ARALING ARTIKULO 47
AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya
“Isa Kang Taong Talagang Kalugod-lugod”!
“Isa kang taong talagang kalugod-lugod.”—DAN. 9:23.
MATUTUTUHAN
Kung paano makakatiyak ang mga mababa ang tingin sa sarili na talagang mahalaga sila kay Jehova.
1-2. Paano natin matitiyak na mahalaga tayo kay Jehova?
MAY ilang lingkod si Jehova na napakababa ng tingin sa sarili, posibleng dahil ganiyan ang ipinaramdam sa kanila ng iba. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, paano mo matitiyak na mahalaga ka kay Jehova?
2 Makakatulong sa iyo kung pag-aaralan mo ang mga ulat sa Bibliya na nagpapakitang mahalaga kay Jehova ang mga tao. Pinakitunguhan ng Anak niyang si Jesus ang mga tao nang may dignidad at paggalang. Ipinapakita niyan na talagang pinapahalagahan niya at ng Ama niya ang mga mapagpakumbaba na mababa ang tingin sa sarili. (Juan 5:19; Heb. 1:3) Sa artikulong ito, tatalakayin natin (1) kung paano tinulungan ni Jesus ang mga tao na maramdamang mahalaga sila at (2) kung paano natin makukumbinsi ang sarili natin na mahalaga tayo kay Jehova.—Hag. 2:7.
KUNG PAANO TINULUNGAN NI JESUS ANG MGA TAO NA MARAMDAMANG MAHALAGA SILA
3. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga taga-Galilea na nanghihingi sa kaniya ng tulong?
3 Noong nangangaral si Jesus sa Galilea, dinumog siya ng mga tao sa lahat ng lugar para makinig sa kaniya at mapagaling sa mga sakit nila. Para kay Jesus, gaya sila ng ‘mga tupang walang pastol na sugatán at napabayaan.’ (Mat. 9:36; tingnan ang mga study note.) Wala kasing silbi ang turing sa kanila ng mga lider ng relihiyon, at tinawag pa nga sila ng mga ito na “mga isinumpa.” (Juan 7:47-49; study note) Pero pinahalagahan sila ni Jesus. Naglaan siya ng panahon para turuan sila at pagalingin. (Mat. 9:35) At para mas marami pa ang matulungan, sinanay niya ang mga apostol niya sa pangangaral at binigyan sila ng awtoridad na magpagaling ng mga may sakit at kapansanan.—Mat. 10:5-8.
4. Ano ang natutuhan natin sa pakikitungo ni Jesus sa mapagpakumbabang mga tagapakinig niya?
4 Dahil naging mabait si Jesus sa mga tagapakinig niya at pinakitunguhan niya sila nang may dignidad, naipakita niyang mahalaga sa kaniya at sa Ama niya ang mga taong minamaliit sa lipunan. Kung naglilingkod ka kay Jehova pero nagdududa ka kung may halaga ka, isipin kung paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga mapagpakumbaba na gustong matuto sa kaniya. Makakatulong iyan para makita mo na talagang mahalaga ka kay Jehova.
5. Ilarawan ang kalagayan ng babaeng taga-Galilea na nakilala ni Jesus.
5 Hindi lang nagturo si Jesus sa malalaking grupo ng tao. Nagbigay rin siya ng atensiyon sa mga indibidwal. Halimbawa, noong nangangaral siya sa Galilea, may nakilala siyang isang babae na 12 taon nang dinudugo. (Mar. 5:25) Ayon sa Kautusan, marumi siya dahil sa sakit niya at magiging marumi rin ang sinumang hahawak sa kaniya. Kaya siguradong madalas, nag-iisa lang siya. Hindi rin siya puwedeng makasama sa mga selebrasyon at kapistahan na para sa pagsamba kay Jehova. (Lev. 15:19, 25) Kaya bukod sa may malala siyang sakit, malamang na nararamdaman niya ring walang nagmamahal sa kaniya.—Mar. 5:26.
6. Ano ang ginawa ng babaeng dinudugo para mapagaling siya?
6 Gusto ng babaeng ito na gumaling. Pero hindi siya direktang lumapit kay Jesus. Bakit? Posibleng dahil nahihiya siya sa kalagayan niya o natatakot siyang mapagalitan ni Jesus dahil lumapit siya sa mga tao kahit marumi siya. Kaya hinawakan lang niya ang panlabas na kasuotan ni Jesus. Naniniwala kasi siyang sapat na iyon para gumaling siya. (Mar. 5:27, 28) Ginantimpalaan ang pananampalataya niya—gumaling siya! Pero nagtanong si Jesus kung sino ang humawak sa kaniya. Inamin ng babae ang ginawa niya. Ano ang naging reaksiyon ni Jesus?
7. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang kaawa-awang babae? (Marcos 5:34)
7 Naging mabait si Jesus sa babae. Napansin niya na “takot na takot [ito] at nanginginig.” (Mar. 5:33) Kaya mabait niya itong kinausap. Tinawag niya pa nga itong “anak”—isang termino na hindi lang nagbibigay-dangal sa babae kundi nagpapakita rin ng pag-ibig niya at malasakit dito. (Basahin ang Marcos 5:34.) Ganito ang sabi ng study note tungkol sa terminong Griego na ginamit dito na tumutukoy sa isang anak na babae: “Sa kaniya lang ginamit ni Jesus ang terminong ito, posibleng dahil maselan ang kalagayan niya at ‘nanginginig’ siya.” Isipin na lang kung paano nito napaginhawa ang babae! Totoo, gumaling nga siya, pero kung hindi siya mabait na kinausap ni Jesus, aalis siya nang nakokonsensiya sa ginawa niya. Tinulungan siya ni Jesus na makita kung ano talaga ang tingin sa kaniya ni Jehova—isang minamahal na anak.
8. Anong mga pagsubok ang napaharap sa isang sister sa Brazil?
8 May mga lingkod din ang Diyos sa ngayon na nakakaramdam na walang nagmamahal sa kanila dahil sa kapansanan nila—halimbawa, si Maria,a na isang regular pioneer sa Brazil. Ipinanganak siyang walang binti at kaliwang kamay. Sabi niya: “Lagi akong binu-bully sa school dahil sa kapansanan ko. Kung ano-ano ang ibinabansag nila sa akin. Kahit sarili kong pamilya, hinahamak ako.”
9. Ano ang nakatulong kay Maria na makitang mahalaga siya kay Jehova?
9 Ano ang nakatulong kay Maria? Nang maging Saksi ni Jehova siya, lagi siyang pinapatibay ng mga kapatid at tinulungan nila siyang makita kung ano ang tingin sa kaniya ni Jehova. Sinabi niya: “Kung isusulat ko ang lahat ng kapatid na tumulong sa akin, hindi ’yon magkakasya sa notebook ko! Talagang ipinagpapasalamat ko kay Jehova na binigyan niya ako ng mapagmahal na espirituwal na pamilya.” Tinulungan si Maria ng mga kapananampalataya niya na makitang mahalaga siya sa Diyos.
10. Anong mga problema ang naranasan ni Maria Magdalena, at ano ang naramdaman niya dahil dito? (Tingnan din ang mga larawan.)
10 Tingnan din kung paano tinulungan ni Jesus si Maria Magdalena. Sinasapian noon ang babaeng ito ng pitong demonyo! (Luc. 8:2) Dahil dito, posibleng kakaiba ang mga ikinikilos niya, kaya iniiwasan siya ng iba. Sa panahong iyon ng buhay niya, siguradong takot na takot siya at walang kalaban-laban at posibleng naramdaman niyang walang nagmamahal sa kaniya. Pinalayas ni Jesus ang mga demonyong sumasapi kay Maria, at naging tapat na alagad niya ito. Ano pa ang ginawa ni Jesus para makita ni Maria Magdalena na mahalaga siya sa Diyos?
Paano ipinakita ni Jesus kay Maria Magdalena na mahalaga siya kay Jehova? (Tingnan ang parapo 10-11)
11. Paano ipinakita ni Jesus kay Maria Magdalena na mahalaga siya sa Diyos? (Tingnan din ang mga larawan.)
11 Inanyayahan ni Jesus si Maria Magdalena na sumama sa mga paglalakbay niya para mangaral.b Dahil dito, nagkapribilehiyo siyang marinig palagi ang mga turo ni Jesus. At nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Maria. Isa si Maria sa mga pinakaunang alagad na kinausap ni Jesus nang araw na iyon. Siya pa nga ang inatasan ni Jesus para sabihin sa mga apostol na binuhay na siyang muli. Napakalaking katibayan ng lahat ng ito na talagang mahalaga siya kay Jehova!—Juan 20:11-18.
12. Bakit pakiramdam ni Lidia, walang magmamahal sa kaniya?
12 Gaya ni Maria Magdalena, marami sa ngayon ang nakakadama na walang nagmamahal sa kanila. Isa na diyan si Lidia, na isang sister sa Spain. Nalaman niyang gusto siyang ipalaglag ng nanay niya noong ipinagbubuntis siya nito. At noong bata siya, pinapabayaan siya ng nanay niya at pinagsasalitaan ng masakit. Sinabi niya: “Sabik na sabik akong makaramdam ng pagmamahal. Pero dahil naitanim sa akin ni Nanay na masama akong tao, pakiramdam ko, imposible nang may magmahal sa akin.”
13. Ano ang nakatulong kay Lidia na makitang mahal siya ni Jehova?
13 Nang malaman ni Lidia ang katotohanan, nakatulong sa kaniya ang pananalangin, pag-aaral ng Bibliya, at ang kabaitang ipinakita sa kaniya ng mga kapatid para makumbinsing mahal siya ni Jehova. Sinabi niya: “Laging sinasabi sa akin ng asawa ko na mahal niya ako. Lagi niya ring ipinapaalala sa akin ang magagandang katangian ko. At ganiyan din ang ginagawa sa akin ng mga kapatid.” May naiisip ka bang puwede mong tulungan para makita niyang mahalaga siya kay Jehova?
TULARAN ANG PANANAW NI JEHOVA SA ATIN
14. Paano makakatulong ang 1 Samuel 16:7 para matularan natin ang pananaw ni Jehova sa mga tao? (Tingnan din ang kahong “Bakit Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niya?”)
14 Tandaan na magkaiba ang pananaw ni Jehova at ng sanlibutan sa mga tao. (Basahin ang 1 Samuel 16:7.) Hindi nakabase si Jehova sa hitsura, estado sa buhay, o edukasyon. (Isa. 55:8, 9) Kaya imbes na sukatin ang halaga mo batay sa pamantayan ng mundo, gamitin mo ang pamantayan ni Jehova. Puwede mong basahin ang mga ulat sa Bibliya na nagpapakitang pinapahalagahan ni Jehova ang mga taong minsan ding nakadama na wala silang halaga, gaya nina Elias, Noemi, at Hana. Puwede mo ring isulat ang sarili mong mga karanasan na nagpapatunay na talagang mahal at pinapahalagahan ka ni Jehova. Isa pa, puwede mong basahin ang mga impormasyon sa mga publikasyon natin tungkol sa tamang pananaw sa sarili.c
15. Bakit “kalugod-lugod” si Daniel kay Jehova? (Daniel 9:23)
15 Tandaan na mahalaga ka kay Jehova dahil tapat ka. May panahong “hinang-hina” at nasisiraan ng loob ang propetang si Daniel, posibleng noong mahigit 90 anyos na siya. (Dan. 9:20, 21) Paano siya pinatibay ni Jehova? Isinugo niya si anghel Gabriel para ipaalala kay Daniel na siya ay “talagang kalugod-lugod” at na narinig ng Diyos ang mga panalangin niya. (Basahin ang Daniel 9:23.) Bakit siya naging kalugod-lugod sa Diyos? Dahil matuwid siya at tapat, bukod sa marami pa niyang ibang magagandang katangian. (Ezek. 14:14) Ipinasulat ni Jehova ang ulat na iyan sa Salita niya para palakasin tayo. (Roma 15:4) Pinapakinggan din ni Jehova ang mga panalangin mo at pinapahalagahan ka niya dahil matuwid ka at tapat sa kaniya.—Mik. 6:8, tlb.; Heb. 6:10.
16. Ano ang makakatulong sa iyo na makitang mapagmahal na Ama mo si Jehova?
16 Tandaan na si Jehova ay Ama mo na nagmamahal sa iyo. Hindi siya nakatingin sa mga pagkakamali mo. Ang totoo, gusto ka niyang tulungan. (Awit 130:3; Mat. 7:11; Luc. 12:6, 7) Lagi mong isipin iyan, kasi iyan ang nakatulong sa marami na mababa ang tingin noon sa sarili. Isa na diyan si Michelle, na sister mula sa Spain. Pakiramdam niya noon, wala siyang silbi dahil maraming taon siyang nakaranas ng berbal na pang-aabuso sa asawa niya. Sinabi niya: “Kapag nararamdaman ko ulit na wala akong silbi, ini-imagine ko na karga-karga ako ni Jehova. Dahil doon, nararamdaman kong ligtas ako at mahal niya ako.” (Awit 28:9) Ganito naman ang sinabi ni Lauren, isang sister sa South Africa: “Inakay ako ni Jehova gamit ang mga panali ng pag-ibig, tinutulungan niya akong manatiling malapít sa kaniya, at ginamit pa nga niya ako para turuan ang iba. Kapag iniisip ko ito, nakukumbinsi akong mahalaga ako kay Jehova.”—Os. 11:4.
17. Ano ang makakatulong sa iyo na maging kumbinsidong kinalulugdan ka ni Jehova? (Awit 5:12) (Tingnan din ang larawan.)
17 Maging kumbinsido na kinalulugdan ka ni Jehova. (Basahin ang Awit 5:12.) Ikinumpara ni David ang pagsang-ayon ni Jehova sa “isang malaking kalasag” na pumoprotekta sa mga matuwid. Kapag alam mong sinasang-ayunan at tinutulungan ka ni Jehova, napoprotektahan ka nito mula sa pag-iisip na wala kang halaga. Paano mo malalaman na kinalulugdan ka ni Jehova? Gaya ng nakita natin, ginagamit ni Jehova ang Salita niya para tiyakin sa iyo na mahal ka niya. Ginagamit niya rin ang mga elder, mga kapatid, at iba pa para ipaalala sa iyo na mahalaga ka sa kaniya. Ano ang dapat na maging reaksiyon mo kapag pinapatibay ka ng iba?
Kapag alam nating kinalulugdan tayo ni Jehova, naiiwasan nating isipin na wala tayong halaga (Tingnan ang parapo 17)
18. Bakit dapat mong tanggapin ang mga komendasyon sa iyo?
18 Kapag binibigyan ka ng komendasyon ng mga nakakakilala at nagmamahal sa iyo, huwag mong isiping hindi totoo iyon. Tandaan, posibleng ginagamit sila ni Jehova para ipaalam sa iyo na kinalulugdan ka niya. Sinabi ni Michelle, na nabanggit kanina: “Unti-unti, natutuhan ko ring tanggapin ang mabubuting bagay na sinasabi sa akin ng iba. Hindi iyon madali, pero alam ko na iyon ang gusto ni Jehova na gawin ko.” Malaki din ang naitulong kay Michelle ng pagsisikap ng mga elder. Isa na siya ngayong payunir at remote volunteer sa Bethel.
19. Bakit ka makakasigurado na mahalaga ka sa Diyos?
19 Ipinaalala sa atin ni Jesus na mahal na mahal tayo ng Ama natin sa langit. (Luc. 12:24) Kaya makakasigurado tayo na mahalaga tayo kay Jehova. Huwag sana nating kalimutan iyan! At gawin natin ang buong makakaya natin para tulungan ang iba na makitang mahalaga rin sila sa Diyos.
AWIT BLG. 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay
a Binago ang ilang pangalan.
b Isa si Maria Magdalena sa mga babaeng naglakbay kasama ni Jesus. Inilaan ng mga babaeng ito ang pangangailangan ni Jesus at ng mga apostol gamit ang sarili nilang pag-aari.—Mat. 27:55, 56; Luc. 8:1-3.
c Halimbawa, tingnan ang kabanata 24 ng aklat na Maging Malapít kay Jehova at basahin ang mga teksto at ulat sa Bibliya sa paksang “Pagdududa” sa aklat na Mga Teksto Para sa Kristiyanong Pamumuhay.