Dalawang Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala
NOONG Oktubre 5, 2024, nagkaroon ng isang napakagandang patalastas sa taunang miting: Inatasan sina Brother Jody Jedele at Jacob Rumph na maglingkod bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Pareho silang matagal nang tapat na naglilingkod kay Jehova.
Sina Jody at Damaris Jedele
Si Brother Jedele ay ipinanganak sa Missouri, U.S.A. Itinuro sa kaniya ng pamilya niya ang katotohanan. Nakatira sila malapit sa teritoryong bihirang gawin. Kaya marami silang nakilalang kapatid mula sa iba’t ibang lugar na tumutulong sa gawaing pangangaral. Hangang-hanga siya sa pag-ibig at pagkakaisa nila. Nagpabautismo siya noong Oktubre 15, 1983, habang teenager pa lang siya. Gustong-gusto niyang mangaral. Kaya noong Setyembre 1989, nag-regular pioneer siya noong naka-graduate na siya ng high school.
May kapatid na babae si Brother Jedele. At bata pa lang sila, ipinapasyal na sila ng mga magulang nila sa Bethel. Dahil diyan, naging goal nilang magkapatid na maging Bethelite, at pareho nilang naabot iyan. Nagsimulang maglingkod si Brother Jedele sa Wallkill Bethel noong Setyembre 1990 sa Cleaning Department. Pagkatapos, naatasan siya sa Medical Services.
Noong mga panahong iyon, may mga Spanish congregation malapit sa Wallkill Bethel na nangangailangan ng mga brother. Kaya umugnay si Brother Jedele sa isa sa mga kongregasyong iyon at nag-aral ng Spanish. Di-nagtagal, nakilala niya si Damaris, isang payunir na sister sa sirkito ring iyon. Nagpakasal sila, at naglingkod silang mag-asawa sa Bethel.
Noong 2005, kinailangan nilang umalis ng Bethel para alagaan ang mga magulang nila. Pero naglingkod pa rin sila bilang mga regular pioneer. Naging instructor ng Pioneer Service School si Brother Jedele. Naging miyembro din siya ng Hospital Liaison Committee sa lugar nila. Naglingkod din siya sa Regional Building Committee.
Noong 2013, tinawagan sina Brother at Sister Jedele na bumalik sa Bethel para tumulong sa construction project sa Warwick. Mula noon, nakapaglingkod din sila sa Patterson at Wallkill. Naatasan si Brother Jedele sa Local Design/Construction Department at Hospital Information Services. At noong Marso 2023, naatasan siyang maglingkod bilang katulong ng Service Committee. Ito ang sinabi ni Brother Jedele tungkol sa mga naging atas niya: “Minsan, kapag may bago kang atas, talagang kakabahan ka. Pero sa mga panahong iyon, dapat kang umasa kay Jehova kasi siya ang tutulong sa iyo para magawa mo ang atas mo.”
Sina Jacob at Inga Rumph
Si Brother Rumph ay ipinanganak sa California, U.S.A. Noong bata pa siya, inactive ang nanay niya. Pero sinikap nitong ituro sa kaniya ang mga katotohanan sa Bibliya. Taon-taon din silang bumibisita sa lola niyang Saksi. Tinulungan siya ng lola niya na maging interesado sa katotohanan. Kaya nagpa-Bible study siya noong 13 years old siya. Noong Setyembre 27, 1992, nagpabautismo na siya. Teenager pa lang siya noon. Noong mga panahong iyon, naging aktibong mamamahayag ulit ang nanay niya. Sumulong din ang tatay niya at mga kapatid niya, at nagpabautismo sila.
Kitang-kita ni Brother Rumph kung gaano kasaya ang mga payunir. Kaya noong Setyembre 1995, nagpayunir siya noong naka-graduate na siya ng high school. Noong 2000, naglingkod siya bilang need-greater sa Ecuador. Nakilala niya doon si Inga, isang sister na payunir mula sa Canada. Nagpakasal sila. Una silang naglingkod sa isang bayan sa Ecuador kasama ng isang maliit na grupo ng mga kapatid. May masulong nang kongregasyon doon ngayon.
Naatasan din bilang mga special pioneer sina Brother at Sister Rumph. Nakapaglingkod din sila sa gawaing pansirkito. Noong 2011, nag-aral sila sa ika-132 klase ng Gilead. Pagkatapos, nakapaglingkod sila sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Naranasan nilang maging Bethelite, misyonero, at tagapangasiwa ng sirkito. Nagkapribilehiyo rin si Brother Rumph na maging instructor ng School for Kingdom Evangelizers.
Dahil sa COVID-19 pandemic, bumalik sina Brother at Sister Rumph sa United States. Tinawagan sila sa Wallkill Bethel, kung saan nakatanggap ng training si Brother Rumph sa Service Department. Di-nagtagal, naatasan ulit silang maglingkod sa sangay sa Ecuador, at naging miyembro ng Komite ng Sangay doon si Brother Rumph. Noong 2023, naatasan sila sa Warwick. At noong Enero 2024, naatasan si Brother Rumph na maglingkod bilang katulong ng Service Committee. Ganito naman ang sinabi ni Brother Rumph tungkol sa mga naging atas niya: “Nagiging espesyal ang isang atas, hindi dahil sa lugar kung saan tayo naatasan, kundi dahil sa mga taong nakakasama natin sa atas na iyon.”
Talagang pinapasalamatan natin ang lahat ng ginagawa ng mga kapatid nating ito, at ‘lagi nating pinapahalagahan ang gayong mga tao.’—Fil. 2:29.