Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Setyembre p. 2-7
  • “Tawagin . . . ang Matatandang Lalaki”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Tawagin . . . ang Matatandang Lalaki”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KAILAN NATIN ‘TATAWAGIN ANG MATATANDANG LALAKI’?
  • BAKIT DAPAT TAYONG LUMAPIT SA MGA ELDER?
  • PAANO TAYO TINUTULUNGAN NG MGA ELDER?
  • ANG PERSONAL NATING PANANAGUTAN
  • Pag-ibig at Awa sa mga Nagkasala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Kung Paano Inoorganisa ang Kongregasyon
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Mga Brother​—Sinisikap Ba Ninyong Maging Elder?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Mga Pastol na Ginagawa ang Makakabuti sa Bayan ni Jehova
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Setyembre p. 2-7

ARALING ARTIKULO 36

AWIT BLG. 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos

“Tawagin . . . ang Matatandang Lalaki”

“Tawagin niya ang matatandang lalaki sa kongregasyon.”—SANT. 5:14.

MATUTUTUHAN

Humingi ng espirituwal na tulong sa mga elder sa kongregasyon kapag kailangan.

1. Paano ipinakita ni Jehova na mahal na mahal niya ang mga tupa niya?

MAHAL na mahal ni Jehova ang mga tupa niya. Binili niya sila sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, at inatasan niya ang mga elder sa kongregasyon para pangalagaan ang kawan niya. (Gawa 20:28) Gusto ng Diyos na maging mabait ang mga elder sa pakikitungo sa mga tupa niya. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Kristo, pinagiginhawa ng mga elder ang mga tupa at pinoprotektahan mula sa mga panganib sa espirituwal.—Isa. 32:1, 2.

2. Kanino mas nagbibigay-pansin si Jehova? (Ezekiel 34:15, 16)

2 Nagmamalasakit si Jehova sa lahat ng tupa niya, pero mas nagbibigay siya ng pansin sa mga nanghihina. Ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan ang mga nanghihina sa espirituwal. (Basahin ang Ezekiel 34:15, 16.) Pero gusto niya na humingi tayo ng tulong kapag kailangan natin. Bukod sa paglapit kay Jehova sa panalangin, makakatulong din kung lalapit tayo sa mga “pastol at guro” sa kongregasyon.—Efe. 4:11, 12.

3. Paano tayo makikinabang sa pagsusuri sa papel na ginagampanan ng mga elder?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan ang mga humihingi ng tulong sa espirituwal. Sasagutin natin ang mga tanong na ito: Kailan tayo dapat humingi ng tulong sa mga elder? Bakit dapat nating gawin iyon? At paano nila tayo tinutulungan? Kahit wala tayong problema ngayon sa espirituwal, makakatulong ang sagot sa mga tanong na iyan para mas mapahalagahan natin ang kaayusang ito ng Diyos at malaman natin ang gagawin kapag nangailangan na tayo ng tulong.

KAILAN NATIN ‘TATAWAGIN ANG MATATANDANG LALAKI’?

4. Bakit natin nasabi na espirituwal na pagkakasakit ang tinutukoy sa Santiago 5:14-16, 19, 20? (Tingnan din ang mga larawan.)

4 Ipinaliwanag ng alagad na si Santiago kung paano ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan tayo. Isinulat niya: “Mayroon bang sinuman sa inyo na may sakit? Tawagin niya ang matatandang lalaki sa kongregasyon.” (Basahin ang Santiago 5:14-16, 19, 20.) Makikita sa konteksto na tungkol ito sa pagkakasakit sa espirituwal. Halimbawa, sinabi niya na matatandang lalaki at hindi doktor ang dapat tawagin ng maysakit. Isa pa, binanggit din niya na gagaling ang maysakit na iyon kapag pinatawad siya sa mga kasalanan niya. May pagkakapareho ang mga dapat gawin ng isa na may sakit sa espirituwal at ng may pisikal na karamdaman. Kapag may sakit tayo, pumupunta tayo sa doktor, ipinapaliwanag natin ang nararamdaman natin, at sinusunod natin ang bilin niya. Kapag may sakit naman tayo sa espirituwal, dapat tayong lumapit sa mga elder, ipaliwanag ang sitwasyon natin, at sundin ang ibinibigay nilang payo mula sa Bibliya.

Collage: 1. Isang lalaki na ipinapaliwanag sa doktor ang sakit na nararamdaman niya sa balikat niya. 2. Isang brother na sinasabi sa isang elder ang sitwasyon niya habang nakaupo sila sa labas.

Kapag may sakit tayo, nagpapadoktor tayo; pero kapag may sakit tayo sa espirituwal, sa mga elder tayo dapat lumapit (Tingnan ang parapo 4)


5. Paano natin malalaman kung nanghihina na tayo sa espirituwal?

5 Pinapasigla tayo ng kabanata 5 ng Santiago na lumapit sa mga elder kapag nanghihina tayo sa espirituwal. At makakabuting gawin iyan bago pa tuluyang masira ang kaugnayan natin sa Diyos! Dapat tayong maging tapat sa sarili natin. Kasi nagbababala ang Bibliya na posible nating maisip na malakas tayo sa espirituwal kahit na hindi. (Sant. 1:22) Nangyari iyan sa ilang Kristiyano noon sa Sardis, kaya sinabi sa kanila ni Jesus na hindi na nila napapasaya si Jehova. (Apoc. 3:1, 2) Isang paraan para masuri nating mabuti ang sarili natin ay kung pagkukumparahin natin ang sigla natin sa espirituwal na mga bagay noon at ngayon. (Apoc. 2:4, 5) Tanungin ang sarili: ‘Nabawasan na ba ang pananabik ko sa pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay? Hindi na ba ako masyadong naghahanda sa pulong at hindi na regular sa pagdalo? Hindi na ba ako ganoon kasigasig sa pangangaral at mas gusto ko pang gumawa ng ibang bagay? Mas madalas na bang laman ng isip ko ang paglilibang at materyal na mga bagay?’ Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na ito, posibleng indikasyon iyan na nanghihina ka na sa espirituwal, at puwede itong lumala kung hindi mo aagapan. Kung hindi natin ito masolusyunan o kung may mga nalabag na tayong mga pamantayan ng Diyos, dapat na tayong lumapit sa mga elder.

6. Ano ang dapat gawin ng isa na nakagawa ng malubhang kasalanan?

6 Siyempre, kapag nakagawa ang isa ng malubhang kasalanan na puwede niyang ikaalis sa kongregasyon, dapat siyang lumapit sa isang elder. (1 Cor. 5:11-13) Kailangan niya ng tulong para maayos ang kaugnayan niya kay Jehova. Para mapatawad tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pantubos, kailangan nating magpakita ng ‘mga gawang nagpapatunay na nagsisisi tayo.’ (Gawa 26:20) Kasama diyan ang paglapit sa mga elder kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan.

7. Sino pa ang nangangailangan ng tulong ng mga elder?

7 Bukod sa mga nakagawa ng malubhang kasalanan, tinutulungan din ng mga elder ang mahihina sa espirituwal. (Gawa 20:35) Halimbawa, baka nahihirapan kang labanan ang mga maling pagnanasa mo. At posibleng mas mahirap ito para sa iyo dahil dati kang nagdodroga, nanonood ng pornograpya, o namumuhay nang imoral bago mo nalaman ang katotohanan. Huwag mahiyang humingi ng tulong. Puwede mo itong ipakipag-usap sa isang elder na alam mong makikinig sa iyo, makakapagbigay ng praktikal na payo, at magpapatibay sa iyo na kaya mong labanan ang kahinaan mo at mapasaya si Jehova. (Ecles. 4:12) Baka nasisiraan ka ng loob dahil hindi pa rin naaalis ang mga maling pagnanasa mo. Kapag ganiyan, puwedeng ipaalala sa iyo ng mga elder na napapasaya mo pa rin si Jehova dahil humingi ka ng tulong; ipinapakita kasi niyan na napakahalaga sa iyo ng kaugnayan mo kay Jehova at mapagpakumbaba ka.—1 Cor. 10:12.

8. Kailangan ba nating ilapit sa mga elder ang lahat ng kasalanang nagagawa natin? Ipaliwanag.

8 Hindi natin kailangang ilapit sa mga elder ang lahat ng kasalanang nagagawa natin. Halimbawa, baka hindi ka nakapagpigil at nakapagsalita ka ng masakit sa isang kapatid. Imbes na lumapit sa elder, subukang makipagpayapaan sa kapatid na iyon gaya ng ipinayo ni Jesus. (Mat. 5:23, 24) Puwede ka ring mag-research tungkol sa kahinahunan, pagtitiis, at pagpipigil sa sarili para mas maipakita mo ang mga katangiang iyan sa susunod. Siyempre, kung hindi mo talaga masolusyunan ang problema, puwede kang humingi ng tulong sa mga elder. Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Filipos, pinakisuyuan niya ang isang di-pinangalanang kapatid para tulungan sina Euodias at Sintique na maayos ang kanilang di-pagkakasundo. Puwede ka ring tulungan ng isang elder sa ganiyang paraan.—Fil. 4:2, 3.

BAKIT DAPAT TAYONG LUMAPIT SA MGA ELDER?

9. Bakit dapat tayong lumapit sa mga elder kahit nahihiya tayo sa nagawa nating kasalanan? (Kawikaan 28:13)

9 Kailangan ng pananampalataya at lakas ng loob para humingi ng tulong sa mga elder kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan o pakiramdam natin, hindi na natin kayang labanan ang mga kahinaan natin. Kahit na nahihiya tayo sa nagawa nating kasalanan, kailangan pa rin nating lumapit sa mga elder. Bakit? Ipinapakita nitong nagtitiwala tayo kay Jehova at sa kaayusan niya na tumutulong sa ating manatiling malusog sa espirituwal. Dapat nating tanggapin na kailangan natin ng tulong niya para patuloy na magawa ang tama. (Awit 94:18) At kapag nagkasala tayo, tatanggap tayo ng awa ng Diyos kung ipagtatapat natin ito at magbabago tayo.—Basahin ang Kawikaan 28:13.

10. Ano ang puwedeng mangyari kapag itinago natin ang mga kasalanan natin?

10 Pagpapalain tayo kung ipagtatapat natin sa mga elder ang kasalanan natin. Pero kung itatago natin iyon, puwedeng lumala ang sitwasyon. Nang subukang itago ni Haring David ang mga kasalanan niya, na-depress siya at nagkasakit dahil alam niyang nasira ang kaugnayan niya kay Jehova. (Awit 32:3-5) Gaya ng literal na sakit, puwedeng lumala ang sakit sa espirituwal kapag hindi ito nagamot nang tama. Ayaw ni Jehova na mangyari iyan, kaya gusto niyang lumapit tayo sa mga elder para ‘maituwid ang mga bagay-bagay’ at maayos ang kaugnayan natin sa kaniya.—Isa. 1:5, 6, 18.

11. Kapag itinago natin ang isang malubhang kasalanan, paano iyan puwedeng makaapekto sa iba?

11 Kapag itinago natin ang malubhang kasalanang nagawa natin, puwede itong makaapekto sa iba. Baka mahadlangan natin ang daloy ng banal na espiritu sa buong kongregasyon at masira ang kapayapaan sa gitna ng mga kapatid. (Efe. 4:30) Kung nalaman naman natin na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapatid, dapat natin siyang sabihan na lumapit sa mga elder.a Kung hindi natin gagawin iyan, magkakasala rin tayo sa Diyos. (Lev. 5:1) Mahal natin si Jehova kaya kikilos tayo para sabihin ang katotohanan. Sa paggawa niyan, makakatulong tayo para manatiling malinis ang kongregasyon at maibalik ng nagkasala ang magandang kaugnayan niya kay Jehova.

PAANO TAYO TINUTULUNGAN NG MGA ELDER?

12. Paano tinutulungan ng mga elder ang mahihina sa espirituwal?

12 Tinagubilinan ang mga elder na alalayan ang mahihina sa espirituwal. (1 Tes. 5:14) Kapag nagkasala ka, magtatanong sila sa iyo para maintindihan ang naiisip at nararamdaman mo. (Kaw. 20:5) Kaya makakatulong kung malaya mong sasabihin ang laman ng isip mo, kahit na baka hindi ito madali sa iyo dahil sa kinalakhan mo, personalidad, o nararamdamang hiya dahil sa nagawa mo. Huwag kang mag-alala kung makapagsalita ka nang “padalos-dalos.” (Job 6:3) Hindi ka hahatulan agad ng mga elder. Makikinig silang mabuti at aalamin muna ang lahat ng kailangan nilang malaman bago ka nila payuhan mula sa Bibliya. (Kaw. 18:13) Alam nilang kailangan ng panahon sa pagpapastol, kaya hindi nila aasahang maaayos agad ang mabibigat na problema sa isang pag-uusap lang.

13. Paano tayo matutulungan ng panalangin ng mga elder at ng mga payo nila mula sa Bibliya? (Tingnan din ang mga larawan.)

13 Kapag lumapit ka sa mga elder, sisikapin nilang hindi palalain ang bigat na nararamdaman mo. Sa halip, ipapanalangin ka nila. Baka magulat ka sa puwedeng maging epekto sa iyo ng mga panalangin nila. Gaya nga ng sabi ng Bibliya, “napakalaki ng nagagawa” nito. ‘Papahiran ka rin nila ng langis sa pangalan ni Jehova.’ (Sant. 5:14-16) Tumutukoy ang “langis” na ito sa katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Gagamitin ng mga elder ang Bibliya para mapaginhawa ka at matulungan kang maibalik ang kaugnayan mo kay Jehova. (Isa. 57:18) Makakatulong ang mga payo nila mula sa Bibliya para tumibay ang determinasyon mong patuloy na gawin ang tama. Sa pamamagitan nila, maririnig mo si Jehova na nagsasabi: “Ito ang daan. Lumakad kayo rito.”—Isa. 30:21.

Collage: 1. Sinusuri ng doktor sa naunang larawan ang balikat ng lalaki. Makikita sa likod nila ang X-ray ng balikat ng lalaki. 2. Ang elder sa naunang larawan kasama ang isa pang elder habang ginagamit ang Bibliya at pinapatibay ang brother sa bahay nito. Masaya ang brother habang nakikinig sa mga elder.

Ginagamit ng mga elder ang Bibliya para paginhawahin ang mga may sakit sa espirituwal (Tingnan ang parapo 13-14)


14. Ayon sa Galacia 6:1, paano tinutulungan ng mga elder ang mga nakagawa ng “maling hakbang”? (Tingnan din ang mga larawan.)

14 Basahin ang Galacia 6:1. Kapag nakagawa ng “maling hakbang” ang isang Kristiyano, nalihis siya sa pagsunod sa matuwid na pamantayan ng Diyos. Puwedeng tumukoy ang maling hakbang sa isang di-matalinong desisyon o sa isang malubhang paglabag sa kautusan ng Diyos. Dahil sa pag-ibig, sisikapin ng mga Kristiyanong elder na “ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.” Ang salitang Griego na isinaling “ibalik sa ayos” ay puwede ring lumarawan sa pagbabalik sa ayos ng isang nabaling buto para hindi ito maging permanenteng kapansanan. Sinisikap ng isang mahusay na doktor na hindi masyadong masaktan ang pasyente habang ginagawa ito. Sa katulad na paraan, sinisikap ng mga elder na huwag dagdagan ang bigat na nararamdaman natin habang tinutulungan nila tayong gumaling sa espirituwal. Pinapayuhan din ang mga elder na ‘bantayan ang sarili nila.’ Habang tinutulungan nila tayong ituwid ang landas natin, inaalala nila na sila rin ay hindi perpekto at puwedeng makagawa ng maling hakbang. Sa halip na maging mapagmataas, mapagmatuwid, o mapanghusga, sinisikap nilang magpakita ng awa.—1 Ped. 3:8.

15. Ano ang puwede nating gawin kapag may problema tayo?

15 Makakapagtiwala tayo sa mga elder sa kongregasyon. Sinanay silang mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay, ibatay sa Bibliya ang mga payo nila sa halip na sa sarili nilang opinyon, at patuloy na tulungan ang mga kapatid sa pagharap sa mga problema. (Kaw. 11:13; Gal. 6:2) Magkakaiba sila ng personalidad at karanasan, pero puwede tayong lumapit sa kahit sino sa kanila. Siyempre, hindi tayo magpapalipat-lipat ng elder na hihingan ng payo hanggang sa makuha natin ang gusto nating marinig. Kung gagawin natin iyan, magiging gaya tayo ng mga gustong ‘makiliti sa tainga’ imbes na makatanggap ng “kapaki-pakinabang na turo.” (2 Tim. 4:3) Kapag may nilapitan tayong elder, baka tanungin niya tayo kung may nakausap na tayong ibang mga elder at kung ano ang ipinayo nila sa atin. At dahil sa kapakumbabaan, baka humingi rin siya ng payo sa iba pang elder.—Kaw. 13:10.

ANG PERSONAL NATING PANANAGUTAN

16. Ano ang personal na pananagutan ng bawat isa sa atin?

16 Binabantayan ng mga elder ang mga tupa ng Diyos, pero hindi nila idinidikta sa atin ang dapat gawin. Personal nating pananagutan na mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova. Tayo mismo ang mananagot sa Diyos sa mga sinasabi at ginagawa natin. Sa tulong ni Jehova, makakapanatili tayong tapat sa kabila ng mga pagsubok. (Roma 14:12) Kaya imbes na diktahan tayo, tutulungan lang tayo ng mga elder na makita ang kaisipan ng Diyos na nasa Salita niya. Kung susundin natin ang mga payo nila mula sa Bibliya, masasanay natin ang ating “kakayahang umunawa” at makakagawa tayo ng matatalinong desisyon.—Heb. 5:14.

17. Ano ang gusto ni Jehova na gawin natin?

17 Napakasarap maging tupa ni Jehova! Isinugo ni Jehova ang “mabuting pastol,” si Jesus, para tubusin tayo at magkaroon ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. (Juan 10:11) At sa pamamagitan ng mga elder sa kongregasyon, tinupad ni Jehova ang pangako niya: “Bibigyan ko kayo ng mga pastol na tutupad sa kalooban ko, at magbibigay sila sa inyo ng kaalaman at kaunawaan.” (Jer. 3:15) Kapag may sakit o nanghihina tayo sa espirituwal, gusto ni Jehova na huwag tayong mag-alangang humingi ng tulong sa mga elder. Makinabang sana tayong lahat sa inilaan ni Jehova na mga elder sa kongregasyon.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Kailan natin dapat “tawagin . . . ang matatandang lalaki”?

  • Bakit dapat tayong humingi ng tulong sa mga elder?

  • Paano tayo tinutulungan ng mga elder?

AWIT BLG. 31 Lumakad na Kasama ng Ating Diyos

a Kapag hindi iyon ginawa ng nagkasala sa loob ng makatuwirang haba ng panahon, ikaw na ang dapat magsabi sa mga elder ng nalaman mo dahil tapat ka kay Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share