ARALING ARTIKULO 46
AWIT BLG. 17 “Handang Tumulong”
Si Jesus ang Ating Maunawaing Mataas na Saserdote
“Nauunawaan ng ating mataas na saserdote ang mga kahinaan natin.”—HEB. 4:15.
MATUTUTUHAN
Kung bakit si Jesus ang pinakakuwalipikadong maging Mataas na Saserdote at kung paano tayo nakikinabang ngayon sa paglilingkod niya bilang saserdote.
1-2. (a) Bakit isinugo ni Jehova ang Anak niya sa lupa? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Hebreo 5:7-9)
MGA 2,000 taon na ang nakakaraan, isinugo ng Diyos na Jehova ang minamahal niyang Anak dito sa lupa. Bakit? Isa sa mga dahilan ay para tubusin ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan at ayusin ang mga problemang ginawa ni Satanas. (Juan 3:16; 1 Juan 3:8) Alam din ni Jehova na kapag naranasan ni Jesus na maging tao, magiging mas handa siyang maglingkod bilang maunawain at maawaing Mataas na Saserdote. Nagsimula siyang maging Mataas na Saserdote noong 29 C.E. pagkatapos niyang mabautismuhan.a
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga naranasan ni Jesus sa lupa na nakatulong sa kaniya para maging mas kuwalipikado bilang maunawaing Mataas na Saserdote. Mahalagang makita na talagang ‘naging perpekto’ si Jesus sa atas na ito dahil makakatulong ito para hindi tayo magdalawang-isip na lumapit kay Jehova at manalangin sa kaniya, lalo na kapag nasisiraan tayo ng loob dahil sa mga kahinaan natin.—Basahin ang Hebreo 5:7-9.
DUMATING SA LUPA ANG MINAMAHAL NA ANAK NG DIYOS
3-4. Anong malalaking pagbabago ang naranasan ni Jesus noong dumating siya sa lupa?
3 Marami sa atin ang nakaranas na ng mga pagbabago sa buhay. Baka may ilan sa atin na lumipat ng bahay at napalayo sa mga kapamilya natin at kaibigan. Mahirap ang ganitong mga pagbabago. Pero walang maikukumpara sa mga pagbabagong nangyari kay Jesus. Sa langit, siya ang pinakamataas sa lahat ng espiritung anak ni Jehova. Mahal na mahal siya ng Diyos, at araw-araw, masaya siyang gumagawang kasama ng Ama niya. (Awit 16:11; Kaw. 8:30) Pero gaya ng sinabi sa Filipos 2:7, “iniwan niya ang lahat” ng ito para mabuhay kasama ng di-perpektong mga tao sa lupa.
4 Pag-isipan din ang mga naranasan ni Jesus mula nang ipanganak siya. Mahirap lang ang pamilya niya, gaya ng ipinapakita ng inihandog nila nang ipanganak siya. (Lev. 12:8; Luc. 2:24) Nang mabalitaan ng masamang haring si Herodes ang kapanganakan ni Jesus, sinubukan niya itong ipapatay. Para makatakas kay Herodes, naging mga dayuhan sa Ehipto ang pamilya nila. (Mat. 2:13, 15) Napakalaking pagbabago nga mula sa buhay niya sa langit!
5. Ano ang mga nakita ni Jesus sa lupa, at paano siya naihanda ng mga naranasan niya sa lupa para sa atas niya bilang Mataas na Saserdote? (Tingnan din ang larawan.)
5 Noong nasa lupa si Jesus, iba’t ibang pagdurusa ang nakita niya. Siguradong naranasan niya rin ang sakit na mamatayan ng mga mahal sa buhay, posibleng kasama na ang ama-amahan niyang si Jose. Noong ministeryo niya sa lupa, nakasalamuha niya ang mga ketongin, bulag, paralitiko, at mga magulang na namatayan ng anak, at talagang naawa siya sa kanila. (Mat. 9:2, 6; 15:30; 20:34; Mar. 1:40, 41; Luc. 7:13) Totoo, nakikita niya rin ang mga pagdurusa mula sa langit. Pero mas naramdaman niya ang paghihirap ng mga tao nang siya mismo ay maging tao sa lupa. (Isa. 53:4) Mas naintindihan na niya ang nararamdaman ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon at kung gaano kasakit ang mga nararanasan nila dahil siya mismo, nakaranas na mapagod, mag-alala, at magdalamhati.
Talagang naiintindihan ni Jesus ang nararamdaman at pinagdadaanan ng mga tao (Tingnan ang parapo 5)
NAGPAKITA SI JESUS NG EMPATIYA SA MGA TAO
6. Ano ang itinuturo ng ilustrasyon ni Isaias tungkol sa pag-ibig at awa ni Jesus sa mga tao? (Isaias 42:3)
6 Sa buong ministeryo ni Jesus, nagpakita siya ng empatiya sa mahihina at mga minamaliit. Katuparan iyan ng hula. Sa Hebreong Kasulatan, madalas na inihahalintulad sa magagandang hardin at malalaking puno ang mga taong mayayaman at malalakas. (Awit 92:12; Isa. 61:3; Jer. 31:12) Pero ang mahihirap at mga inaapi ay ikinukumpara naman sa baling tambo at aandap-andap na mitsa, na parehong halos wala nang pakinabang. (Basahin ang Isaias 42:3; Mat. 12:20) Ipinasulat ni Jehova kay propeta Isaias ang hulang ito na nagpapakita ng pag-ibig at awa ni Jesus sa karaniwang mga tao na itinuturing na walang halaga.
7-8. Paano tinupad ni Jesus ang hula ni Isaias?
7 Ipinakita ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo na si Jesus ang tinutukoy ng hula ni Isaias na nagsasabi: “Hindi niya babaliin ang lamog na tambo, at hindi niya papatayin ang aandap-andap na mitsa.” Maraming himalang ginawa si Jesus para sa mga taong binabale-wala ng iba, gaya ng baling tambo, o sa mga taong nawawalan na ng pag-asa, gaya ng aandap-andap na mitsa. Kasama diyan ang isang lalaking punô ng ketong. Baka pakiramdam niya, habambuhay na siyang magiging ketongin at hindi na niya makakasama ang pamilya at mga kaibigan niya. (Luc. 5:12, 13) Nandiyan din ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Isipin na lang ang nararamdaman niya kapag nakikita niyang masayang nagkukuwentuhan ang iba pero wala siyang marinig. (Mar. 7:32, 33) At hindi lang iyan.
8 Noong panahon ni Jesus, maraming Judio ang naniniwala na parusa sa mga kasalanan nila o ng mga magulang nila ang mga sakit at kapansanan. (Juan 9:2) Dahil sa paniniwalang iyan, hinahamak sila ng iba, at lalo pa iyang nagpahirap sa kanila. Tinupad ni Jesus ang hula ni Isaias. Pinagaling niya sila at binigyan ng pag-asa. Ano ang itinuturo niyan tungkol sa nararamdaman ni Jesus para sa atin?
9. Paano idiniin ng Hebreo 4:15, 16 na talagang nauunawaan ng Mataas na Saserdote natin sa langit ang di-perpektong mga tao?
9 Basahin ang Hebreo 4:15, 16. Makakasigurado tayong nauunawaan din tayo ni Jesus. Sa wikang Griego, ang ekspresyong isinaling “nauunawaan” ay nangangahulugang maramdaman ang kalungkutan at paghihirap ng iba. (Tingnan din ang Hebreo 10:34, kung saan ginamit din ni Pablo ang ekspresyong Griego.) Makikita sa mga himala ni Jesus na talagang naapektuhan siya ng paghihirap ng iba. Awang-awa siya sa kanila. Hindi niya sila pinagaling dahil kailangan niyang gawin iyon, kundi dahil talagang nagmamalasakit siya sa kanila at gusto niya silang tulungan. Halimbawa, nang pagalingin niya ang ketongin, puwede namang hindi na siya lumapit dito, pero dahil sa awa, hinawakan niya pa ang ketongin. Posibleng sa napakahabang panahon, ito ang unang pagkakataon na muling nakaramdam ng haplos ang ketongin. Gayundin, nang pagalingin niya ang lalaking bingi, inilayo niya muna ito sa ingay ng mga tao. At nang hamakin ng isang Pariseo ang nagsisising babae na binasa ng luha ang mga paa ni Jesus at pinunasan ito ng buhok niya, ipinagtanggol siya ni Jesus. (Mat. 8:3; Mar. 7:33; Luc. 7:44) Hindi iniwasan ni Jesus ang mga may sakit o kapansanan at ang mga nakagawa ng malulubhang pagkakasala. Sa halip, tinanggap niya sila at tiniyak na mahal niya sila. Makakaasa tayo na magiging ganiyan din siya sa atin.
KUNG PAANO NATIN TINUTULARAN ANG ATING MATAAS NA SASERDOTE
10. Ano ang mga magagamit natin sa ngayon para tulungan ang mga bingi at bulag? (Tingnan din ang mga larawan.)
10 Bilang tapat na mga tagasunod ni Jesus, tinutularan natin ang pag-ibig, empatiya, at awa niya. (1 Ped. 2:21; 3:8) Hindi natin kayang pagalingin ang mga bingi at bulag, pero matutulungan natin sila sa espirituwal. Halimbawa, isinasalin natin ang mga publikasyon nating batay sa Bibliya sa mahigit 100 sign language. At para sa mga may diperensiya sa paningin, may mga publikasyon sa braille sa mahigit 60 wika at audio description naman para sa mga video natin sa mahigit 100 wika. Nakakatulong ang mga ito sa mga bingi at bulag para mapalapít sila kay Jehova at sa Anak niya.
Available sa mahigit 1,000 wika ang mga publikasyon nating batay sa Bibliya
Kaliwa: Mahigit 100 sign language
Kanan: Mahigit 60 wika sa braille
(Tingnan ang parapo 10)
11. Paano tinutularan ng organisasyon ni Jehova ang malasakit ni Jesus sa lahat ng uri ng tao? (Gawa 2:5-7, 33) (Tingnan din ang mga larawan.)
11 Sinisikap ng organisasyon ni Jehova na tulungan ang lahat ng uri ng tao. Tandaan na noong buhaying muli si Jesus, ibinuhos niya ang banal na espiritu para marinig ng bawat isa na nagpunta sa kapistahan ng Pentecostes ang mabuting balita sa ‘sarili niyang wika.’ (Basahin ang Gawa 2:5-7, 33.) Sa patnubay ni Jesus, naglaan din ang organisasyon ng mga publikasyong batay sa Bibliya sa mahigit 1,000 wika, kasama na ang mga wikang kakaunti lang ang gumagamit. Halimbawa, may mga wikang Amerindian na iilang tao lang ang gumagamit sa North at South America. Pero isinalin ang mga publikasyon natin sa mahigit 160 sa mga wikang iyon para makarating ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t posible. Makukuha rin ang mga publikasyon natin sa mahigit 20 wikang Romany. Libo-libo sa mga gumagamit ng mga wikang ito ang tumanggap ng katotohanan.
Kaliwa: Mahigit 160 wikang Amerindian
Kanan: Mahigit 20 wikang Romany
(Tingnan ang parapo 11)
12. Ano pa ang ginagawa ng organisasyon ni Jehova para tumulong sa mga tao?
12 Bukod sa pagpapalaganap ng mabuting balita, naglalaan din ng tulong ang organisasyon ni Jehova sa mga biktima ng likas na sakuna. Libo-libo ang nagboboluntaryo para tulungan ang mga kapatid na nangangailangan. Nagtatayo rin ang organisasyon ng simpleng mga lugar ng pagsamba kung saan puwedeng magtipon ang mga tao para matuto nang higit tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa kanila.
MATUTULUNGAN KA NG ATING MATAAS NA SASERDOTE
13. Paano tayo tinutulungan ni Jesus?
13 Bilang ating mabuting pastol, binibigyang-pansin ni Jesus ang espirituwal na pangangailangan ng bawat isa sa atin. (Juan 10:14; Efe. 4:7) Kung minsan, baka pakiramdam natin, gaya tayo ng aandap-andap na mitsa o lamog na tambo. Baka sobra tayong nasisiraan ng loob dahil sa malubhang pagkakasakit, nagawa nating pagkakamali, o nasirang kaugnayan sa kapatid natin. Baka masyado tayong mapokus sa problema at mawala na sa isip natin ang pag-asa natin. Pero tandaan, nakikita ni Jesus ang pinagdadaanan mo at naiintindihan niya ang nararamdaman mo. At dahil nagmamalasakit siya, tutulungan ka niya. Puwede niyang gamitin ang banal na espiritu para palakasin ka. (Juan 16:7; Tito 3:6) Ginagamit niya rin ang mga ‘regalo niyang tao’ at iba pang mga kapatid para patibayin, suportahan, at tulungan ka.—Efe. 4:8.
14. Ano ang puwede nating gawin kapag nasisiraan tayo ng loob?
14 Kung nasisiraan tayo ng loob, pag-isipan ang papel ni Jesus bilang ating Mataas na Saserdote. Tandaan na isinugo siya ni Jehova sa lupa hindi lang para maging pantubos kundi para mas maintindihan niya ang mga problema ng di-perpektong mga tao. Kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa mga kasalanan natin o kahinaan, laging nandiyan si Jesus para tulungan tayo “sa tamang panahon.”—Heb. 4:15, 16.
15. Maglahad ng karanasang nagpapakita na puwedeng maakay pabalik sa kongregasyon ang mga nawawalang tupa ni Jehova.
15 Ginagabayan din ni Jesus ang mga tagasunod niya sa pagsisikap nilang hanapin at akayin pabalik sa kawan ang mga nawawalang tupa ni Jehova. (Mat. 18:12, 13) Tingnan ang karanasan ni Stefano.b Inalis siya sa kongregasyon, at makalipas ang 12 taon, nagpasiya siyang dumalo ulit sa pulong. “Nakakailang noong una, pero gusto ko talagang makabalik sa mapagmahal na pamilya ni Jehova,” ang sabi niya. “Ipinaramdam sa akin ng mga elder na kumausap sa akin na masaya silang makasama akong muli. Minsan, nasisiraan pa rin ako ng loob at gusto kong sumuko. Pero ipinapaalala sa akin ng mga elder na gusto ni Jehova at ni Jesus na magpatuloy ako. Nang makabalik na ako, mainit na tinanggap ng kongregasyon ang pamilya namin. Nagpa-Bible study rin ang asawa ko, at ngayon, magkasama na kaming naglilingkod kay Jehova.” Siguradong napakasaya ng ating mapagmahal na Mataas na Saserdote na makitang tinutulungan ng buong kongregasyon ang mga nagsisisi na makabalik muli!
16. Bakit ipinagpapasalamat natin na mayroon tayong maunawaing Mataas na Saserdote?
16 Noong nasa lupa si Jesus, napakarami niyang tinulungan na nangangailangan. Kaya makakapagtiwala tayo na tutulungan niya rin tayo kapag kailangan natin. At sa paparating na bagong sanlibutan, tutulungan niya ang masunuring mga tao na lubusang makalaya mula sa mga epekto ng kasalanan at pagiging di-perpekto. Talagang nagpapasalamat tayo sa ating mapagmahal at maawaing Diyos na si Jehova dahil pinili niya ang kaniyang Anak para maging ang ating maunawaing Mataas na Saserdote!
AWIT BLG. 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
a Para sa paliwanag kung paano pinalitan ng Mataas na Saserdoteng si Jesus ang matataas na saserdote ng mga Judio, tingnan ang artikulong “Pahalagahan ang Pribilehiyo na Sambahin si Jehova sa Espirituwal na Templo Niya” sa Oktubre 2023 isyu ng Bantayan, p. 26, par. 7-9.
b Binago ang pangalan.