ARALING ARTIKULO 42
AWIT BLG. 44 Panalangin ng Nanghihina
Paano Natin Mas Masasabi sa Panalangin ang mga Nararamdaman Natin?
“Tumatawag ako nang buong puso. Sagutin mo ako, O Jehova.”—AWIT 119:145.
MATUTUTUHAN
Kung paano makakatulong ang mga panalangin sa Bibliya para mas masabi natin kay Jehova ang mga nararamdaman natin kapag nananalangin tayo.
1-2. (a) Bakit hindi natin laging nasasabi kay Jehova ang talagang nararamdaman natin kapag nananalangin tayo? (b) Paano natin nalaman na gustong-gustong pakinggan ni Jehova ang mga panalangin natin?
MINSAN ba, paulit-ulit na lang ang mga nasasabi mo sa mga panalangin mo? O kaya naman, may panahon bang hindi mo nasasabi kay Jehova kung ano ang talagang nararamdaman mo? Posibleng mangyari iyan sa ating lahat. Dahil napakarami nating ginagawa araw-araw, baka minamadali natin ang mga panalangin natin. O baka nahihirapan tayong sabihin kay Jehova ang nararamdaman natin kasi iniisip nating hindi tayo karapat-dapat makipag-usap sa kaniya.
2 Sinasabi ng Bibliya na ang mahalaga kay Jehova ay hindi kung gaano kaganda ang mga salitang ginagamit natin sa panalangin, kundi kung mula iyon sa puso at kung mapagpakumbaba tayong lumalapit sa kaniya. Pinapakinggan niya “ang kahilingan ng maaamo.” (Awit 10:17) Talagang interesado siya sa atin, kaya gustong-gusto niyang pakinggan ang lahat ng sinasabi natin.—Awit 139:1-3.
3. Anong mga tanong ang sasagutin natin sa artikulong ito?
3 Baka maitanong natin: Bakit hindi tayo dapat mag-alangang manalangin kay Jehova? Ano ang puwede nating gawin para mas masabi natin kay Jehova ang nararamdaman natin? Paano makakatulong sa personal nating mga panalangin ang mga panalanging nasa Bibliya? At ano ang puwede nating gawin kapag sobrang gulo ng isip natin at hindi natin alam kung paano sasabihin sa panalangin ang nararamdaman natin? Alamin natin ang sagot sa mga tanong na iyan.
HUWAG MAG-ALANGANG MANALANGIN KAY JEHOVA
4. Ano ang makakatulong para hindi tayo mag-alangang manalangin kay Jehova? (Awit 119:145)
4 Dapat nating isipin na isang tapat na kaibigan si Jehova at gusto niya ang pinakamabuti para sa atin. Makakatulong iyan para hindi tayo mag-alangang manalangin sa kaniya. Iyan ang iniisip ng manunulat ng Awit 119 kapag nananalangin siya. May mga problema siya. May mga naninira din sa kaniya. (Awit 119:23, 69, 78) Nasisiraan din siya ng loob dahil sa mga kahinaan niya. (Awit 119:5) Pero kahit ganoon, hindi siya nag-aalangang manalangin kay Jehova.—Basahin ang Awit 119:145.
5. Bakit dapat pa rin tayong manalangin kahit may mga negatibo tayong naiisip tungkol sa sarili natin? Magbigay ng ilustrasyon.
5 Gusto ni Jehova na manalangin sa kaniya ang lahat, kahit ang mga nakagawa ng malulubhang kasalanan. (Isa. 55:6, 7) Kaya dapat pa rin tayong manalangin sa kaniya kahit may mga negatibo tayong naiisip tungkol sa sarili natin. Pag-isipan ito: Alam ng isang piloto na puwede siyang makipag-usap sa mga air traffic controller kapag kailangan niya ng tulong. Paano kung nagkamali siya o hindi niya alam ang gagawin kasi naliligaw siya? Dapat ba siyang mag-alangang makipag-usap sa kanila dahil lang sa nahihiya siya? Siyempre hindi! Kaya kapag nagkasala tayo o hindi natin alam ang gagawin natin, hindi rin tayo dapat mag-alangang manalangin kay Jehova.—Awit 119:25, 176.
ANG PUWEDE NATING GAWIN PARA MAS MASABI ANG NARARAMDAMAN NATIN
6-7. Ano ang puwede nating gawin para mas masabi natin kay Jehova ang nararamdaman natin? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang talababa.)
6 Kapag sinasabi natin kay Jehova ang talagang nararamdaman at naiisip natin, mas mapapalapit tayo sa kaniya. Ano ang mga puwede nating gawin para magawa iyan?
7 Pag-isipan ang mga katangian ni Jehova.a Kapag pinag-isipan natin ang magagandang katangian ni Jehova, magiging mas madali sa atin na sabihin sa kaniya ang mga nararamdaman natin. (Awit 145:8, 9, 18) Tingnan ang halimbawa ni Kristine. Dahil marahas ang tatay niya, nahirapan siyang isipin na mapagmahal na Ama si Jehova at na puwede niyang sabihin ang lahat sa Kaniya. Sinabi niya, “Pakiramdam ko, iiwan niya ako dahil sa mga kahinaan ko.” Anong katangian ni Jehova ang pinag-isipan niya? Ikinuwento niya: “Pinag-isipan ko ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Kaya nakumbinsi akong hinding-hindi niya ako iiwan. At kahit magkamali ako, alam kong mamahalin pa rin niya ako at tutulungan. Mas nasasabi ko na ngayon sa kaniya ang mga bagay na nagpapasaya at nagpapalungkot sa akin.”
8-9. Bakit makakatulong kung pag-iisipan muna natin ang mga gusto nating sabihin bago manalangin? Magbigay ng halimbawa.
8 Isipin muna ang mga ipapanalangin mo. Bago manalangin, puwede mong pag-isipan ang mga tanong na gaya nito: ‘Anong problema ang kinakaharap ko ngayon? May dapat ba akong patawarin? May pagbabago ba sa buhay ko kung saan kailangan ko ang tulong ni Jehova?’ (2 Hari 19:15-19) Puwede rin nating pag-isipan ang panalanging itinuro ni Jesus para maisama natin sa panalangin ang tungkol sa pangalan ni Jehova, Kaharian Niya, at kalooban Niya.—Mat. 6:9, 10.
9 Nang malaman ng sister na si Aliska na may brain cancer ang asawa niya at malapit nang mamatay, nahirapan siyang manalangin. Ikinuwento niya: “Gulong-gulo ang isip ko. Kaya hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa panalangin.” Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya: “Bago ako manalangin, pinag-iisipan ko muna ang mga sasabihin ko. Nakatulong iyon para hindi lang puro tungkol sa akin ang masabi ko sa panalangin. Nagiging mas kalmado rin ako, kaya may mga ibang bagay pa akong naipapanalangin.”
10. Bakit hindi tayo dapat magmadali kapag nananalangin? (Tingnan din ang mga larawan.)
10 Huwag magmadali kapag nananalangin. Makakatulong naman ang maiikling panalangin para mapalapit tayo kay Jehova. Pero mas masasabi natin ang nararamdaman natin kung hindi tayo magmamadali at kung hahabaan natin ang panalangin natin.b Ikinuwento ng asawa ni Aliska na si Elijah: “Sinisikap kong manalangin nang maraming beses sa isang araw. At nakita ko na kapag mas mahaba ang panalangin ko, nararamdaman kong mas malapít ako kay Jehova. Hindi naiinip si Jehova na makinig sa akin, kaya hindi ko kailangang magmadali.” Subukan ito: Maghanap ng oras at lugar kung saan puwede kang manalangin nang mahaba at hindi nagagambala. Maganda rin kung aktuwal mong masasabi ang panalangin mo, at hindi sa isip lang. Gawin iyan nang regular.
Maghanap ng oras at lugar kung saan puwede kang manalangin nang mahaba at hindi nagagambala (Tingnan ang parapo 10)
PAG-ISIPAN ANG MGA PANALANGING NASA BIBLIYA
11. Paano makakatulong sa atin ang mga panalanging nasa Bibliya? (Tingnan din ang kahong “Ganito Rin Ba ang Nararamdaman Mo?”)
11 Makakatulong sa personal na mga panalangin mo ang mga panalangin at awit ng mga lingkod ng Diyos na mababasa sa Bibliya. Kapag nakita mo kung paano nila sinabi sa Diyos ang mga naiisip at nararamdaman nila, mapapakilos kang ibuhos din ang lahat ng nilalaman ng puso mo kay Jehova. Puwede mo ring gamitin sa panalangin mo ang mga pananalitang ginamit nila para purihin si Jehova. Malamang na may makita ka ring mga panalangin ng mga lingkod ng Diyos na kapareho mo ng sitwasyon.
12. Ano ang mga puwede nating itanong sa sarili habang pinag-iisipan ang mga panalanging nasa Bibliya?
12 Habang pinag-iisipan mo ang isang panalangin na binabasa mo, tanungin ang sarili: ‘Sino ang nananalangin, at ano ang sitwasyon niya? Pareho ba kami ng nararamdaman? Ano ang matututuhan ko sa panalangin niya?’ Baka kailangan mo pang mag-research para masagot ang mga tanong na iyan, pero sulit naman kung gagawin mo iyan. Tingnan natin ang ilang panalanging nasa Bibliya.
13. Ano ang matututuhan natin sa panalangin ni Hana? (1 Samuel 1:10, 11) (Tingnan din ang larawan.)
13 Basahin ang 1 Samuel 1:10, 11. Nang ipanalangin iyan ni Hana, may dalawa siyang malaking problema. Hindi sila magkaanak ni Elkana, at lagi siyang iniinsulto ng isa pang asawa nito. (1 Sam. 1:4-7) Kung may problema ka na parang walang solusyon, ano ang matututuhan mo sa panalangin ni Hana? Gumaan ang loob niya kasi ibinuhos niya kay Jehova ang laman ng puso niya at hindi siya nagmadali nang manalangin siya. (1 Sam. 1:12, 18) Gagaan din ang loob mo kapag “[inihagis] mo kay Jehova ang pasanin mo,” at magagawa mo iyan kapag sinabi mo sa kaniya ang lahat ng pinoproblema at nararamdaman mo.—Awit 55:22.
Nang hindi magkaanak si Hana at paulit-ulit siyang iniinsulto, ibinuhos niya kay Jehova ang laman ng puso niya (Tingnan ang parapo 13)
14. (a) Ano pa ang matututuhan natin sa panalangin ni Hana? (b) Paano makakatulong sa personal na mga panalangin natin ang pag-iisip tungkol sa mga nababasa natin sa Bibliya? (Tingnan ang talababa.)
14 Nagkaanak si Hana, at pinangalanan niya itong Samuel. At pagkalipas ng ilang taon, dinala niya ito sa mataas na saserdoteng si Eli. (1 Sam. 1:24-28) Sa panalangin ni Hana, ipinakita niyang naniniwala siyang pinoprotektahan at inaalagaan ni Jehova ang mga lingkod Niya.c (1 Sam. 2:1, 8, 9) Posibleng hindi nawala ang lahat ng problema ni Hana. Pero nagpokus siya sa mga pagpapala ni Jehova sa kaniya. Ano ang aral? Mas mahaharap natin ang mga problema kung magpopokus tayo sa mga pagtulong sa atin ni Jehova.
15. Kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan, paano makakatulong sa atin ang panalangin ni Jeremias? (Jeremias 12:1)
15 Basahin ang Jeremias 12:1. Nang makita ni propeta Jeremias na maganda ang buhay ng masasamang tao, nadismaya siya. Pinanghinaan din siya ng loob dahil hindi maganda ang pagtrato sa kaniya ng ibang mga Israelita. (Jer. 20:7, 8) Baka maramdaman din natin ang mga iyan kapag nakita nating nagtatagumpay ang masasama o pinagtatawanan tayo ng mga tao. Sinabi ni Jeremias kay Jehova kung gaano kasama ang loob niya, pero hindi niya sinabing di-makatarungan si Jehova. At nang makita niya kung paano itinuwid ni Jehova ang bayan Niya, siguradong mas nagtiwala siya sa katarungan Niya. (Jer. 32:19) Kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan, puwede rin nating sabihin kay Jehova kung gaano kasama ang loob natin sa nangyari at na nagtitiwala tayong itutuwid niya ang mga bagay-bagay sa tamang panahon.
16. Kung limitado ang nagagawa natin dahil sa sitwasyon natin, ano ang matututuhan natin sa isang Levita? (Awit 42:1-4) (Tingnan din ang mga larawan.)
16 Basahin ang Awit 42:1-4. Isinulat ang awit na iyan ng isang Levitang hindi makasamba sa templo kasama ng ibang Israelita. Makikita sa awit na iyan ang mga nararamdaman niya. Baka maramdaman din natin ang mga iyan kapag hindi tayo makaalis ng bahay dahil sa sitwasyon natin o kapag nakakulong tayo dahil sa pananampalataya natin. Nagbabago man ang mga emosyon natin, magandang isama natin ang mga iyon sa panalangin. Tutulong iyan para mas maintindihan natin ang sarili natin at para makita natin ang buong sitwasyon. Halimbawa, nakita ng Levita na mayroon pa rin siyang mga pagkakataong purihin si Jehova. (Awit 42:5) Pinag-isipan din niya ang mga ginagawa ni Jehova para sa kaniya. (Awit 42:8) Makakatulong sa atin ang panalangin para mas maintindihan natin ang mga nararamdaman natin, maging mas panatag tayo, at makapagtiis.
Sinabi ng manunulat ng Awit 42 ang lahat ng nararamdaman niya sa panalangin. Kapag sinabi rin natin sa panalangin ang lahat ng nararamdaman natin, makakatulong iyon para makita natin ang buong sitwasyon (Tingnan ang parapo 16)
17. (a) Ano ang matututuhan natin sa panalangin ng propetang si Jonas? (Jonas 2:1, 2) (b) Kapag may mga problema tayo, bakit magandang pag-isipan ang mga pananalita sa Mga Awit? (Tingnan ang talababa.)
17 Basahin ang Jonas 2:1, 2. Panalangin iyan ng propetang si Jonas noong nasa tiyan siya ng isang malaking isda. Alam niyang sinuway niya si Jehova, pero sigurado si Jonas na papakinggan pa rin siya ng Diyos. Sa panalangin niya, gumamit siya ng maraming pananalita mula sa Mga Awit.d Nagawa niya iyon kasi alam na alam niya ang mga sinasabi doon. At nang pag-isipan niya ang mga iyon, naging sigurado siyang ililigtas siya ni Jehova. Kung sisikapin din nating kabisaduhin ang ilang teksto sa Bibliya, malamang na maalala natin ang mga iyon kapag nananalangin tayo. Tutulong iyan para mapanatag tayo kahit may mga problema.
MANALANGIN PARA MAGING MAS MALAPÍT KAY JEHOVA
18-19. Kung hindi natin alam ang sasabihin natin kay Jehova sa panalangin, paano makakatulong ang Roma 8:26, 27? Magbigay ng halimbawa.
18 Basahin ang Roma 8:26, 27. Minsan, kapag sobra tayong nag-aalala, baka hindi natin alam ang sasabihin natin kay Jehova sa panalangin. Pero sa mga panahong iyon, “ang espiritu mismo ang [makikiusap] para sa atin.” Ano ang ibig sabihin niyan? Ginamit ni Jehova ang banal na espiritu para ipasulat sa mga manunulat ng Bibliya ang maraming panalangin. Kaya kapag hindi mo talaga masabi ang mga nararamdaman mo, puwedeng tanggapin ni Jehova ang mga pananalitang nasa mga panalanging iyon bilang personal na panalangin mo.
19 Nakatulong iyan kay Yelena, isang sister mula sa Russia. Inaresto siya dahil sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin. Sobra siyang na-stress, kaya hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya sa panalangin. Ikinuwento niya na kapag nag-aalala siya at hindi niya alam ang ipapanalangin, iniisip niyang puwedeng ituring ni Jehova na panalangin niya ang mga panalanging nasa Bibliya. Sinabi niya: “Ito ang nakatulong sa akin sa napakahirap na panahong iyon.”
20. Kapag nai-stress tayo, paano natin maihahanda ang isip natin bago manalangin?
20 Baka mahirapan tayong magpokus sa pananalangin kapag nai-stress tayo. Kaya para maihanda ang isip natin, puwede tayong makinig ng mga audio recording ng Mga Awit. O kaya naman, puwede nating isulat ang mga nararamdaman natin, gaya ng ginawa ni Haring David. (Awit 18, 34, 142; mga superskripsiyon.) Wala namang listahan ng mga dapat gawin para maihanda ang sarili natin bago manalangin. (Awit 141:2) Puwede mong gawin kung ano ang sa tingin mong pinakamakakatulong sa iyo.
21. Bakit puwede nating ibuhos ang laman ng puso natin sa panalangin?
21 Talagang gumagaan ang loob natin dahil alam nating naiintindihan ni Jehova ang lahat ng nararamdaman natin kahit hindi pa natin iyon nasasabi sa kaniya. (Awit 139:4) Pero gusto pa rin niyang marinig mula sa atin ang laman ng puso natin at ang pagtitiwala natin sa kaniya. Kaya huwag kang mag-alangang manalangin sa kaniya. Matuto mula sa mga panalanging nasa Bibliya. Manalangin nang buong puso. Sabihin sa kaniya ang mga nagpapasaya at nagpapalungkot sa iyo. Kaibigan mo si Jehova, kaya makakaasa ka na lagi siyang nandiyan para sa iyo!
AWIT BLG. 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”
a Tingnan ang “Ilan sa magagandang katangian ni Jehova” sa ilalim ng paksang “Jehova” na nasa publikasyong Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay.
b Kadalasan nang maiikli lang ang mga panalanging binibigkas sa harap ng kongregasyon.
c Nang manalangin si Hana, gumamit siya ng mga pananalitang gaya ng nasa mga isinulat ni Moises. Ipinapakita nito na pinag-isipan niyang mabuti ang Kasulatan. (Deut. 4:35; 8:18; 32:4, 39; 1 Sam. 2:2, 6, 7) Pagkalipas ng maraming taon, gumamit naman ang ina ni Jesus na si Maria ng mga pananalitang gaya ng sinabi ni Hana para purihin si Jehova.—Luc. 1:46-55.
d Halimbawa, ikumpara ang Jonas 2:3-9 sa Awit 69:1; 16:10; 30:3; 142:2, 3; 143:4, 5; 18:6 at 3:8. Nakalista ang mga talata ng Awit ayon sa pagkakasunod-sunod ng pagbanggit ni Jonas sa panalangin niya.