ARALING ARTIKULO 25
AWIT BLG. 7 Jehova, Aming Lakas
Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
“Buháy si Jehova!”—AWIT 18:46.
MATUTUTUHAN
Kung paano tayo makikinabang kapag tinatandaan nating “Diyos na buháy” ang sinasamba natin.
1. Bakit nagagawa ng bayan ni Jehova na patuloy siyang sambahin kahit marami silang problema?
SINASABI ng Bibliya na “mapanganib at mahirap ang kalagayan” sa ngayon. (2 Tim. 3:1) Pero mas mahirap ang kalagayan natin bilang bayan ni Jehova. Bukod sa mga problema natin sa araw-araw, pinag-uusig din tayo. Kaya bakit patuloy pa rin nating nasasamba si Jehova kahit marami tayong problema? Pangunahin na, dahil pinatunayan sa atin ni Jehova na siya ang “Diyos na buháy.”—Jer. 10:10; 2 Tim. 1:12.
2. Bakit tinatawag si Jehova na “Diyos na buháy”?
2 Talagang Diyos na buháy si Jehova, dahil nakikita niya ang mga problemang kinakaharap natin at naghahanap siya ng pagkakataong tulungan tayo. (2 Cro. 16:9; Awit 23:4) Kapag tinatandaan natin iyan, makakayanan natin ang anumang pagsubok. Ganiyan ang ginawa ni Haring David.
3. Ano ang ibig sabihin ni David nang sabihin niyang “buháy si Jehova”?
3 Kilala ni David si Jehova, at umaasa siya sa Kaniya. Nang mga panahong gusto siyang patayin ni Haring Saul at ng iba pang kaaway niya, humingi siya ng tulong kay Jehova. (Awit 18:6) Sinagot ng Diyos ang panalangin ni David at iniligtas siya, kaya sinabi niya: “Buháy si Jehova!” (Awit 18:46) Ano ang ibig sabihin ni David? Ayon sa isang reperensiya, idinidiin niya dito na si Jehova ay isang Diyos na buháy na laging tumutulong sa mga lingkod niya. Napatunayan mismo ni David na buháy si Jehova, at nakatulong iyan sa kaniya na patuloy na paglingkuran at purihin ang Diyos.—Awit 18:28, 29, 49.
4. Paano tayo makikinabang kung kumbinsido tayong buháy na Diyos si Jehova?
4 Kung kumbinsido tayong buháy na Diyos si Jehova, ibibigay natin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. Magkakaroon din tayo ng lakas na maharap ang anumang pagsubok at ng determinasyon na patuloy na maglingkod. Bukod diyan, gagawin natin ang lahat para manatiling malapít kay Jehova.
PALALAKASIN KA NG DIYOS NA BUHÁY
5. Ano ang dapat nating tandaan kapag may pinagdadaanan tayong problema? (Filipos 4:13)
5 Mahaharap natin ang anumang problema, maliit man o malaki, kung tatandaan nating buháy si Jehova at kaya niya tayong tulungan. Dahil siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat, walang problema na hindi niya kayang solusyunan. Maibibigay rin niya ang lakas na kailangan natin. (Basahin ang Filipos 4:13.) Kaya hindi tayo dapat panghinaan ng loob kapag may pinagdadaanan tayo. Isa pa, kapag nakikita nating tinutulungan tayo ni Jehova sa maliliit na problema natin, nagiging mas kumbinsido tayo na tutulungan niya rin tayong maharap ang malalaking pagsubok.
6. Ano ang mga naranasan ni David noong bata pa siya na nagpatibay sa tiwala niya kay Jehova?
6 Tingnan natin ang dalawang karanasan ni David na nagpatibay sa tiwala niya kay Jehova. Noong bata pa si David, pinapastulan niya ang mga tupa ng tatay niya. Minsan, may dumating na isang leon at tumangay ng isang tupa. Minsan naman, isang oso ang sumalakay. Sa dalawang pagkakataong iyon, lakas-loob na hinabol ni David ang mga hayop at iniligtas ang mga tupang tinangay ng mga ito. Pero hindi niya inisip na nagawa niya iyon dahil magaling siya. Alam niyang tinulungan siya ni Jehova. (1 Sam. 17:34-37) Laging iniisip ni David ang mga naranasan niya, kaya tumibay ang tiwala niya na patuloy siyang palalakasin ng buháy na Diyos.
7. Saan nagpokus si David, at paano iyon nakatulong sa pagharap niya kay Goliat?
7 Minsan, pumunta si David sa kampo ng hukbo ng mga Israelita. Malamang na teenager na siya noon. Nakita niyang takot na takot ang mga mandirigma dahil hinahamon ng higanteng Filisteong si Goliat ang “hukbo ng Israel.” (1 Sam. 17:10, 11) Natakot sila dahil nagpokus sila sa laki ng higante at sa pananakot nito. (1 Sam. 17:24, 25) Pero iba si David. Imbes na isiping ang hukbo ng Israel ang hinahamon ni Goliat, malinaw sa kaniya na ang “hukbo ng Diyos na buháy” ang iniinsulto nito. (1 Sam. 17:26) Kay Jehova siya nagpokus. Nagtiwala siya na kung tinulungan siya ni Jehova noong nagpapastol siya, tutulungan din siya ngayon ng Diyos. Kaya nilabanan niya si Goliat, at siyempre, nanalo siya!—1 Sam. 17:45-51.
8. Paano natin mapapatibay ang tiwala natin na tutulungan tayo ni Jehova kapag may mga problema? (Tingnan din ang larawan.)
8 Makakayanan din natin ang mga problema kung tatandaan nating handa tayong tulungan ng Diyos na buháy. (Awit 118:6) Titibay ang tiwala natin sa kaniya kung pag-iisipan natin ang mga ginawa niya noon. Puwede nating basahin ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa pagliligtas ni Jehova sa mga lingkod niya. (Isa. 37:17, 33-37) Puwede rin nating basahin o panoorin ang mga report sa jw.org na nagpapakitang sinusuportahan ni Jehova ang mga kapatid natin sa ngayon. Bukod diyan, isipin din ang mga panahong tinulungan ka ng Diyos. Okey lang kung wala kang kakaibang karanasan na kagaya ng pagliligtas ni Jehova kay David mula sa isang leon at oso. Kasi ang totoo, marami na siyang nagawa para sa iyo! Halimbawa, inilapit ka niya sa kaniya para maging kaibigan niya. (Juan 6:44) At dahil lang sa tulong niya kaya patuloy kang nakakapaglingkod sa kaniya. Kaya hilingin kay Jehova na tulungan kang maalala ang mga pagkakataong sinagot niya ang panalangin mo, ibinigay niya ang kailangan mo sa tamang panahon, o pinalakas ka niya sa isang mahirap na sitwasyon. Kung iisipin mo ang mga iyan, titibay ang tiwala mo na lagi kang tutulungan ni Jehova.
May epekto kay Jehova ang pagiging tapat natin sa harap ng pagsubok (Tingnan ang parapo 8-9)
9. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga pagsubok? (Kawikaan 27:11)
9 Tama ang magiging pananaw natin sa mga pagsubok kung magpopokus tayo sa ating buháy na Diyos, si Jehova. Makikita kasi natin na ang mga problema natin ay kaugnay ng malaking isyu sa pagitan niya at ni Satanas. Sinasabi ng Diyablo na kapag nahihirapan na tayo, iiwan natin si Jehova. (Job 1:10, 11; basahin ang Kawikaan 27:11.) Pero kapag nananatili tayong tapat kay Jehova kahit may mga pagsubok, napapatunayan natin na mahal natin siya at na sinungaling ang Diyablo. Baka may pag-uusig ngayon sa lugar ninyo, mahirap ang buhay, hindi interesado sa mensahe natin ang mga tao, o may iba kang problema. Anuman ang sitwasyon mo, may pagkakataon kang pasayahin ang puso ni Jehova. Tandaan din na hindi ka niya hahayaang masubok nang higit sa matitiis mo. (1 Cor. 10:13) Ibibigay niya ang lakas na kailangan mo.
GAGANTIMPALAAN KA NG DIYOS NA BUHÁY
10. Ano ang gagawin ng Diyos na buháy sa mga sumasamba sa kaniya?
10 Laging ginagantimpalaan ni Jehova ang mga sumasamba sa kaniya. (Heb. 11:6) Tinutulungan niya tayong maging kontento at panatag ngayon, at bibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan sa hinaharap. Makakapagtiwala tayo na talagang gusto tayong gantimpalaan ni Jehova at na may kakayahan siyang gawin iyon. Dahil sa tiwalang iyan, ibinibigay natin ang buo nating makakaya sa pagsamba, gaya ng ginawa ng mga lingkod niya noon. Tingnan natin ang halimbawa ni Timoteo.—Heb. 6:10-12.
11. Bakit ibinigay ni Timoteo ang buong makakaya niya para sa kongregasyon? (1 Timoteo 4:10)
11 Basahin ang 1 Timoteo 4:10. Buo ang tiwala ni Timoteo na gagantimpalaan siya ng Diyos na buháy. Kaya may matibay siyang dahilan para ibigay ang buong makakaya niya sa paglilingkod. Sa ano-anong paraan? Una, pinasigla siya ni apostol Pablo na maging mas mahusay na tagapagturo sa ministeryo at sa kongregasyon. Dapat din siyang maging mahusay na halimbawa sa mga kapananampalataya niya, bata man o matanda. At may mahihirap na atas siyang kailangang gampanan, gaya ng pagbibigay ng deretsahan pero maibiging payo sa mga nangangailangan nito. (1 Tim. 4:11-16; 2 Tim. 4:1-5) Kung hindi man nakikita o napapahalagahan ng iba ang mga ginagawa ni Timoteo, sigurado siyang gagantimpalaan siya ni Jehova.—Roma 2:6, 7.
12. Bakit ibinibigay ng mga elder ang buong makakaya nila para sa kongregasyon? (Tingnan din ang larawan.)
12 Sa ngayon, makakapagtiwala rin ang mga elder na nakikita at pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Bukod sa pagse-shepherding, pagtuturo, at pangangaral, marami sa kanila ang nagboboluntaryo rin sa mga construction project ng organisasyon at tumutulong kapag may sakuna. Ang iba naman ay miyembro ng Patient Visitation Group o Hospital Liaison Committee. Alam ng mga elder na ito na kay Jehova ang kongregasyon, hindi sa tao. Kaya ibinibigay nila ang buong makakaya nila sa paglilingkod at talagang nagtitiwala sila na gagantimpalaan sila ng Diyos.—Col. 3:23, 24.
Gagantimpalaan ka ng Diyos na buháy dahil sa lahat ng ginagawa mo para sa kongregasyon (Tingnan ang parapo 12-13)
13. Ano ang tingin ni Jehova sa lahat ng ginagawa natin para sa kaniya?
13 Hindi lahat, puwedeng maging elder. Pero lahat tayo, may maibibigay kay Jehova. Masayang-masaya si Jehova kapag ibinibigay natin ang buong makakaya natin para sa kaniya. Nakikita niya ang mga donasyon natin sa pambuong-daigdig na gawain, kahit gaano ito kaliit. Natutuwa siya kapag nagsisikap tayong magkomento sa mga pulong kahit mahiyain tayo, at masaya siya kapag nagpapatawad tayo. Kahit pakiramdam mo, napakaliit lang ng nagagawa mo para kay Jehova, makakaasa kang pinapahalagahan niya ito. Mahal ka niya, at gagantimpalaan ka niya.—Luc. 21:1-4.
MANATILING MALAPÍT SA DIYOS NA BUHÁY
14. Paano makakatulong ang malapít na kaugnayan natin kay Jehova para manatili tayong tapat sa kaniya? (Tingnan din ang larawan.)
14 Kung totoong-totoo sa atin si Jehova, magiging mas madali sa atin na manatiling tapat sa kaniya. Tingnan natin ang halimbawa ni Jose. Nanindigan siya at hindi nagpadala sa tuksong gumawa ng imoralidad. Totoo ang Diyos sa kaniya, at ayaw niya Siyang mapalungkot. (Gen. 39:9) Para maging totoo sa atin si Jehova at maging malapít tayo sa kaniya, kailangan nating maglaan ng panahon sa pananalangin at pag-aaral ng Bibliya. Kung malapít tayo kay Jehova gaya ni Jose, hindi rin natin gugustuhing gumawa ng kahit anong magpapalungkot sa Kaniya.—Sant. 4:8.
Makakatulong ang pagiging malapít natin sa Diyos na buháy para manatili tayong tapat sa kaniya (Tingnan ang parapo 14-15)
15. Anong aral ang matututuhan natin sa ginawa ng mga Israelita noong nasa ilang sila? (Hebreo 3:12)
15 Kapag nawala ang tiwala natin sa Diyos na buháy, madali tayong mapapalayo sa kaniya. Ganiyan ang nangyari sa mga Israelita noong nasa ilang sila. Alam nilang may Diyos, pero nagduda sila kung talagang ilalaan ni Jehova ang kailangan nila. Sinabi pa nga nila: “Kasama ba natin si Jehova o hindi?” (Ex. 17:2, 7) Dahil dito, nagrebelde sila sa Diyos. Siguradong ayaw natin silang tularan.—Basahin ang Hebreo 3:12.
16. Ano ang posibleng magpahina sa pananampalataya natin?
16 Hindi madaling manatiling malapít kay Jehova sa sistemang ito ni Satanas. Marami ang hindi naniniwala sa Diyos. At kadalasan na, para bang mas maganda pa ang buhay ng mga hindi sumusunod sa kaniya. Posibleng magpahina iyan ng pananampalataya natin. Kahit naniniwala tayong may Diyos, baka pagdudahan natin kung tutulungan niya ba talaga tayo. Ganiyan ang naisip ng manunulat ng Awit 73. Nakita niyang masaya ang buhay ng mga taong hindi sumusunod sa pamantayan ng Diyos. Kaya kinuwestiyon niya kung sulit ba talagang maglingkod sa Diyos.—Awit 73:11-13.
17. Ano ang makakatulong sa atin na manatiling malapít kay Jehova?
17 Ano ang nakatulong sa salmista na maitama ang pananaw niya? Pinag-isipan niya ang mangyayari sa mga umiwan kay Jehova. (Awit 73:18, 19, 27) Pinag-isipan niya rin ang mga pagpapalang tinatanggap ng mga lingkod ng Diyos. (Awit 73:24) Puwede rin nating gawin iyan. Alalahanin natin ang mga pagpapala sa atin ni Jehova at pag-isipan kung ano na ang buhay natin ngayon kung hindi tayo naglilingkod sa kaniya. Makakatulong iyan sa atin na manatiling tapat at masabi ang gaya ng sinabi ng salmista: “Nakakabuti [sa akin] ang paglapit sa Diyos.”—Awit 73:28.
18. Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga mangyayari sa hinaharap?
18 Mahaharap natin ang anumang hamon sa mga huling araw na ito kasi naglilingkod tayo sa “buháy at tunay na Diyos.” (1 Tes. 1:9) Talagang nagmamalasakit siya sa atin at kumikilos siya para tulungan tayo. Hindi niya pinabayaan ang mga lingkod niya noon, at ganiyan din ang gagawin niya sa atin ngayon. Napakalapit na ng malaking kapighatian. Pero hindi natin iyon haharapin nang mag-isa; kasama natin si Jehova. (Isa. 41:10) Kaya lakasan natin ang loob natin at masabi sana ng bawat isa sa atin: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.”—Heb. 13:5, 6.
AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas