagpayo at magpokus sa sinabi niya?’ Kapag pinapayuhan tayo, sikaping tingnan kung paano tayo makikinabang doon.—Kaw. 15:31.
HUMINGI NG PAYO AT MAKINABANG
15. Bakit dapat tayong humingi ng payo?
15 Pinapasigla tayo ng Bibliya na humingi ng payo. Sinasabi sa Kawikaan 13:10: “Ang marurunong ay humihingi ng payo.” Totoo iyan. Kadalasan nang mas sumusulong sa espirituwal ang mga kusang humihingi ng payo kaysa sa mga hindi. Kaya kusang humingi ng payo.
Bakit humingi ng payo ang isang sister sa isang may-gulang na kapatid? (Tingnan ang parapo 16)
16. Sa anong mga sitwasyon tayo puwedeng humingi ng payo?
16 Kailan tayo puwedeng humingi ng payo sa mga kapatid? Pag-isipan ang ilang sitwasyon. (1) Pinakiusapan ng isang sister ang isang makaranasang kapatid na samahan siya sa pagba-Bible study at humingi ng payo kung paano pa niya mapapasulong ang pagtuturo niya. (2) Gustong bumili ng isang sister ng pantalon, kaya tinanong niya ang isang may-gulang na sister kung ano ang masasabi nito sa napili niya. (3) Unang beses na magpapahayag ang isang brother. Pinakisuyuan niya ang isang makaranasang speaker na pakinggan ang pahayag niya at sabihin sa kaniya kung ano pa ang puwede niyang pasulungin. Kahit maraming taon nang nagpapahayag ang isang brother, puwede pa rin siyang humingi ng payo sa makaranasang mga speaker at sundin ang mga iyon.
17. Paano tayo makikinabang sa payo?
17 Sa hinaharap, makakatanggap tayong lahat ng payo, direkta man o di-direkta. Kapag nangyari iyon, alalahanin ang mga tinalakay natin. Maging mapagpakumbaba. Magpokus sa payo, hindi sa paraan ng pagpapayo. At sundin ang mga payong tinanggap mo. Wala sa atin ang ipinanganak na marunong o alam na ang lahat ng bagay. Pero kung ‘makikinig tayo sa payo at tatanggap ng disiplina,’ nangangako ang Salita ng Diyos na ‘magiging marunong’ tayo.—Kaw. 19:20.
AWIT 124 Ipakita ang Katapatan
a Alam ng bayan ni Jehova na mahalagang makinig at sumunod sa mga payo ng Bibliya. Pero bakit hindi ito laging madaling gawin? At ano ang makakatulong sa atin para makinabang sa mga payong tinatanggap natin?
b Binago ang ilang pangalan.
c Tingnan ang Bantayan, Abril 1, 1985, p. 10-18.
d Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano tayo magpapayo nang mataktika.