Panatilihin ang “Pagkakaisang Dulot ng Espiritu”
SINABI ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso na ‘maging mapagpasensiya sa isa’t isa dahil sa pag-ibig at pagsikapang mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.’—Efe. 4:2, 3.
Ayon sa teksto, ang pagkakaisa ng mga Kristiyano ay “dulot ng espiritu.” Ibig sabihin, nagkakaisa tayo dahil sa banal na espiritu ng Diyos. Pero sinabi ni Pablo na kailangang mapanatili ang pagkakaisang iyon. Sino ang gagawa niyan? Dapat pagsikapan ng bawat isa sa atin na “maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.”
Pag-isipan ang ilustrasyong ito. May nagregalo sa iyo ng bagong kotse. Sino ang may responsibilidad na panatilihing maganda ang kondisyon ng kotseng iyon? Siyempre, ikaw. Kapag nasira ang kotse dahil pinabayaan mo iyon, hindi mo puwedeng sisihin ang nagregalo sa iyo.
Ganiyan din pagdating sa pagkakaisa nating mga Kristiyano. Regalo iyan ng Diyos, at responsibilidad ng bawat isa sa atin na panatilihin iyan. Kaya kung hindi maganda ang kaugnayan natin sa isang kapatid, tanungin ang sarili, ‘Ginagawa ko ba ang makakaya ko para mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon?’
‘PAGSIKAPANG MAPANATILI’ ANG PAGKAKAISA
Gaya ng sinabi ni Pablo, kailangan nating pagsikapang mapanatili ang pagkakaisa natin. At mas kailangan nating gawin iyan kapag may kapatid na nakasakit sa atin. Pero ibig bang sabihin niyan, lahat ng kapatid na makakasakit sa atin, kakausapin na natin? Hindi naman. Tanungin ang sarili, ‘Kapag kinausap ko ba siya, maaayos ang problema o lalala lang ang sitwasyon?’ Minsan, baka mas magandang palampasin na lang iyon at patawarin siya.—Kaw. 19:11; Mar. 11:25.
Tanungin ang sarili, ‘Kapag kinausap ko ba siya, maaayos ang problema o lalala lang ang sitwasyon?’
Sinabi rin ni Pablo na dapat tayong ‘maging mapagpasensiya sa isa’t isa dahil sa pag-ibig.’ (Efe. 4:2) Ayon sa isang reperensiya, puwede rin itong mangahulugang “tanggapin kung sino sila.” Ibig sabihin, dapat nating tanggapin na gaya natin, nagkakamali at nagkakamali ang mga kapatid sa kongregasyon. Alam nating sinisikap ng bawat isa na “isuot ang bagong personalidad.” (Efe. 4:23, 24) Pero walang sinuman ang lubusang makakagawa niyan. (Roma 3:23) Kung tatandaan natin ang mga iyan, mas magiging mapagpasensiya tayo sa iba at mas mapapatawad natin sila. Tutulong iyan para mapanatili natin ang “pagkakaisang dulot ng espiritu.”
Mapapanatili natin ang kapayapaan kung papatawarin natin ang nakasakit sa atin at papalampasin na lang ang nagawa niya. Ang salitang Griego na ginamit sa Efeso 4:3 para sa “mapanatili ang kapayapaan” ay isinaling “litid” sa Colosas 2:19. Ang mga litid ay matitibay na tissue na nagdurugtong sa mga buto. Parang ganiyan ang kapayapaan sa loob ng kongregasyon. Tutulong ang kapayapaan at pag-ibig natin sa mga kapatid para manatili tayong malapít sa kanila kahit na may mga bagay na ayaw natin sa kanila.
Kaya ano ang puwede nating gawin kapag nainis, nairita, o nagalit tayo sa isang kapatid? Imbes na magpokus sa mga bagay na ayaw natin sa kaniya, sikapin nating intindihin siya at hanapin ang mabubuting bagay na mayroon siya. (Col. 3:12) Walang taong perpekto, kaya baka nasaktan mo na rin ang iba. Kung tatandaan natin iyan, makakatulong tayo sa pagpapanatili ng “pagkakaisang dulot ng espiritu.”