TALAMBUHAY
Tinulungan Kami ni Jehova na ‘Lumago Kung Saan Kami Itinanim’
“LUMAGO kayo kung saan kayo itinanim.” Hindi madaling sundin ang payong iyan. Pero maraming beses na sinunod iyan nina Mats at Ann-Catrin, mula sa Sweden. Ano ba ang ibig sabihin ng payong iyan? Paano iyan nakatulong sa kanila?
Nag-aral sa Gilead ang mga Kassholm noong 1979. Mula noon, “itinanim” sila, o naatasang maglingkod, sa Iran, Mauritius, Myanmar, Tanzania, Uganda, at Zaire. Sa Gilead nila narinig ang payong iyan mula sa instructor nila, si Jack Redford. Nakatulong sa kanila ang payong iyan na makapag-adjust sa pabago-bago nilang mga atas. Alamin natin ang kuwento nila.
Puwede ba ninyong ikuwento sa amin kung paano ninyo nalaman ang katotohanan?
Mats: Nakatira sa Poland si Tatay noong World War II. Marami siyang nakitang katiwalian sa Simbahang Katoliko. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Alam niyang posibleng mahanap ang katotohanan. At sa paglipas ng panahon, nahanap ko nga iyon! Noon, mahilig akong bumili ng mga lumang libro. At minsan, may nakita akong isang asul na libro—Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Nagustuhan ko ang pamagat na iyon kaya binili ko ang libro. Binasa ko ang buong libro noong gabi ring iyon. At noong natapos ko nang basahin iyon, alam kong nahanap ko na ang katotohanan.
Simula Abril 1972, marami pa akong nabasang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nakita ko doon ang sagot sa mga tanong ko tungkol sa Bibliya. Pakiramdam ko, parang ako y’ong negosyante sa ilustrasyon ni Jesus. Ibinenta niya ang lahat ng pag-aari niya para mabili ang isang mamahaling perlas. “Ibinenta” ko rin ang plano kong mag-aral sa unibersidad at maging doktor. Ginawa ko iyon para mabili ang “perlas,” ang katotohanang nakita ko. (Mat. 13:45, 46) Nabautismuhan ako noong Disyembre 10, 1972.
Wala pang isang taon pagkatapos n’on, tinanggap din ng mga magulang ko at ng kapatid ko ang katotohanan, at nagpabautismo sila. Nag-regular pioneer ako noong Hulyo 1973. Maraming masisigasig na payunir sa kongregasyon namin. Isa na doon si Ann-Catrin. Maganda siya, at talagang mahal na mahal niya si Jehova. Nahulog ang loob namin sa isa’t isa, at nagpakasal kami noong 1975. At sa sumunod na apat na taon, tumira kami sa napakaganda at mabungang teritoryo ng Strömsund, Sweden.
Ann-Catrin: Nalaman ng tatay ko ang katotohanan noong malapit na siyang matapos sa pag-aaral niya sa unibersidad sa Stockholm. Tatlong buwan pa lang ako noon, pero isinasama na niya ako sa mga pulong at paglabas. Hindi iyon nagustuhan ni Nanay, at gusto niyang patunayang mali ang mga Saksi. Pero bandang huli, nagpabautismo rin siya. Noong 13 ako, nagpabautismo ako. At nagpayunir ako noong 16 ako. Naglingkod ako sa Umeå kasi malaki ang pangangailangan doon. Pagkatapos, naging special pioneer ako.
Mula nang ikasal kami ni Mats, may mga natulungan kaming interesado na tumanggap ng katotohanan. Isa na diyan ang kabataang babae na si Maivor. Hindi na niya itinuloy ang pag-abot niya sa pangarap niya sa sports, at naging partner siya ng kapatid kong babae sa pagpapayunir. Nag-aral sila sa Gilead noong 1984. At naglilingkod sila ngayon bilang mga misyonera sa Ecuador.
Naging misyonero kayo sa iba’t ibang lugar. Ano ang ginawa ninyo para masunod ang payong “lumago kayo kung saan kayo itinanim”?
Mats: Sa tuwing inililipat kami ng atas, para kaming mga halamang “binubunot” at “itinatanim ulit” sa ibang lugar. Pero sinisikap naming maging “malalim ang pagkakaugat” namin—sinisikap naming tularan si Jesus, lalo na ang kapakumbabaan niya. (Col. 2:6, 7) Halimbawa, imbes na asahang mag-adjust ang mga kapatid sa amin, talagang pinag-aralan namin ang pag-iisip at kultura nila. Habang mas tinutularan namin si Jesus, mas nararamdaman naming lumalago kami kasi para kaming “nakatanim sa tabi ng daluyan ng tubig.”—Awit 1:2, 3.
Dumadalaw kami sa iba’t ibang kongregasyon
Ann-Catrin: Kailangan din ng halaman ng sinag ng araw para lumago. Si Jehova ang naging “araw” namin. (Awit 84:11) Saanman kami maatasan, lagi niyang ginagamit ang mga kapatid para tulungan kami, at talagang naramdaman naming minahal nila kami. Halimbawa, kahit kaunti lang kami sa kongregasyon namin sa Tehran, Iran, mapagpatuloy ang mga kapatid doon. Naaalala tuloy namin ang pagiging mapagpatuloy ng mga karakter sa Bibliya. Ayaw sana naming umalis ng Iran. Pero nang ipagbawal ang gawain natin doon noong Hulyo 1980, sinabihan kami na may dalawang araw na lang kami para umalis ng bansang iyon. Kaya naatasan kami sa isang bansa sa Africa—sa Zaire (tinatawag ngayong Congo).
Masayang naglilingkod sa Zaire, 1982
Nang malaman kong naatasan kami sa Africa, umiyak ako. Natatakot ako kasi marami akong naririnig tungkol sa mga ahas at sakit sa Africa. Pero pinatibay kami ng isang mag-asawang malapít sa amin at matagal na naglingkod doon. Sinabi nila: “Hindi pa naman kayo nakakapunta doon. Subukan n’yo muna. Sigurado kaming magugustuhan n’yo doon.” At ganiyan nga ang nangyari! Talagang napakabait at mapagmahal ng mga kapatid doon. Kaya nang lumipas ang anim na taon at kinailangan na naming umalis ng Zaire dahil sa pagbabawal, napangiti ako sa sarili ko kasi ipinapanalangin ko na pala kay Jehova, “Sana po, hayaan n’yo kaming manatili sa Africa.”
Anong mga pagpapala ang natanggap ninyo mula kay Jehova?
Ang “kuwarto” namin sa Tanzania, 1988
Mats: Napakarami naming naging kaibigang misyonero mula sa iba’t ibang bansa. At sa ilang atas namin, marami kaming naging Bible study. Minsan, tig-20 pa nga kami ni Ann-Catrin. Hindi rin namin makakalimutan ang pag-ibig at pagiging mapagpatuloy ng mga kapatid sa Africa. Kapag dumadalaw kami sa mga kongregasyon sa Tanzania, ipinaparada namin sa tabi ng bahay ng mga kapatid ang “kuwarto” namin—isang Volkswagen Kombi. Mahirap lang ang mga kapatid, pero sinisigurado nilang mayroon kami ng lahat ng kailangan namin, kahit “higit pa nga [iyon] sa kaya nilang ibigay.” (2 Cor. 8:3) May “story time” din kami ni Ann-Catrin. Bago matulog, magkukuwentuhan kami tungkol sa nangyari sa buong araw namin at magpapasalamat kami kay Jehova. Napakahalaga nito sa amin.
Ann-Catrin: Malaking pagpapala sa akin ang makasama ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa. Natuto kami ng maraming wika, gaya ng Farsi, French, Luganda, at Swahili. Natuto rin kami ng iba’t ibang kultura. Nagkaroon kami ng mabubuting kaibigan, at may mga natulungan kaming baguhan. Sama-sama kaming naglingkod kay Jehova “nang balikatan.”—Zef. 3:9.
Marami rin kaming nakitang magagandang bagay na nilalang ni Jehova. Sa bawat bagong atas namin, pakiramdam namin, ipinapasyal kami ni Jehova. Hindi namin mararanasan ang mga iyon kung hindi namin siya kasama.
Pangangaral sa iba’t ibang teritoryo sa Tanzania
Anong mga hamon ang napaharap sa inyo, at paano ninyo napagtagumpayan ang mga iyon?
Mats: May mga panahon na nagkaroon kami ng mga sakit, gaya ng malaria. Ilang beses ding kinailangang operahan si Ann-Catrin. Nag-aalala rin kami noon kasi nagkakaedad na ang mga magulang namin. Mabuti na lang, nandiyan ang mga kapatid namin para alagaan sila. Masaya at matiyaga ang mga kapatid namin habang ginagawa iyon kasi mahal nila ang mga magulang namin. (1 Tim. 5:4) Pero minsan, kahit ginagawa namin ni Ann-Catrin ang makakaya namin para tulungan sila, nakokonsensiya at nalulungkot pa rin kami. Pakiramdam kasi namin, mas marami kaming magagawa kung kasama namin sila.
Ann-Catrin: Noong 1983, habang nasa Zaire kami, nagkasakit ako ng cholera, at malala iyon. Sinabi ng doktor kay Mats, “Kailangan n’yo nang umalis ng bansa ngayong araw!” Kinabukasan, umalis na kami papuntang Sweden sakay ng cargo plane. Hindi talaga iyon pampasahero, pero iyon na lang kasi ang available na eroplano papunta doon.
Mats: Akala namin noon, hindi na ulit kami makakapaglingkod bilang mga misyonero, kaya napaiyak kami. Sabi kasi ng doktor, hindi na gagaling si Ann-Catrin. Pero buti na lang, gumaling siya. Pagkalipas ng isang taon, nakabalik kami sa Zaire. Naatasan naman kami sa isang maliit na Swahili congregation sa Lubumbashi.
Ann-Catrin: Noong nasa Lubumbashi kami, nagdalang-tao ako. Pero nakunan ako. Wala sa plano naming magkaanak, pero talagang napakahirap sa akin noong mawala ang anak namin. Noong panahong iyon na lungkot na lungkot ako, binigyan kami ng regalo ni Jehova. Lalong dumami ang mga Bible study namin. Wala pang isang taon, dumoble ang bilang ng mga mamamahayag sa kongregasyon—mula 35, naging 70. Dati rin, 40 lang ang dumadalo sa mga pulong. Pero umabot na iyon sa 220. Napaka-busy namin noon sa pangangaral, at pinagpala kami ni Jehova. Malaking tulong iyon para gumaan ang loob ko. Hanggang ngayon, madalas pa rin naming maalala at pag-usapan ang baby namin. At excited na kaming makita kung paano aalisin ni Jehova sa hinaharap ang lahat ng sakit na nararamdaman namin ngayon.
Mats: May panahon ding sobrang nanghina ang katawan ni Ann-Catrin. Kasabay n’on, na-diagnose naman ako na may stage-four colon cancer at kinailangang operahan. Pero okey na ako ngayon, at ginagawa naman ni Ann-Catrin ang buong makakaya niya para paglingkuran si Jehova.
Nakita namin na hindi lang pala kami ang nakakaranas ng mga problema. Pagkatapos ng genocide sa Rwanda noong 1994, pinuntahan namin ang maraming kapatid sa mga refugee camp. Napatibay kami sa pananampalataya, pagtitiis, at pagiging mapagpatuloy nila kahit napakahirap ng buhay nila doon. Nakita namin na talagang kayang alalayan ni Jehova ang mga lingkod niya anumang hamon ang mapaharap sa kanila.—Awit 55:22.
Ann-Catrin: May isa pang nangyari sa amin noong 2007. Dumalo kami sa pag-aalay ng sangay sa Uganda. Noong pauwi na kami, may mga kasama kaming misyonero at Bethelite papuntang Nairobi, Kenya. Mga 25 kaming lahat noon. Noong malapit na kami sa Kenya, isang pasalubóng na truck ang bumangga sa sasakyan namin. Namatay agad ang driver at limang kapatid. Isang sister naman ang namatay sa ospital. Miss na miss na namin sila, at gustong-gusto na naming makita ulit sila sa hinaharap!—Job 14:13-15.
Nagkaroon ako ng mga injury, pero naka-recover din ako. Kaya lang, nagkaroon ng post-traumatic stress disorder ang ilan sa mga naaksidente, kasama na kami ni Mats. Minsan, nagigising na lang ako sa gabi, at pakiramdam ko parang aatakihin ako sa puso. Talagang nakakatakot iyon. Pero napapakalma kami ng marubdob na panalangin kay Jehova at ilan sa paborito naming teksto. Malaking tulong din ang pagpunta namin sa mga doktor para mabawasan ang anxiety namin. Mas okey na kami ngayon. At hinihiling namin kay Jehova na tulungan niya kaming patibayin ang iba na nakakaranas din ng naranasan namin.
Nasabi ninyo na nakayanan ninyo ang mahihirap na sitwasyon kasi binuhat kayo ni Jehova “gaya ng hilaw na mga itlog.” Ano ang ibig ninyong sabihin?
Mats: May kasabihan sa Swahili na “Tumebebwa kama mayai mabichi,” o “Binuhat kaming gaya ng hilaw na mga itlog.” Kapag binubuhat ng isang tao ang hilaw na mga itlog, dahan-dahan niyang gagawin iyon para walang mabasag. Ganiyan din ang pag-alalay ni Jehova sa amin sa bawat atas namin. Ibinibigay niya ang lahat ng kailangan namin, at minsan, sobra-sobra pa nga. Isa sa mga ginagamit ni Jehova para ipakita ang pagmamahal at suporta niya sa amin ay ang Lupong Tagapamahala.
Ann-Catrin: Hinding-hindi ko rin makakalimutan ang isang nangyari sa amin kung saan naramdaman ko talaga ang suporta ni Jehova. Isang araw, nakatanggap kami ng tawag. Sinabi sa akin na nasa intensive care unit (ICU) ang tatay ko sa Sweden. Kaka-recover lang noon ni Mats sa malaria. Wala na kaming pambili ng mga ticket pauwi ng Sweden kaya naisip naming ibenta ang sasakyan namin. Pero biglang may dalawa pang tumawag sa amin. Mag-asawa ang unang tumawag; nalaman nila ang problema namin at gusto nilang sagutin ang isang ticket. Isang may-edad na sister naman ang isa pang tumawag sa amin; mayroon siyang inipong pera sa alkansiya niya na may label na “Para sa sinumang nangangailangan.” Hindi talaga kami makapaniwala ni Mats noon. Sa loob lang ng ilang minuto, sinolusyunan agad ni Jehova ang problema namin!—Heb. 13:6.
Mahigit 50 taon na kayo sa buong-panahong paglilingkod. Ano ang pinakamagagandang aral na natutuhan ninyo?
Sa atas namin ngayon sa Myanmar
Ann-Catrin: Napakalaking tulong sa amin kapag ‘nananatili kaming panatag at nagtitiwala.’ Lagi naming tinatandaan na kapag nagtiwala kami kay Jehova, siya ang makikipaglaban para sa amin. (Isa. 30:15; 2 Cro. 20:15, 17) Ibinibigay namin ang lahat ng makakaya namin sa bawat atas namin. Dahil diyan, pinagpapala kami sa mga paraang hindi namin inaasahan.
Mats: Ito ang pinakamagandang natutuhan ko: Magtiwala kay Jehova anuman ang mangyari, at hintayin kung paano niya ako tutulungan. (Awit 37:5) Lagi niyang tinutupad ang lahat ng pangako niya. At damang-dama pa rin namin iyan hanggang ngayon dito sa atas namin sa Bethel sa Myanmar.
Sigurado kami na kung gagawin din ng mga kabataan ang buong makakaya nila sa paglilingkod kay Jehova, mararanasan din nila ang tapat na pag-ibig niya. Naranasan namin iyan ni Ann-Catrin. Alam namin na kung tatanggapin din nila kung saan sila gustong itanim ni Jehova, siguradong lalago rin sila.