Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w24 Setyembre p. 26-31
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TULARAN ANG PAGBIBIGAY NI JEHOVA
  • KAPAG PARANG HINDI NAPAPAHALAGAHAN ANG MGA GINAGAWA NATIN
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Hindi Ka Nag-iisa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
w24 Setyembre p. 26-31

ARALING ARTIKULO 39

AWIT BLG. 125 “Maligaya ang mga Maawain”

Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!

“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—GAWA 20:35.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo magiging mas mapagbigay at magiging mas masaya sa paggawa nito.

1-2. Dahil nilalang tayo ni Jehova na masiyahan sa pagbibigay, paano tayo nakikinabang dito?

NAGIGING mas masaya tayo kapag nagbibigay tayo sa iba kaysa kapag tumatanggap tayo. (Gawa 20:35) Ganiyan tayo ginawa ni Jehova. Siyempre, masaya tayo kapag may natatanggap tayong regalo. Pero iba pa rin ang saya kapag tayo ang nagbibigay. Talagang nakikinabang tayo dahil ganiyan tayo ginawa ni Jehova. Bakit?

2 Dahil sa pagkakagawa sa atin, nasa atin ang kontrol kung gusto nating maging mas masaya. Kung maghahanap tayo ng mga pagkakataon para maging mas mapagbigay, magiging mas masaya tayo. Talagang ipinagpapasalamat natin na ganiyan tayo ginawa ni Jehova.​—Awit 139:14.

3. Bakit tinawag si Jehova na “maligayang Diyos”?

3 Gaya nga ng sabi ng Bibliya, masaya ang nagbibigay. Kaya naman maiintindihan natin kung bakit tinawag si Jehova na “maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:11) Siya ang pinakaunang nagbigay at ang pinakamagandang halimbawa sa paggawa nito. Sinabi ni apostol Pablo na dahil kay Jehova, “tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) Talagang mula sa kaniya “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat perpektong regalo”!—Sant. 1:17.

4. Ano ang puwede nating gawin para maging mas masaya?

4 Siguradong gusto nating lahat na maranasan ang saya ng pagbibigay. Magagawa natin iyan kung tutularan natin ang pagbibigay ni Jehova. (Efe. 5:1) Tatalakayin natin iyan sa artikulong ito, pati na ang puwede nating gawin kung parang hindi napapahalagahan ang ginagawa natin para sa iba. Tutulong sa atin ang mga matututuhan natin na huwag masiraan ng loob at patuloy pa rin na maging mapagbigay. Ang totoo, magiging mas masaya tayo kapag ginawa natin ito.

TULARAN ANG PAGBIBIGAY NI JEHOVA

5. Ano ang ilan sa mga ibinibigay ni Jehova sa atin?

5 Paano ipinapakita ni Jehova na mapagbigay siya? Tingnan ang ilang halimbawa. Ibinibigay ni Jehova ang mga pangangailangan natin. Hindi man laging maalwan ang buhay natin, nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil ibinibigay niya kung ano ang kailangan natin. Halimbawa, dahil sa kaniya, mayroon tayong nakakain, naisusuot, at natitirhan. (Awit 4:8; Mat. 6:​31-33; 1 Tim. 6:​6-8) Hindi lang ito ginagawa ni Jehova dahil obligado siyang gawin ito. Bakit natin nasabi iyan?

6. Ano ang matututuhan natin sa Mateo 6:​25, 26?

6 Inilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan natin dahil mahal niya tayo. Pag-isipan ang mga sinabi ni Jesus sa Mateo 6:​25, 26. (Basahin.) Dito, ginamit ni Jesus na halimbawa ang mga ibon. Sinabi niya: “Hindi sila nagtatanim o umaani o nagtitipon sa kamalig.” Pero tingnan ang sumunod na sinabi ni Jesus: “Pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.” Pagkatapos, itinanong niya: “Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” Ang aral? Mas mahalaga kay Jehova ang mga sumasamba sa kaniya kaysa sa mga hayop. Kung pinaglalaanan ni Jehova ang mga hayop, siguradong paglalaanan niya rin tayo. Gaya ng isang mapagmahal na ama, ginagawa ito ni Jehova sa pamilya niya dahil mahal niya sila.​—Awit 145:16; Mat. 6:32.

7. Ano ang isang paraan para matularan natin ang pagbibigay ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

7 Gaya ni Jehova, puwede rin tayong magbigay ng materyal na tulong sa iba dahil sa pag-ibig. Halimbawa, may kilala ka bang kapatid na nangangailangan ng pagkain o ng damit? Puwede kang gamitin ni Jehova para tulungan siya. Kapag may likas na sakuna, mabilis ding magbigay ng tulong ang mga lingkod ni Jehova. Ganiyan ang ginawa ng mga kapatid natin noong COVID-19 pandemic. Nagbigay sila ng pagkain, damit, at iba pang supply sa mga nangangailangan. Marami rin ang nagbigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Dahil diyan, nakapamahagi tayo ng relief sa mga kapatid sa buong mundo. Sinusunod ng mapagbigay na mga kapatid ang sinasabi sa Hebreo 13:16: “Huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo, dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.”

Collage: Mga kapatid na masayang nagbibigay. 1. Sister na naghuhulog ng pera sa donation box. 2. Sister na may hawak na basket na punô ng prutas at gulay. 3. Brother na namimigay ng bottled water.

Lahat tayo, kaya nating tularan ang pagbibigay ni Jehova (Tingnan ang parapo 7)


8. Paano tayo nakikinabang sa lakas na ibinibigay ni Jehova? (Filipos 2:13)

8 Nagbibigay ng lakas si Jehova. Walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova, at gusto niyang magbigay ng lakas sa tapat na mga mananamba niya. (Basahin ang Filipos 2:13.) Naranasan mo na bang humingi ng lakas sa panalangin para malabanan ang isang tukso o matiis ang isang problema? O kaya naman, humingi ka na ba ng lakas para matapos mo ang gawain mo sa maghapon? Kapag nakita mong sinagot ni Jehova ang panalangin mo, masasabi mo rin ang sinabi ni apostol Pablo: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Fil. 4:13.

9. Paano natin matutularan si Jehova sa paggamit ng lakas? (Tingnan din ang larawan.)

9 Kahit hindi tayo perpekto, matutularan natin ang paggamit ni Jehova ng lakas. Hindi tayo literal na makakapagpasa ng lakas sa iba. Pero puwede natin itong gamitin para tulungan sila. Halimbawa, baka puwede nating tulungan ang may-edad o may-sakit nating mga kapatid sa mga gawain nila sa bahay o sa mga kailangan nilang bilhin. Puwede rin tayong magboluntaryo sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall, kung posible. Kapag ginamit natin ang lakas natin sa ganiyang paraan, makakatulong tayo sa mga kapatid.

Sinusundo ng isang pamilya ang isang may-edad na brother para makadalo ito sa pulong. Inaalalayan ng anak nilang teenager ang brother papunta sa kotse.

Puwede nating gamitin ang lakas natin para tulungan ang iba (Tingnan ang parapo 9)


10. Paano natin magagamit ang kakayahan nating magsalita para mapalakas ang iba?

10 Tandaan na puwede rin nating mapalakas ang iba gamit ang kakayahan nating magsalita. May naiisip ka bang kapatid na nangangailangan ng komendasyon o pampatibay? Kung mayroon, iparamdam mo sa kaniya na nagmamalasakit ka. Puwede mo siyang bisitahin, tawagan, o itext. Puwede mo rin siyang padalhan ng card o email. Huwag masyadong mag-alala sa sasabihin mo. Kung minsan, ang kailangan lang talaga ng mga kapatid ay simpleng mga salita na mula sa puso. Tutulong na iyan sa kanila na makayanan ang araw nila o makapanatiling tapat.​—Kaw. 12:25; Efe. 4:29.

11. Paano nagbibigay ng karunungan si Jehova?

11 Nagbibigay ng karunungan si Jehova. Isinulat ng alagad na si Santiago: “Kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, dahil sagana Siyang nagbibigay sa lahat at hindi naghahanap ng mali.” (Sant. 1:5; tlb.) Ipinapakita ng tekstong ito na hindi ipinagdadamot ni Jehova ang karunungan niya. Sagana siyang nagbibigay nito sa iba. Pansinin din na kapag nagbigay ng karunungan si Jehova, ‘hindi siya nandurusta,’ o “naghahanap ng mali.” Kapag humingi tayo ng karunungan sa kaniya, hinding-hindi niya tayo ipapahiya o ipaparamdam na may mali sa atin. Ang totoo, gusto niya na gawin talaga natin ito.​—Kaw. 2:​1-6.

12. Paano tayo puwedeng magbigay ng karunungan sa iba?

12 Paano naman natin matutularan si Jehova sa pagbibigay ng karunungan? (Awit 32:8) Maraming pagkakataon ang mga lingkod ni Jehova na ibahagi sa iba ang mga natutuhan nila. Halimbawa, sinasanay natin sa ministeryo ang mga baguhan. Matiyaga ring tinuturuan ng mga elder ang mga ministeryal na lingkod at iba pang bautisadong brother sa mga atas sa kongregasyon. Sinasanay naman ng mga makaranasan sa construction at maintenance ang ibang mga kapatid para tumulong sa gawain sa mga pasilidad na ginagamit natin.

13. Paano natin matutularan ang paraan ni Jehova kapag nagsasanay ng iba?

13 Sikaping tularan ang paraan ni Jehova kapag nagsasanay ng iba. Tandaan na sagana siyang nagbibigay ng karunungan. Magagawa natin iyan kung ituturo natin ang lahat ng alam natin sa mga sinasanay natin. Hindi natin ito ipagdadamot sa kanila dahil iniisip natin na baka palitan nila tayo. Huwag din nating isipin, ‘Wala namang nagsanay sa akin, kaya bahala na siyang matuto sa sarili niya!’ Hindi dapat mag-isip ng ganiyan ang isang lingkod ni Jehova. Sa kabaligtaran, masaya nating ibinabahagi sa iba ang lahat ng alam natin, ‘pati na ang mismong sarili natin.’ (1 Tes. 2:8) Umaasa tayo na sila ay “magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba.” (2 Tim. 2:​1, 2) Kung lahat tayo, saganang magbibigay ng karunungan sa isa’t isa, lahat tayo ay magiging marunong at masaya.

KAPAG PARANG HINDI NAPAPAHALAGAHAN ANG MGA GINAGAWA NATIN

14. Ano ang ginagawa ng marami kapag may nagbibigay sa kanila?

14 Kadalasan nang nagpapasalamat ang mga kapatid kapag may ibinigay o ginawa tayo para sa kanila. May ilan na nagpapadala ng thank-you card o nagpapasalamat sa iba pang paraan. (Col. 3:15) Kapag nakikita nating pinapahalagahan ng iba ang ginagawa natin, nakakadagdag iyan sa saya natin.

15. Ano ang dapat nating tandaan kung hindi napapahalagahan ang ginagawa natin?

15 Pero ang totoo, baka may pagkakataong hindi napapahalagahan ang ginagawa natin. Minsan, baka talagang nagsikap tayo—naglaan tayo ng panahon at lakas o gumastos pa nga—para tulungan ang iba. Pagkatapos, parang wala lang sa kanila iyon. Kung mangyari iyan, paano natin maiiwasang madismaya o mainis? Tandaan ang sinasabi sa Gawa 20:​35, ang temang teksto natin. Kahit parang hindi pinapahalagahan ang mga ginagawa natin, puwede pa rin tayong maging masaya sa pagbibigay. Paano? Tingnan ang mga puwede nating gawin.

16. Ano ang dapat nating tandaan kapag nagbibigay?

16 Tandaan na kapag nagbibigay ka, tinutularan mo si Jehova. Patuloy siyang nagbibigay sa mga tao, pahalagahan man nila iyon o hindi. (Mat. 5:​43-48) Nangangako si Jehova na kung magbibigay tayo “nang hindi umaasa ng anumang kabayaran . . . , magiging malaki ang gantimpala” natin. (Luc. 6:35) Kaya huwag madismaya kung hindi ka pasalamatan sa ginawa mo. Tandaan na lagi kang gagantimpalaan ni Jehova sa mabubuting bagay na ginagawa mo para sa iba at dahil ‘masaya kang nagbibigay.’—Kaw. 19:17; 2 Cor. 9:7.

17. Ano ang dapat na maging motibo natin kapag nagbibigay tayo? (Lucas 14:​12-14)

17 May isa pang paraan para matularan natin si Jehova kapag nagbibigay tayo. Makikita natin iyan sa sinabi ni Jesus sa Lucas 14:​12-14. (Basahin.) Siyempre, hindi naman maling maging mapagpatuloy o mapagbigay sa mga taong may kakayahan ding gawin sa atin iyon. Pero paano kung napansin natin na madalas, nagbibigay lang tayo dahil umaasa tayong may kapalit iyon? Puwede nating subukang gawin ang sinabi ni Jesus—maging mapagpatuloy sa mga taong walang kakayahang mag-imbita sa atin. Kapag ginawa natin iyan, magiging masaya tayo kasi natutularan natin si Jehova. Makakatulong din iyan para patuloy tayong maging masaya kahit parang hindi napapahalagahan ang ginagawa natin.

18. Ano ang tutulong sa atin na huwag madismaya kapag hindi nagpasalamat ang iba?

18 Huwag isipin na hindi mapagpasalamat ang iba. (1 Cor. 13:7) Kung hindi pasalamatan ng iba ang ginawa natin, pag-isipan ito, ‘Talaga bang hindi sila mapagpahalaga o nakalimutan lang nilang magpasalamat?’ O baka may iba pang dahilan. Baka napahalagahan naman talaga ng ilan ang ginawa natin pero hindi lang nila masabi iyon. O kaya naman, baka nahihiya ang iba na tumanggap ng tulong, lalo na kung dati, sila ang tumutulong. Pero kung talagang mahal natin ang mga kapatid, hindi tayo madidismaya sa kanila at patuloy pa rin tayong magiging masaya sa pagbibigay.​—Efe. 4:2.

19-20. Ano pa ang makakatulong sa atin para maging masaya sa pagbibigay? (Tingnan din ang larawan.)

19 Maghintay. Isinulat ng matalinong hari na si Solomon: “Ihagis mo sa tubig ang iyong tinapay, dahil makukuha mo itong muli pagkalipas ng maraming araw.” (Ecles. 11:1) Ipinapakita nito na posibleng hindi agad magpasalamat ang iba sa ginawa natin. Baka kailangan nating maghintay nang “maraming araw.” Tingnan kung paano iyan nangyari sa isang karanasan.

20 Maraming taon na ang nakalipas, sinulatan ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito ang isang bagong bautisadong sister. Pinatibay niya ito na manatiling tapat. Makalipas ang mga walong taon, sumulat din sa kaniya ang sister. Sinabi nito: “Sumulat po ako kasi gusto kong malaman ninyo na sobrang laki ng naitulong ninyo sa akin nitong mga nakalipas na taon.” Sinabi pa ng sister: “Gustong-gusto ko po [ang sulat ninyo], pero ang tekstong ginamit ninyo ang pinakatumagos sa puso ko at hindi ko iyon makalimutan.”a Ikinuwento niya sa sulat ang ilan sa mga pinagdaanan niya. Pagkatapos, sinabi niya: “Kung minsan, gusto ko na pong sumuko at iwan ang katotohanan. Pero lagi ko pong naaalala ang tekstong isinulat ninyo at iyon ang nakakatulong sa akin na manatiling tapat.” Sinabi pa niya: “Sa loob ng walong taon, ang tekstong isinulat ninyo ang pinakanakatulong sa akin.” Siguradong napakasaya ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito nang matanggap niya ang sulat na ito “pagkalipas ng maraming araw”! Posible ring mangyari iyan sa atin. Baka makatanggap din tayo ng pasasalamat kahit napakatagal na nating ginawa ang isang bagay.

Collage: 1. Gumagawa ng card ang asawa ng isang tagapangasiwa ng sirkito. 2. Natuwa ang isang sister nang mabasa niya ang card. 3. Hirap na hirap ang sister sa mga gawain niya sa bahay. 4. Nagluluto ang sister habang may kausap sa telepono. Nakaupo sa harap ng mesa ang dalawa niyang anak na babae. 5. Pagkalipas ng ilang taon, nakatanggap ng thank-you card ang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito galing sa sister; masaya siya habang binabasa ito.

Baka makatanggap tayo ng pasasalamat kahit matagal na nating ginawa ang isang bagay (Tingnan ang parapo 20)b


21. Bakit determinado kang patuloy na tularan ang pagbibigay ni Jehova?

21 Gaya ng binanggit kanina, ginawa tayo ni Jehova na maging mas masaya sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. Natutuwa tayo kapag nakakatulong tayo sa mga kapatid natin, at masaya tayo kapag nagpapasalamat sila. Pero gawin man nila iyon o hindi, masaya pa rin tayo kasi ginawa natin kung ano ang tama. Tandaan na anuman ang ibinigay mo, “higit pa roon ang kayang ibigay sa iyo ni Jehova.” (2 Cro. 25:9) Hindi natin mapapantayan ang lahat ng ibinibigay sa atin ni Jehova. At kapag siya ang nagbigay ng gantimpala, siguradong iyon ang pinakamakakapagpasaya sa atin! Maging determinado sana tayo na patuloy na tularan ang mapagbigay nating Ama sa langit.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit gusto natin na maging mapagbigay?

  • Ano ang ilang paraan para matularan natin ang pagbibigay ni Jehova?

  • Bakit puwede pa rin tayong maging masaya kahit hindi tayo pasalamatan ng iba?

AWIT BLG. 17 Handang Tumulong

a Ang tekstong isinulat ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito sa sister ay ang 2 Juan 8, sinasabi dito: “Mag-ingat kayo, para hindi ninyo maiwala ang mga bagay na pinaghirapan namin, kundi makuha ninyo ang buong gantimpala.”

b LARAWAN: Makikita dito ang ginawa ng asawa ng tagapangasiwa ng sirkito. Sinulatan niya ang isang sister para patibayin ito. Pagkalipas ng ilang taon, sumulat din sa kaniya ang sister para magpasalamat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share