mustafahacalaki/DigitalVision Vectors via Getty Images
PATULOY NA MAGBANTAY!
Artificial Intelligence—Pagpapala o Sumpa?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Nito lang, nagkomento ang mga lider ng bansa, scientist, at technologist tungkol sa kakayahan ng artificial intelligence (AI). Inamin nila na nakakatulong ito, pero nag-aalala rin sila na puwede itong gamitin sa maling paraan.
“Ang AI ang isa sa teknolohiyang may pinakamalaking epekto sa ngayon dahil kaya nitong pagandahin ang buhay ng tao . . . Pero dahil sa AI, posible rin na madagdagan ang mga banta sa kaligtasan at seguridad, mawala ang mga karapatang pantao at privacy, pati na ang tiwala ng publiko sa demokratikong paraan ng pamamahala.”—Kamala Harris, vice president ng United States, Mayo 4, 2023.
“Kahit parang makakatulong ang artificial intelligence (AI) sa pangangalaga sa kalusugan, posible rin itong makasama sa pisikal at emosyonal na kalusugan ng tao,” ang isinulat ng isang internasyonal na grupo ng mga doktor at health-care expert na pinangungunahan ni Dr. Frederik Federspiel, sa isang artikulo sa BMJ Global Healtha noong Mayo 9, 2023.
“Ginagamit na ang AI para magbigay ng maling impormasyon. At sa hinaharap, posible ring mawalan ng trabaho ang mga tao dahil dito. Nag-aalala ang ilang technologist na darating ang panahon, ipapahamak ng AI ang mga tao.”—The New York Times, Mayo 1, 2023.
Hindi pa natin alam sa ngayon kung makakabuti ba o makakasama sa hinaharap ang AI. Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Kung bakit hindi siguradong makakabuti ang mga gawa ng tao
Sinasabi ng Bibliya kung bakit hindi masisigurado ng mga tao na gagamitin lang sa mabuti ang teknolohiyang ginagawa nila.
1. Kahit maganda ang intensiyon ng mga tao, hindi nila laging malalaman ang negatibong mga epekto ng mga ginagawa nila.
“May daan na matuwid sa tingin ng isang tao, pero kamatayan ang dulo nito.”—Kawikaan 14:12.
2. Hindi makokontrol ng isang tao kung paano gagamitin ng iba ang mga ginawa niya.
“Maiiwan ko lang din [ang mga ginawa ko] sa kasunod ko. At sino ang nakaaalam kung magiging marunong siya o mangmang? Pero siya ang mamamahala sa lahat ng bagay na pinagbuhusan ko ng lakas at karunungan sa ilalim ng araw.”—Eclesiastes 2:18, 19.
Ipinapakita ng mga ito kung bakit napakahalagang magpagabay sa ating Maylalang.
Kung kanino tayo makakapagtiwala
Nangangako ang ating Maylalang na hindi niya hahayaan ang mga tao o anumang teknolohiyang gawa ng tao na sirain ang lupa.
“Ang lupa ay mananatili magpakailanman.”—Eclesiastes 1:4.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at titira sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
Mababasa sa Bibliya ang mga payo sa atin ng Maylalang para mabuhay tayo sa hinaharap nang payapa at walang kinakatakutan. Para malaman ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito, basahin ang mga artikulong “Paano Tayo Magkakaroon ng Magandang Kinabukasan?” at “Makakaasa Ka sa Isang Magandang Kinabukasan.”
a Mula sa artikulong “Threats by Artificial Intelligence to Human Health and Human Existence,” na isinulat nina Frederik Federspiel, Ruth Mitchell, Asha Asokan, Carlos Umana, at David McCoy.