Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mrt artikulo 111
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Digmaang Nuklear?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Digmaang Nuklear?
  • Iba Pang Paksa
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inihula ba sa Bibliya ang pagkakaroon ng digmaang nuklear?
  • Pahihintulutan ba ng Diyos na magkaroon ng digmaang nuklear?
  • Masisira ba ang planetang Lupa?
  • Ano ang puwede mong gawin para hindi ka masyadong mag-aalala sa digmaang nuklear?
  • Inihula ba sa Bibliya na isang digmaang nuklear ang Armagedon?
  • Ano ang sinasabi ng Bibliya na solusyon sa digmaan?
  • Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?
    Gumising!—2004
  • Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
    Gumising!—1999
  • Tapos Na ba ang Bantang Nuklear?
    Gumising!—1999
  • Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Iba Pang Paksa
mrt artikulo 111
Makikita mula sa kalawakan ang hugis-kabute at maapoy na ulap na resulta ng pagsabog ng sandatang nuklear sa lupa.

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Digmaang Nuklear?

Napapaharap ang mundo ngayon sa banta ng digmaang nuklear. Patuloy kasing dumarami ang mga sandatang nuklear ng makapangyarihang mga bansa. Natural lang na mag-alala ang mga tao. Habang dumarami kasi ang sandatang nuklear, mas nagiging posible na magkaroon ng digmaang nuklear. Natatakot pa nga ang mga tao na kapag gumamit ng kahit maliit lang na bombang nuklear ang isang bansa, posible itong mauwi sa isang digmaang nuklear na sisira sa mundo. Nabubuhay na tayo sa panahong “laging may banta ng digmaang nuklear,” ayon sa obserbasyon ng Bulletin of the Atomic Scientists.

Posible ba talagang magkaroon ng digmaang nuklear? Kung oo, masisira ba ang planeta natin? Ano ang puwede nating gawin para hindi tayo masyadong mag-aalala sa banta ng digmaang nuklear? Ano ang sinasabi ng Bibliya?

Sa artikulong ito

  • Inihula ba sa Bibliya ang pagkakaroon ng digmaang nuklear?

  • Pahihintulutan ba ng Diyos na magkaroon ng digmaang nuklear?

  • Masisira ba ang planetang Lupa?

  • Ano ang puwede mong gawin para hindi ka masyadong mag-aalala sa digmaang nuklear?

  • Inihula ba sa Bibliya na isang digmaang nuklear ang Armagedon?

  • Ano ang sinasabi ng Bibliya na solusyon sa digmaan?

  • Digmaang nuklear ba ang tinutukoy sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis?

Inihula ba sa Bibliya ang pagkakaroon ng digmaang nuklear?

Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa digmaang nuklear. Pero posibleng magkaroon nito dahil sa mga ugali ng mga tao at pangyayaring nakahula sa Bibliya.

Ikumpara natin ang sumusunod na mga teksto sa Bibliya sa mga pangyayari sa mundo ngayon:

Teksto sa Bibliya: Itinanong ng mga tagasunod ni Jesus: “Ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?” Sumagot si Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.”—Mateo 24:3, 7.

Pangyayari sa mundo: Dumarami ang mga bansa na gustong makipagdigma, kasama na ang mga bansang may mga sandatang nuklear.

“Naging mas marahas ang mundo sa nakalipas na mga taon: dumami ang bilang ng magkakalabang bansa.”—The Armed Conflict Location & Event Data Project.

Teksto sa Bibliya: “Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan sa [hari ng hilaga] ang hari ng timog.”—Daniel 11:40.

Pangyayari sa mundo: Nagtutulakan, o nakikipagkompetensiya, para sa kapangyarihan ang magkakalabang bansa at ang mga kaalyado nila, gaya ng inihula sa Bibliya. Sa ngayon, hindi naman direktang naglalabanan ang mga bansa gamit ang mga sandatang nuklear. Pero patuloy silang gumagawa ng mga ito at mas pinapalakas pa ang mga ito.

“Sa nakalipas na sampung taon, dumami ang bilang ng mga bansang naglalabanan. Kasama dito ang labanan ng mga bansa na may kani-kaniyang suporta mula sa makapangyarihang mga bansa.”—The Uppsala Conflict Data Program.

Teksto sa Bibliya: “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay . . . ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, at mabangis.”—2 Timoteo 3:1-3.

Pangyayari sa mundo: Gaya ng maraming tao ngayon, madalas na hindi magkasundo ang mga lider ng mga bansa. Imbes na mapayapang ayusin ang di-pagkakasundo, mas gusto nilang gumamit ng pagbabanta o dahas. Kaya mas lumalaki ang posibilidad na magkaroon ng digmaang nuklear.

“Hangga’t walang pagtutulungan, mas darami at titindi ang mga di-pagkakasundo.”—S. Saran at J. Harman, World Economic Forum.

Pahihintulutan ba ng Diyos na magkaroon ng digmaang nuklear?

Walang sinasabi ang Bibliya. Pero may binabanggit dito na sa panahon natin, may makikita tayong “nakakatakot na mga bagay,” o nakakakilabot na mga pangyayari. (Lucas 21:11) Isang halimbawa niyan ay nang gumamit ng atomic bomb noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ipinapaliwanag sa Bibliya kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang mga digmaan. Para matuto pa nang higit, panoorin ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Masisira ba ang planetang Lupa?

Hindi. Kahit gumamit pa ng sandatang nuklear ang mga tao, hindi pahihintulutan ng Diyos na tuluyang masira ito hanggang sa mawasak ang buong lupa. Sinasabi ng Bibliya na mananatili ang planeta natin at na titirhan ito ng mga tao magpakailanman.

“Ang lupa ay mananatili magpakailanman.”—Eclesiastes 1:4.

“Diyos, ang gumawa sa lupa, . . . na hindi lumalang nito nang walang dahilan, kundi lumikha nito para tirhan.”—Isaias 45:18.

Naiisip ng ilan ang mangyayari sa hinaharap. Masisira ang lupa dahil sa digmaang nuklear, at iilang tao na lang ang buháy doon at hirap na hirap sila. Pero sinasabi ng Bibliya na maaayos ang anumang epekto ng digmaan sa lupa.

“Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.

Mga taong masayang nagtutulungan sa paraisong lupa.

Gusto ng Diyos na mabuhay tayo nang masaya sa isang magandang lupa

Kahanga-hanga ang pagkakadisenyo ng Maylalang sa lupa. May kakayahan itong maka-recover mula sa anumang pinsala. Gagamitin din ng Diyos ang kapangyarihan niya para ayusin ang lupa. Magiging tirahan ito ng mga tao magpakailanman.—Awit 37:11, 29; Apocalipsis 21:5.

Ano ang puwede mong gawin para hindi ka masyadong mag-aalala sa digmaang nuklear?

May ilan na nakakaranas ng “nuclear anxiety.” Ito ay ang sobrang pag-aalala sa banta ng digmaang nuklear at sa mga resulta nito. Pero makakatulong ang mga pangako at payo ng Bibliya sa mga taong nakakaranas nito para makayanan at mabawasan ang pag-aalala nila. Paano?

May sinasabing magandang kinabukasan ang Bibliya para sa lupa at sa mga nakatira dito. Kapag nalaman natin ang tungkol sa pag-asang ito, magsisilbi itong “angkla ng buhay natin,” na makakabawas sa pag-aalala natin. (Hebreo 6:19) Makakatulong din kung iiwasan nating isipin ang mga bagay na hindi pa naman nangyayari. Gaya ng sinabi ni Jesus, “sapat na ang mga problema sa bawat araw.”—Mateo 6:34.

Napakahalagang alagaan ang kalusugan natin para makapag-isip tayo nang malinaw at manatiling kalmado. Kaya kapag may usapan, talakayan, o palitan ng opinyon sa mga kaganapan tungkol sa nuklear, iiwasan nating makinig sa mga iyon. Puwede rin nating bawasan ang panonood o pagbabasa ng tungkol sa paksang ito. Hindi naman ibig sabihin nito na wala na tayong pakialam sa totoong nangyayari. Ginagawa lang natin ang buong makakaya natin para hindi tayo masyadong mag-alala sa mga pangyayaring hindi naman natin kontrolado o baka hindi naman mangyayari.

“Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.”—Kawikaan 12:25.

Kung magpopokus ka sa positibong mga bagay sa buhay mo, maaalis sa isip mo ang masasamang balita.

“Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan.”—Roma 15:13.

Collage: Lalaki na nakatingin sa malayo at may kumpiyansa. 1. Sa likod niya ay may digmaan, eroplanong pangmilitar, mga nuclear missile, at maapoy na usok. 2. Sa harap niya ay isang malinis at mapayapang lupa; may mga bundok, madamong mga lambak, ilog, at mga ibon.

Nagbibigay ang Bibliya ng isang magandang pag-asa sa hinaharap

Kung pag-aaralan mo nang higit ang mga pangako ng Diyos, magkakaroon ka ng pag-asa, kagalakan, at kapayapaan ng isip.

Inihula ba sa Bibliya na isang digmaang nuklear ang Armagedon?

Iniisip ng ilan na ang Armagedon ay isang pangglobong digmaang nuklear. Naiisip kasi nila ang napakasamang resulta kapag nangyari iyan.

Pero sa Bibliya, tumutukoy ang salitang “Armagedon” sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ng “mga hari ng buong lupa,” o gobyerno ng tao.a(Apocalipsis 16:14, 16) Hindi basta pagwasak o pagpatay ng mga inosenteng tao ang mangyayari sa Armagedon, di-gaya ng mangyayari kung magkakaroon ng digmaang nuklear. Sa Armagedon, ang masasama lang ang pupuksain ng Diyos para magkaroon ng tunay na kapayapaan at kapanatagan.—Awit 37:9, 10; Isaias 32:17, 18; Mateo 6:10.

Ano ang sinasabi ng Bibliya na solusyon sa digmaan?

“Pinatitigil niya ang mga digmaan sa buong lupa. Binabali niya ang pana at dinudurog ang sibat; sinusunog niya ang mga karwaheng pangmilitar.”—Awit 46:9.

Ipapakita ng Diyos na Jehovab ang kapangyarihan niya sa mga bansa. Papahintuin niya ang mga labanan nila at sisirain ang mga sandatang pandigma nila sa pamamagitan ng Kaharian niya. Isa itong gobyerno sa langit na papalit sa pamamahala ng tao sa buong lupa.—Daniel 2:44.

Tuturuan ng Kaharian ng Diyos ang mga tao na mamuhay nang payapa at nagkakaisa. Dahil iisang gobyerno lang ang mamamahala sa buong lupa, mawawala na ang labanan ng mga bansa. Hindi na rin mag-aaral ng pakikipagdigma ang mga tao. (Mikas 4:1-3) Ang resulta? “Ang lahat ay mamumuhay nang payapa sa gitna ng kani-kanilang mga ubasan at puno ng igos, at walang sinuman ang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4, Good News Translation.

a Tingnan ang artikulong “Ano ang Digmaan ng Armagedon?”

b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”

Digmaang nuklear ba ang tinutukoy sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis?

Iniisip ng ilan na ang lubusang pagkawasak na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis ay resulta ng digmaang nuklear. (Apocalipsis 6:14; 8:7-12; 16:1-21) Halimbawa, may binabanggit dito na ‘nagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit.’ (Apocalipsis 13:11-13) Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na tumutukoy ito sa paggamit ng atomic bomb noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at hindi sa napakalawak na digmaang nuklear.

Totoo, tinukoy sa aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa paggamit ng sandatang nuklear, pero hindi ito nagbibigay ng detalyadong paglalarawan sa nakakatakot na mga pangyayaring gaya nito. Kapag binabasa ang aklat ng Apocalipsis, tandaan:

  • Ang aklat na ito ay gumagamit ng maraming tanda, o simbolo, na hindi dapat unawain nang literal.—Apocalipsis 1:1.

  • Hindi layunin ng aklat na ito na takutin ang mga mambabasa nito. Ang totoo, magiging masaya ang mga makakaunawa at susunod sa mga mensahe nito.—Apocalipsis 1:3.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang Aklat ng Apocalipsis​—Ano ang Kahulugan Nito?”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share