PATULOY NA MAGBANTAY!
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Kristiyano?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Maraming tao ngayon ang nagsasabing mga Kristiyano sila, pero gumagawa naman sila ng masama sa iba. Ang ilan ay makasarili, di-tapat, o salbahe. Ang iba naman ay taksil sa asawa nila. Kaya napapaisip tuloy ang ilan: ‘Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano?’
Ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano
Hindi sapat na sabihin ng isang tao na Kristiyano siya. Ayon sa Bibliya, ang isang Kristiyano ay alagad ni Jesu-Kristo. (Gawa 11:26) Sinabi mismo ni Jesus: “Kung lagi ninyong susundin ang aking salita, kayo ay talagang mga alagad ko.” (Juan 8:31) Siyempre, walang perpektong makakasunod sa mga sinabi ni Jesus. Pero dapat sikapin ng isang Kristiyano na sundin ang mga itinuro ni Jesus at mamuhay araw-araw kaayon nito. Tingnan ang ilang halimbawa.
May mapagsakripisyong pag-ibig ang mga Kristiyano
Ang sabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”—Juan 13:34, 35.
Ang ginawa ni Jesus: Nagpakita si Jesus ng mapagsakripisyong pag-ibig sa lahat, anuman ang estado nila sa buhay o pinagmulan. Pinagaling niya ang mga may sakit, pinakain ang mga nagugutom, at ibinigay pa nga ang buhay niya para sa iba.—Mateo 14:14-21; 20:28.
Ang ginagawa ng mga Kristiyano: Para makapagpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig, ang mga Kristiyano ay nagsisikap na maging bukas-palad, di-nagtatangi, at mapagpatawad. Tumutulong sila sa mga nangangailangan at handang magsakripisyo para sa iba.—1 Juan 3:16.
Tapat ang mga Kristiyano
Ang sabi ni Jesus: “Ako ang . . . katotohanan.”—Juan 14:6.
Ang ginawa ni Jesus: Tapat si Jesus sa lahat ng sinabi at ginawa niya. Hindi siya nagsinungaling, at hindi rin niya nilinlang ang iba para gawin ang gusto niya. Kilalá siyang tapat, at hindi siya nagbago kahit ikinagalit iyon ng iba.—Mateo 22:16; 26:63-67.
Ang ginagawa ng mga Kristiyano: Hindi nagsisinungaling ang mga Kristiyano. Nagbabayad sila ng buwis. Hindi sila nagnanakaw. At kapag oras ng trabaho, nagtatrabaho silang mabuti. (Roma 13:5-7; Efeso 4:28) Hindi sila nanloloko ng kapuwa, nandaraya sa mga exam, o naglalagay ng di-totoong impormasyon sa résumé nila o iba pang dokumentong gaya nito.—Hebreo 13:18.
Mabait ang mga Kristiyano
Ang sabi ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo. Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Ang ginawa ni Jesus: Mahinahon at madaling lapitan si Jesus. Mabait siya sa mga bata, pinapagaan niya ang loob ng mga nabibigatan, at pinapakitunguhan niya nang may dignidad ang iba.—Marcos 10:13-15; Lucas 9:11.
Ang ginagawa ng mga Kristiyano: Mabait makipag-usap ang mga Kristiyano; hindi sila bastos o mapang-abuso. (Efeso 4:29, 31, 32) May malasakit sila sa iba, at naghahanap sila ng pagkakataon na makatulong.—Galacia 6:10.
Tapat ang mga Kristiyano sa asawa nila
Ang sabi ni Jesus: “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Marcos 10:9.
Ang ginawa ni Jesus: Kahit hindi nag-asawa si Jesus, pinayuhan niya ang mga mag-asawa na maging tapat sa isa’t isa. (Mateo 19:9) Nagbabala siya tungkol sa mga gawain na puwedeng makasira sa pagsasama ng mga mag-asawa.—Mateo 5:28.
Ang ginagawa ng mga Kristiyano: Hindi gumagawa ang mga Kristiyano ng anumang bagay na makakasira sa pag-aasawa nila. (Hebreo 13:4) Nakikitungo sila sa asawa nila nang may pag-ibig at paggalang.—Efeso 5:28, 33.