Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Setyembre p. 20-25
  • Tulungan Agad ang mga “Nakaayon sa Buhay na Walang Hanggan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tulungan Agad ang mga “Nakaayon sa Buhay na Walang Hanggan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KAPAG HANDA NANG TANGGAPIN NG ISA ANG MENSAHE NATIN
  • KAPAG NAGBA-BIBLE STUDY NA KAYO
  • KAPAG MAY MGA BAGONG DUMALO SA PULONG
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Nakakabuti sa Atin ang Paglapit sa Isa’t Isa!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Setyembre p. 20-25

ARALING ARTIKULO 39

AWIT BLG. 54 “Ito ang Daan”

Tulungan Agad ang mga “Nakaayon sa Buhay na Walang Hanggan”

“Naging mananampalataya ang lahat ng nakaayon sa buhay na walang hanggan.”—GAWA 13:48.

MATUTUTUHAN

Kung kailan mag-aalok ng Bible study sa mga tao at kung kailan sila iimbitahan sa mga pulong natin.

1. Ano ang posibleng maging reaksiyon ng mga tao kapag narinig nila ang mabuting balita? (Gawa 13:47, 48; 16:14, 15)

NOONG unang siglo, tinanggap agad ng marami ang katotohanan nang mapangaralan sila. (Basahin ang Gawa 13:47, 48; 16:14, 15.) Marami rin sa ngayon ang tumanggap agad sa mabuting balita noong unang beses nila itong marinig. Mayroon din namang hindi masyadong interesado noong una pero tinanggap din ito paglipas ng panahon. Kapag nahanap natin ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan,” ano ang dapat nating gawin?

2. Bakit masasabing parang pagtatanim ang paggawa ng mga alagad?

2 Pag-isipan ang ginagawa ng isang taong nagtatanim. Kapag may mga hinog nang bunga sa taniman niya, aanihin na niya agad ang mga iyon. Pero patuloy pa rin niyang didiligan ang mga tanim niya na hindi pa hinog ang bunga. Ganiyan din sa paggawa ng mga alagad. Kapag nakahanap tayo ng isang tao na handa nang tumanggap sa mensahe natin, tinutulungan natin siya agad para maging alagad ni Kristo. At habang ginagawa natin iyan, patuloy naman nating tinutulungan na maging mas interesado ang iba na kailangan pa ng panahon. (Juan 4:35, 36) Kapag may unawa tayo, makikita natin kung handa na ang isa o kung kailangan pa niya ng panahon. At base diyan, maibibigay natin ang tulong na kailangan niya. Pag-usapan natin ngayon kung ano ang mga puwede nating gawin sa unang pag-uusap kapag nakita nating handa na ang isa. Aalamin din natin kung paano natin siya tutulungang sumulong.

KAPAG HANDA NANG TANGGAPIN NG ISA ANG MENSAHE NATIN

3. Ano ang dapat nating gawin kapag nakahanap tayo ng isang taong interesado? (1 Corinto 9:26)

3 Kapag nakahanap tayo ng isang taong interesado, gusto natin siyang tulungan agad na makilala si Jehova at maging malapít sa kaniya. Kaya sa unang pag-uusap pa lang, mag-alok na tayo agad ng Bible study at imbitahan siya sa mga pulong natin.—Basahin ang 1 Corinto 9:26.

4. Magkuwento ng karanasan ng isang taong handa na agad magpa-Bible study.

4 Mag-alok ng Bible study. Minsan, may mga nakakausap tayo na handa na agad magpa-Bible study. Isang halimbawa diyan ang isang babae sa Canada. Isang araw ng Huwebes, lumapit siya sa literature cart at kumuha ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Sinabi ng sister na nasa cart na may kasamang libreng Bible study ang brosyur na iyon. Interesado ang babae kaya ibinigay niya ang number niya. Nang araw ding iyon, tinext ng babae ang sister at nagtanong tungkol sa Bible study. Tinanong ng sister kung puwede silang mag-study sa weekend. Pero sinabi ng babae: “E, kung bukas kaya?” Nag-study agad sila kinabukasan. Dumalo rin agad sa pulong ang babae nang weekend ding iyon, at mabilis siyang sumulong.

5. Paano makakatulong ang unawa kapag nag-aalok ng Bible study? (Tingnan din ang mga larawan.)

5 Alam nating hindi lahat ng makakausap natin, kagaya ng babaeng binanggit kanina na handa agad magpa-Bible study. May iba na kailangan pa ng panahon. Kaya ano ang puwede nating gawin? Baka puwedeng makipag-usap muna tayo tungkol sa isang paksang gusto niya. Kung hindi tayo mawawalan ng pag-asa at patuloy tayong magpapakita ng personal na interes, baka di-magtagal, magpa-study rin siya. Ano ang mga puwede nating sabihin kapag mag-aalok tayo ng Bible study? Tingnan natin ang mga tip ng mga kapatid na mahusay sa pagpapasimula ng Bible study.

Collage: 1. Dalawang brother na nakikipag-usap sa isang may-edad nang lalaki na nakaupo sa labas ng bahay nito. 2. Dalawang sister na ipinapakita ang brosyur na “Masayang Buhay Magpakailanman” sa isang nanay habang nasa may pintuan sila. Karga ng nanay ang maliit pa niyang anak habang nakatayo sa tabi niya ang isa pa niyang anak.

Ano ang puwede nating sabihin sa mga taong nasa larawan para mas magustuhan nilang magpa-Bible study? (Tingnan ang parapo 5)a


6. Ano ang mga puwede nating sabihin para matulungan ang kausap natin na tanggapin ang pagba-Bible study?

6 Nang tanungin ang mga kapatid kung ano ang magandang sabihin kapag nag-aalok ng Bible study, sinabi nila na sa ilang lugar, makakabuting iwasan ang mga salitang gaya ng “study,” “pag-aaral sa Bibliya,” o “tuturuan.” Napansin nila na mas maganda kung gagamitin ang mga salitang gaya ng “kuwentuhan,” “tingnan ang sinasabi ng Bibliya,” o “pag-uusapan.” Para maituloy ninyo ang pag-uusap sa susunod, puwede mong sabihin, “Alam mo, ang ganda ng sagot ng Bibliya sa tanong na ’yan,” o “Hindi lang panrelihiyon ang Bibliya; makakatulong din ito sa pang-araw-araw na buhay mo.” Puwede mo pang sabihin: “Saglit lang ’yon. Kahit 10 o 15 minutes lang, marami ka nang matututuhan.” Hindi mo kailangang gumamit ng mga pananalitang gaya ng “mag-set ng schedule” o “bawat linggo” para maituloy ang pag-uusap ninyo. Baka kasi maramdaman niyang obligado na siyang makipag-usap sa iyo.

7. Kailan nakumbinsi ang ilan na nakita na talaga nila ang katotohanan? (1 Corinto 14:23-25)

7 Imbitahan siya sa pulong. Noong panahon ni apostol Pablo, lumilitaw na nakumbinsi ang ilan na nakita na talaga nila ang katotohanan noong dumalo sila sa pagtitipon ng mga Kristiyano. (Basahin ang 1 Corinto 14:23-25.) Ganiyan din sa ngayon. Marami ang mas mabilis na sumusulong kapag dumadalo na sila sa mga pulong. Kaya kailan mo dapat imbitahan ang isang taong interesado? Sa aralin 10 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, iniimbitahan ang mga nagba-Bible study na dumalo sa pulong. Pero hindi mo kailangang hintayin ang araling iyon bago mo imbitahan ang isang taong interesado. Sa unang pag-uusap pa lang, puwede mo na siyang imbitahan agad sa pulong sa weekend. Sabihin sa kaniya ang tema ng pahayag o ang isang punto na pag-aaralan sa Bantayan.

8. Kapag iniimbitahan nating dumalo ang isang interesado, ano ang puwede nating sabihin tungkol sa mga pulong natin? (Isaias 54:13)

8 Kapag iniimbitahang dumalo ang isang interesado, sabihin sa kaniya ang kaibahan ng mga pulong natin sa mga pagtitipon ng ibang relihiyon. Nang unang makasama sa pag-aaral ng Bantayan ang isang nagba-Bible study, tinanong niya ang nagtuturo sa kaniya kung alam ba ng conductor ang pangalan ng lahat ng dumadalo. Sinabi ng sister na dahil parang isang pamilya ang kongregasyon, sinisikap nating makilala ang lahat ng kakongregasyon natin. Nasabi ng bina-Bible study niya na ibang-iba iyon sa ginagawa sa simbahan nila. May isa pang kaibahan ang mga pulong natin kumpara sa pagtitipon ng iba. (Basahin ang Isaias 54:13.) Sa mga pulong natin, sinasamba natin si Jehova, tinuturuan niya tayo, at nakikipagpatibayan tayo sa mga kapatid. (Heb. 2:12; 10:24, 25) Kaya organisado, may layunin, at hindi mga ritwal ang ginagawa natin sa pulong. (1 Cor. 14:40) Simple lang ang mga Kingdom Hall natin, at maliwanag doon kasi nandoon tayo para matuto. Neutral din tayo, kaya wala tayong pino-promote na partido sa politika. Wala ring debate o pagtatalo tungkol sa iba’t ibang isyu. Para magkaroon pa ng ideya tungkol sa mga pulong natin ang isang interesado, puwede nating ipapanood sa kaniya ang video na Ano’ng Mayroon sa Kingdom Hall?

9-10. Kapag iniimbitahan ang isang taong interesado, ano ang puwede nating sabihin para hindi siya mag-alangang dumalo? (Tingnan din ang larawan.)

9 Nag-aalangang dumalo ang ilan kasi iniisip nila na kapag dumalo sila, magiging Saksi ni Jehova na sila. Kaya kapag may iniimbitahan tayo, sabihin natin sa kaniya na welcome sa pulong natin ang mga bisita. Hindi rin natin kinukumberte ang mga bisita o pinipilit silang makibahagi sa mga ginagawa natin sa pulong. Puwedeng dumalo ang buong pamilya, pati na ang mga bata. Hindi pinaghihiwalay ang mga magulang at mga anak, at pareho sila ng napapakinggan. Kaya hindi mag-aalala ang mga magulang kung sino ang nakakasama ng mga anak nila at kung ano ang itinuturo sa mga ito. (Deut. 31:12) Hindi rin tayo nanghihingi ng pera o nagpapaikot ng sobre para dito. Sinusunod natin ang utos ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mat. 10:8) Puwede mo ring sabihin na hindi niya kailangang magsuot ng mamahaling damit. Tiyakin sa kaniya na puso ang tinitingnan ng Diyos, hindi ang hitsura.—1 Sam. 16:7.

10 Kapag dumalo siya, iparamdam sa kaniya na welcome siya. Ipakilala siya sa mga elder at mga kapatid. Kapag naging komportable siya, malamang na dumalo siya ulit. Kung wala siyang dalang Bibliya, tabihan siya at ipakita sa kaniya ang mga teksto para masundan niya ang mga pahayag at talakayan.

Ang nanay sa naunang larawan na wine-welcome ng mga kapatid sa Kingdom Hall. Karga niya ang mas bata niyang anak. Kausap naman ng isa pa niyang anak ang isang batang lalaki.

Kapag dumadalo na sa mga pulong ang isang taong interesado, mas mabilis siyang susulong (Tingnan ang parapo 9-10)


KAPAG NAGBA-BIBLE STUDY NA KAYO

11. Paano natin maipapakita na nirerespeto natin ang oras ng Bible study natin?

11 Kapag nakikipag-Bible study na sa atin ang isang interesado, ipakita nating nirerespeto natin ang oras niya. Halimbawa, kung may napag-usapan kayong schedule, dumating sa oras kahit na hindi ganiyan ang nakasanayan sa lugar ninyo. Maganda rin kung saglit lang ang unang pag-aaral ninyo. May ilang kapatid na marami nang na-Bible study ang nagsabing makakabuti kung hindi masyadong magtagal ang pag-aaral, kahit gusto pa ng kausap mo na ituloy ang pag-uusap. Mas okey rin kung hindi puro ikaw ang nagsasalita. Hayaan mo siyang magsabi ng mga iniisip at nararamdaman niya.—Kaw. 10:19.

12. Ano ang dapat na goal natin kahit sa umpisa pa lang ng Bible study?

12 Sa umpisa pa lang ng Bible study, dapat na goal na nating makilala at mahalin ng bina-Bible study natin si Jehova at si Jesus. Magagawa mo iyan kung tutulungan mo siyang magpokus sa Bibliya, hindi sa iyo. (Gawa 10:25, 26) Magandang halimbawa diyan si apostol Pablo. Madalas na ang itinuturo niya ay tungkol kay Jesu-Kristo, ang isinugo ni Jehova para tulungan tayong makilala at mahalin Siya. (1 Cor. 2:1, 2) Itinuro din ni Pablo na mahalagang tulungan ang mga bagong alagad na magkaroon ng magagandang katangian. Ikinumpara pa nga niya ang mga iyan sa ginto, pilak, at mamahaling bato. (1 Cor. 3:11-15) Kasama sa mga katangiang iyan ang pananampalataya, karunungan, kaunawaan, at takot kay Jehova. (Awit 19:9, 10; Kaw. 3:13-15; 1 Ped. 1:7) Matutularan natin si Pablo kung tutulungan din natin ang mga inaaralan natin sa Bibliya na magkaroon ng matibay na pananampalataya at malapít na kaugnayan kay Jehova.—2 Cor. 1:24.

13. Paano tayo magiging matiisin at maunawain kapag bina-Bible study natin ang isang taong interesado? (2 Corinto 10:4, 5) (Tingnan din ang larawan.)

13 Tularan ang pagiging matiisin at maunawain ni Jesus kapag nagtuturo. Huwag magtanong ng mga bagay na magpapahiya sa bina-Bible study mo. Kung nahihirapan siya sa isang punto, balikan na lang iyon. Huwag ipilit sa kaniya ang isang turong hindi pa niya handang tanggapin. Hayaan munang tumubo sa puso niya ang katotohanang iyon. (Juan 16:12; Col. 2:6, 7) Ikinumpara ng Bibliya ang mga maling turo sa isang matibay na tanggulan. (Basahin ang 2 Corinto 10:4, 5; tingnan ang study note na “pabagsakin ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag.”) Kaya tulungan muna siyang gawing tanggulan at kanlungan si Jehova para maging mas madali sa kaniya na iwan ang mga maling turong nakasanayan na niya.—Awit 91:9.

Ang may-edad nang lalaki sa naunang larawan habang bina-Bible study ng dalawang brother gamit ang aklat na “Masayang Buhay Magpakailanman.” Makikita sa likod nila ang mga medalyang natanggap niya noong sundalo pa siya.

Hayaan munang tumubo ang katotohanan sa puso ng tinuturuan mo (Tingnan ang parapo 13)


KAPAG MAY MGA BAGONG DUMALO SA PULONG

14. Ano ang dapat nating gawin kapag may mga bagong dumalo sa pulong?

14 Ayaw ni Jehova na magtangi tayo. Kaya dapat nating ipadama sa mga bagong dumadalo na welcome sila anuman ang kultura nila, katayuan sa buhay, o pinagmulan. (Sant. 2:1-4, 9) Paano natin iyan magagawa?

15-16. Paano natin maipapadama sa mga bagong dumadalo na welcome sila?

15 May mga dumadalo sa pulong natin dahil gusto nilang malaman kung ano ang ginagawa doon. May iba naman na dumadalo sa Kingdom Hall natin kasi sinabihan sila ng kakilala nila na nasa ibang lugar. Kaya lapitan natin sila agad. Maging mabait at palakaibigan, pero huwag namang sobra kasi baka mailang sila. Tabihan sila. I-share sa kanila ang Bibliya mo at ibang publikasyon. O kaya naman, bigyan sila ng sarili nilang kopya. Pag-isipan din natin ang nararamdaman nila. Halimbawa, isang lalaki na dumalo sa Kingdom Hall ang kinakabahan kasi hindi kasingganda ng damit ng iba ang suot niya. Sinabi niya iyon sa brother na bumati sa kaniya. Sinabi naman ng brother na huwag siyang mag-alala kasi ordinaryong tao lang din naman ang mga Saksi ni Jehova. Bautisado na ngayon ang lalaki. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya nakakalimutan ang sinabing iyon ng brother. Kaya gusto talaga nating magpakita ng personal na interes sa mga bagong dumadalo. Pero tandaan na hindi tayo dapat manghimasok sa personal na mga bagay kapag kinakausap natin sila.—1 Ped. 4:15.

16 May magagawa pa tayo para maging komportable ang mga bisita. Kapag nagkukuwentuhan tayo, nagkokomento, o may bahagi, maging maingat sa mga sinasabi natin tungkol sa mga di-Saksi. Huwag tayong magsasabi ng anumang bagay na makakatisod o makakainsulto sa kanila. (Tito 2:8; 3:2) Halimbawa, hindi natin mamaliitin o pagtatawanan ang mga paniniwala nila. (2 Cor. 6:3) Napakahalagang tandaan iyan ng mga nagpapahayag. Hindi nila kinakalimutan na may mga di-Saksing nakikinig. Kaya ipinapaliwanag din nila ang mga salita o paksang hindi pamilyar sa mga ito.

17. Ano ang dapat nating gawin kapag nahanap natin ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan”?

17 Sa paglipas ng bawat araw, nagiging mas apurahan ang paggawa ng mga alagad. At patuloy tayong nakakahanap ng mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Kaya kapag nakakita tayo ng mga taong interesado, dapat natin silang alukan agad ng Bible study at imbitahan sa pulong. Kapag ginagawa natin iyan, tinutulungan natin silang magsimulang lumakad sa “daang papunta sa buhay.”—Mat. 7:14.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano natin matutulungan ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan” kahit sa unang pag-uusap pa lang?

  • Ano ang mga puwede nating gawin kapag bina-Bible study na natin ang isang taong interesado?

  • Paano natin maipapadama sa mga bagong dumadalo na welcome sila?

AWIT BLG. 64 May-kagalakang Nakikibahagi sa Pag-aani

a LARAWAN: Nilapitan ng dalawang brother ang isang dating sundalo na nagre-relax sa labas ng bahay niya; ginawang maiksi ng dalawang sister ang pakikipag-usap sa isang nanay na maraming ginagawa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share