Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Setyembre p. 14-19
  • Magpakita ng Respeto sa Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magpakita ng Respeto sa Iba
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGRESPETO SA IBA?
  • MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA KAPAMILYA
  • MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA KAPUWA KRISTIYANO
  • MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA DI-SAKSI
  • Nasaan Na ang Respeto?
    Gumising!—2024
  • Nangunguna Ka ba sa Pagpapakita ng Dangal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Bakit Dapat Nating Igalang ang Awtoridad?
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Paano Ko Magagawang Igalang Ako ng Iba?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Setyembre p. 14-19

ARALING ARTIKULO 38

AWIT BLG. 120 Tularan ang Kahinahunan ni Kristo

Magpakita ng Respeto sa Iba

“Ang paggalang ng iba ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.”—KAW. 22:1.

MATUTUTUHAN

Kung bakit dapat tayong magpakita ng respeto sa iba at kung paano iyon gagawin sa mahihirap na sitwasyon.

1. Bakit gusto nating irespeto tayo ng iba? (Kawikaan 22:1)

MASARAP sa pakiramdam kapag nirerespeto tayo ng iba. Bakit? Ganiyan kasi tayo nilalang. Masaya tayo kapag nirerespeto, o iginagalang, tayo ng iba. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Bibliya na “ang paggalang ng iba ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.”—Basahin ang Kawikaan 22:1.

2-3. Bakit hindi laging madaling irespeto ang iba, at ano ang matututuhan natin sa artikulong ito?

2 Hindi laging madaling irespeto ang iba. Nakikita kasi natin ang mga kahinaan nila. Isa pa, normal na lang sa mga tao ngayon na hindi magpakita ng respeto. Pero hindi tayo dapat maging ganiyan. Gusto kasi ni Jehova na bigyang-dangal natin, o irespeto, ang “lahat ng uri ng tao.”—1 Ped. 2:17.

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang ibig sabihin ng pagrespeto sa iba. Pag-uusapan din natin kung paano natin magagawa iyan sa (1) mga kapamilya natin, (2) mga kapuwa Kristiyano, at (3) mga di-Saksi. Aalamin natin kung paano tayo magpapakita ng respeto kahit hindi iyon madaling gawin.

ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGRESPETO SA IBA?

4. Ano ang ibig sabihin ng pagrespeto sa iba?

4 Ano ang ibig sabihin ng salitang “respeto”? Sa ilang wika, magkaugnay ang mga salitang “pagrespeto” at “pagbibigay-dangal.” Tumutukoy ang “pagrespeto” sa tingin natin sa isang tao, posibleng dahil may magaganda siyang katangian, may mga nagawa siya, o may awtoridad siya. Dahil nirerespeto natin siya, gusto nating magbigay ng atensiyon sa kaniya. Tumutukoy naman ang “pagbibigay-dangal” sa pagtrato natin sa isang tao. Kapag binibigyang-dangal natin siya, pinapakitunguhan natin siya nang may dignidad at ipinaparamdam nating mahalaga siya. Dapat nating gawin iyan nang mula sa puso.—Mat. 15:8.

5. Ano ang makakatulong sa atin na irespeto ang iba?

5 Gusto ni Jehova na irespeto natin ang iba. Halimbawa, hinihiling niyang gawin natin iyan sa “nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1, 7) Pero baka sabihin ng ilan, “Irerespeto ko lang ang isang tao basta karapat-dapat siyang irespeto.” Pero bilang mga lingkod ni Jehova, hindi tayo ganiyan mag-isip. Nirerespeto natin ang mga tao, hindi lang dahil sa mga nagawa nila, kundi dahil mahal natin si Jehova at gusto natin siyang mapasaya.—Jos. 4:14; 1 Ped. 3:15.

6. Posible bang irespeto ang isang taong hindi ka nirerespeto? Ipaliwanag. (Tingnan din ang larawan.)

6 Baka maisip ng ilan, ‘Posible ba talagang irespeto ang isang taong hindi ka nirerespeto?’ Oo. Tingnan ang ilang halimbawa. Ipinahiya ni Haring Saul ang anak niyang si Jonatan sa harap ng iba. (1 Sam. 20:30-34) Pero nirespeto pa rin ni Jonatan ang tatay niya at sinamahan ito sa pakikipaglaban. (Ex. 20:12; 2 Sam. 1:23) Inakusahan naman ni Eli si Hana na lasing. (1 Sam. 1:12-14) Pero nirespeto pa rin ni Hana si Eli kahit alam ng lahat sa Israel na hindi ito naging mabuting ama at mataas na saserdote. (1 Sam. 1:15-18; 2:22-24) Ininsulto naman ng mga taga-Atenas si apostol Pablo at tinawag na daldalero. (Gawa 17:18) Pero magalang pa ring nakipag-usap si Pablo sa kanila. (Gawa 17:22) Makikita natin sa mga halimbawa nila na kapag talagang mahal natin si Jehova at ayaw natin siyang mapalungkot, mapapakilos tayong irespeto ang iba kahit hindi ito madaling gawin. Pag-usapan naman natin ngayon ang mga dapat nating irespeto at kung bakit.

Si Jonatan, si Saul, at ang mga sundalong Israelita na nasa digmaan. May mga hawak silang espada, sibat, at kalasag.

Kahit ipinahiya si Jonatan ng tatay niya, sinuportahan pa rin niya ang pagiging hari nito at sinamahan sa pakikipaglaban (Tingnan ang parapo 6)


MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA KAPAMILYA

7. Bakit mahirap kung minsan na irespeto ang mga kapamilya natin?

7 Bakit hindi madali? Madalas nating kasama ang mga kapamilya natin. Dahil diyan, hindi lang ang magagandang katangian nila ang alam natin, kundi pati na ang mga kahinaan nila. Baka may mga kapamilya tayo na may sakit, at hindi madali para sa atin na alagaan sila. O baka sobra silang nag-aalala. Baka may mga kapamilya pa nga tayo na masakit magsalita o makitungo sa atin. Gusto sana natin na kapag nasa bahay tayo, ma-relax tayo at gumaan ang pakiramdam natin. Pero kapag walang respeto ang mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa, mas lalo lang silang nai-stress kapag magkakasama sila. Puwede nating ikumpara ang ganiyang pamilya sa isang taong may arthritis. Dahil may arthritis siya, hindi siya nakakakilos nang maayos. Kung wala ring respeto sa loob ng pamilya, hindi makakapagtulungan ang mga miyembro nito dahil wala silang pagkakaisa. Pero di-gaya ng arthritis na hindi natin lubusang magagamot, may magagawa tayo para magkaroon ng respeto at maging maayos ang samahan sa loob ng pamilya.

8. Bakit mahalagang irespeto natin ang mga kapamilya natin? (1 Timoteo 5:4, 8)

8 Bakit dapat silang irespeto? (Basahin ang 1 Timoteo 5:4, 8.) Sinabi ni Pablo sa unang liham niya kay Timoteo na dapat alagaan ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa. Sinabi niya na hindi lang natin gagawin iyan dahil obligado tayo. Pangunahin na nating gagawin iyan para maipakita ang makadiyos na debosyon. Tumutukoy ang “makadiyos na debosyon” sa pagsamba at paglilingkod natin sa Diyos na Jehova. Siya ang nagtatag ng kaayusan ng pamilya. (Efe. 3:14, 15) Kaya kapag nirerespeto natin ang isang kapamilya natin, si Jehova talaga ang nirerespeto natin dahil siya ang Tagapagpasimula ng pamilya. (Tingnan ang mga study note sa 1 Timoteo 5:4.) Napakahalaga talagang irespeto natin ang mga kapamilya natin!

9. Paano maipapakita ng mag-asawa ang respeto sa isa’t isa? (Tingnan din ang mga larawan.)

9 Paano ipapakita ang respeto? Nirerespeto ng isang lalaki ang asawa niya kapag ipinapakita niyang napakahalaga nito sa kaniya, may iba mang nakakakita o silang dalawa lang. (Kaw. 31:28; 1 Ped. 3:7) Hindi niya ito sinasaktan, ipinapahiya, o ipinaparamdam na wala itong halaga. Sinabi ni Ariela na mula sa Argentina: “May sakit ang asawa ko, kaya minsan, masakit siyang magsalita. Kapag gano’n, iniisip ko na hindi naman talaga ’yon ang gusto niyang sabihin. Iniisip ko rin ang sinasabi sa 1 Corinto 13:5. Tumutulong iyan sa akin na makipag-usap sa kaniya nang may respeto at hindi pagalit.” (Kaw. 19:11) Nirerespeto naman ng isang babae ang asawa niya kapag mabubuting bagay tungkol dito ang sinasabi niya sa iba. (Efe. 5:33) Hindi siya sarkastiko. Hindi rin niya iniinsulto o ginagawang katatawanan ang asawa niya. Alam kasi niya na parang kalawang iyan na makakasira sa pagsasama nila. (Kaw. 14:1) Isang sister sa Italy, na ang asawa ay may anxiety, ang nagsabi: “Minsan, para sa akin, sobra-sobra na ang pag-aalala ng asawa ko. At noon, talagang halata sa mukha ko at sa mga sinasabi ko na hindi ko siya nirerespeto. Pero napansin ko na kapag mas madalas kong kasama ang mga taong may respeto sa iba, mas nagiging madali sa akin na irespeto ang asawa ko.”

Collage: Isang mag-asawang nagpapakita ng respeto sa isa’t isa. 1. Mabait na kinakausap ng lalaki ang asawa niya habang naghahanda sila ng pagkain sa kusina. 2. Ipinagmamalaki naman ng babae ang asawa niya sa mga bisita nila habang inaabutan nito ng pagkain ang isang may-edad nang brother.

Kapag ipinapakita nating nirerespeto natin ang mga kapamilya natin, napaparangalan natin si Jehova (Tingnan ang parapo 9)


10. Paano maipapakita ng mga anak na nirerespeto nila ang mga magulang nila?

10 Mga anak, sundin ang mga patakaran sa loob ng pamilya. (Efe. 6:1-3) Maging magalang sa pakikipag-usap sa mga magulang ninyo. (Ex. 21:17) Habang tumatanda sila, baka mas kailanganin nila ang atensiyon ninyo. Alagaan ninyo silang mabuti. Iyan mismo ang ginawa ni María. Hindi Saksi ni Jehova ang tatay niya. Nang magkasakit ito, nahirapan si María na alagaan ito kasi hindi ito mabait makitungo sa kaniya. Ikinuwento niya: “Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong magkaroon ng respeto sa tatay ko at maipakita ’yon. Naisip ko na kung hinihiling ni Jehova na irespeto ko ang mga magulang ko, siguradong tutulungan din niya akong gawin ’yon. Sa paglipas ng panahon, nakita ko rin na kaya kong irespeto ang tatay ko kahit hindi siya magbago.” Kapag nirerespeto natin ang mga kapamilya natin kahit may mga kahinaan sila, nirerespeto natin ang mga kaayusan ni Jehova.

MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA KAPUWA KRISTIYANO

11. Bakit mahirap kung minsan na irespeto ang mga kapuwa natin Kristiyano?

11 Bakit hindi madali? Sinisikap ng mga kapuwa natin Kristiyano na sundin ang mga pamantayan ng Bibliya. Pero kung minsan, baka mahusgahan nila tayo o may magawa silang nakakainis o di-maganda sa atin. Baka mahirapan tayong irespeto sila kasi “may dahilan [tayo] para magreklamo.” (Col. 3:13) Ano ang puwede nating gawin?

12. Bakit mahalagang irespeto natin ang mga kapuwa natin Kristiyano? (2 Pedro 2:9-12)

12 Bakit dapat silang irespeto? (Basahin ang 2 Pedro 2:9-12.) Sa ikalawang liham ni apostol Pedro, sinabi niya na may ilan sa kongregasyong Kristiyano noon na nagsasalita ng di-maganda tungkol sa “mga maluwalhati,” o matatandang lalaki sa kongregasyon. Nang makita iyan ng tapat na mga anghel, ano ang ginawa nila? Wala silang sinabing masama tungkol sa mga taong iyon “bilang paggalang kay Jehova.” Kahit perpekto ang mga anghel, ipinaubaya nila kay Jehova ang paghatol at pagsaway sa mga aroganteng taong iyon. (Roma 14:10-12; ihambing ang Judas 9.) Magandang tularan ang mga anghel na iyon. Kung dapat nating irespeto ang mga umuusig sa atin, mas dapat nating irespeto ang mga kapuwa natin Kristiyano. Dapat pa nga tayong “mauna . . . sa pagpapakita ng paggalang” sa kanila. (Roma 12:10) Kapag ginagawa natin iyan, nirerespeto natin si Jehova.

13-14. Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang mga kakongregasyon natin? Magbigay ng mga halimbawa. (Tingnan din ang mga larawan.)

13 Paano ipapakita ang respeto? Mga elder, kapag nagtuturo sa iba, sikaping gawin iyon sa maibiging paraan. (Flm. 8, 9) Kapag may kailangan kayong payuhan, maging mabait at huwag magpapayo kapag naiinis kayo. Mga sister, iwasan ang tsismis at paninirang-puri para mapanatili ang respeto sa loob ng kongregasyon. (Tito 2:3-5) Maipapakita naman nating lahat na nirerespeto natin ang mga elder kapag nakikipagtulungan tayo sa kanila. Pasalamatan din natin sila sa mga pagsisikap nilang manguna sa mga pulong at gawaing pangangaral, pati na sa pagtulong nila sa mga nakagawa ng “maling hakbang.”—Gal. 6:1; 1 Tim. 5:17.

14 Nahirapan ang sister na si Rocío na irespeto ang isang elder na nagpayo sa kaniya. “Sumama talaga ang loob ko sa kaniya kasi hindi ko nagustuhan kung paano niya ako pinayuhan,” ang sabi ni Rocío. “Kapag kausap ko ang mga kasama ko sa bahay, may mga sinasabi akong negatibo tungkol sa kaniya. Hindi ko ipinahalata sa iba, pero sa loob-loob ko, pinagdudahan ko ang motibo niya at binale-wala ko ang payo niya.” Ano ang nakatulong kay Rocío? Sinabi niya: “Habang nagbabasa ako ng Bibliya, nabasa ko ang 1 Tesalonica 5:12, 13. Nakonsensiya ako kasi nakita kong hindi ko na pala nirerespeto ang elder na iyon. Kaya nanalangin ako kay Jehova. Nag-research din ako sa mga publikasyon natin ng mga puwede kong gawin para mabago ko ang tingin ko sa kaniya. Nakita ko na hindi pala siya ang problema; ako pala, kasi naging ma-pride ako. May koneksiyon pala ang kapakumbabaan at pagrespeto sa iba. Alam kong may mga kailangan pa akong baguhin sa sarili ko. Pero habang sinisikap kong gawin iyan, alam kong napapasaya ko si Jehova.”

Collage: Isang may-edad nang sister na nagbabasa ng Bibliya at pinag-iisipan ang mga pagsisikap na ginagawa ng mga elder. 1. Nagpapahayag ang isang elder. 2. Tinutulungan ng elder ang isang brother na naka-wheelchair. 3. Inaalis ng elder ang snow sa labas ng Kingdom Hall.

Maipapakita nating nirerespeto natin ang mga elder kapag nakikipagtulungan tayo sa kanila at pinapasalamatan natin sila sa mga pagsisikap nila (Tingnan ang parapo 13-14)


MAGPAKITA NG RESPETO SA MGA DI-SAKSI

15. Bakit mahirap kung minsan na irespeto ang mga di-Saksi?

15 Bakit hindi madali? Kapag nangangaral tayo, marami tayong nakakausap na mga taong walang pagpapahalaga sa Bibliya. (Efe. 4:18) May iba naman na ayaw makinig sa mensahe natin dahil sa mga paniniwalang nakasanayan na nila. Baka mahirap namang pakisamahan ang ilang katrabaho o kaeskuwela natin. O baka may boss tayo o teacher na lagi na lang hindi natutuwa sa ginagawa natin. Kapag ganiyan ang sitwasyon, posibleng unti-unting mawala ang respeto natin sa kanila at matrato na natin sila nang di-maganda.

16. Bakit mahalagang irespeto natin ang mga hindi pa lingkod ni Jehova? (1 Pedro 2:12; 3:15)

16 Bakit dapat silang irespeto? Tandaan na tinitingnan ni Jehova kung paano natin tinatrato ang mga hindi pa naglilingkod sa kaniya. Sinabi ni Pedro na kapag nakita ng mga di-lingkod ng Diyos ang mabuting paggawi ng mga Kristiyano, posibleng “luwalhatiin nila ang Diyos.” Kaya pinayuhan niya ang mga Kristiyano na ipagtanggol ang pananampalataya nila “nang mahinahon at may matinding paggalang.” (Basahin ang 1 Pedro 2:12; 3:15.) Nagpapaliwanag man sila sa korte o sa ibang tao, dapat na mabuti ang pakikitungo nila sa mga di-Saksi, na para bang kaharap din nila ang Diyos. Kasi ang totoo, pinapakinggan ni Jehova ang lahat ng sinasabi natin at kung paano natin iyon sinasabi. Napakahalaga talagang magpakita tayo ng respeto sa mga di-lingkod ni Jehova!

17. Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang mga di-Saksi?

17 Paano ipapakita ang respeto? Kapag nasa ministeryo tayo, baka may mga makausap tayong kaunti lang ang alam sa Bibliya. Pero hindi natin sila minamaliit. Alam nating mahalaga sila sa Diyos, at itinuturing natin silang mas mataas sa atin. (Hag. 2:7; Fil. 2:3) Kapag may nang-insulto sa iyo, huwag kang gaganti. (1 Ped. 2:23) Halimbawa, huwag maging sarkastiko. Kung may nasabi kang di-maganda, mag-sorry agad. Paano ka naman magpapakita ng respeto sa mga katrabaho mo? Maging masipag sa trabaho. Sikapin ding magpokus sa mabubuting katangian ng mga katrabaho at boss mo. (Tito 2:9, 10) Kung tapat ka at masipag, puwede mong mapasaya ang mga kasama mo sa trabaho. Pero kung hindi man, siguradong mapapasaya mo pa rin ang Diyos.—Col. 3:22, 23.

18. Bakit napakahalagang magkaroon tayo ng respeto sa iba at maipakita iyon?

18 Napakaraming magagandang dahilan para irespeto ang iba. Kapag ipinapakita nating nirerespeto natin ang mga kapamilya natin at kapuwa Kristiyano, napaparangalan natin ang Diyos na Jehova. At kapag nagpapakita naman tayo ng respeto sa mga di-Saksi, makakatulong iyon para parangalan din nila ang Diyos. Pero paano naman kung hindi tayo irespeto ng iba? Napakahalaga pa ring magkaroon tayo ng respeto sa kanila at maipakita iyon. Kapag ginawa natin iyan, pagpapalain tayo ni Jehova. Nangangako siya: “Ang mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.”—1 Sam. 2:30.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang mga kapamilya natin?

  • Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang mga kapuwa natin Kristiyano?

  • Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang mga di-Saksi?

AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko

a Binago ang ilang pangalan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share