Paano Pinapakitunguhan ng mga Saksi ni Jehova ang Dati Nilang Karelihiyon?
Nagsisikap kaming magpakita ng pag-ibig, malasakit, at respeto sa lahat. Kung hindi na talaga regular sa pagsamba ang isang Saksi ni Jehova o baka nga tuluyan na siyang huminto, tinutulungan namin siya. Kinakausap namin siya, ipinaparamdam na mahal namin siya, at tinutulungan namin siyang mapalapit uli sa Diyos.—Lucas 15:4-7.
Sa ilang pagkakataon, puwedeng alisin ang isang Saksi sa kongregasyon dahil sa ginawa niya. (1 Corinto 5:13) Dahil mahal na mahal namin ang mga karelihiyon namin, sinisikap naming tulungan siya agad para hindi siya maalis. Pero kahit maalis siya, ipinaparamdam pa rin namin sa kaniya na mahal at nirerespeto namin siya, gaya ng itinuturo ng Bibliya.—Marcos 12:31; 1 Pedro 2:17.
Bakit puwedeng maalis ang isa sa kongregasyon?
Maliwanag na sinasabi sa Bibliya na kapag nakagawa ng mabigat na kasalanan ang isang Kristiyano, at ayaw niyang magbago, kailangan siyang alisin sa kongregasyon.a (1 Corinto 5:11-13) Sinasabi sa Bibliya kung anong klaseng mabibigat na kasalanan ang puwedeng maging dahilan para maalis ang isang tao. Kasama dito ang seksuwal na imoralidad, paglalasing, pagpatay, pang-aabuso sa mga kapamilya, at pagnanakaw.—1 Corinto 6:9, 10; Galacia 5:19-21; 1 Timoteo 1:9, 10.
Pero hindi namin inaalis agad sa kongregasyon ang isang taong nakagawa ng mabigat na kasalanan. Sinusubukan muna ng mga elderb sa kongregasyon na tulungan siyang magbago. (Roma 2:4) Mabait at mahinahon silang nakikipag-usap sa kaniya. (Galacia 6:1) Dahil dito, puwede niyang ma-realize ang pagkakamali niya at magsisi. (2 Timoteo 2:24-26) Pero kung patuloy pa rin siya sa paggawa ng kasalanan at hindi nagsisisi kahit paulit-ulit na siyang tinutulungan, kailangan siyang alisin sa kongregasyon. Ia-announce ng mga elder sa kongregasyon na hindi na siya isang Saksi ni Jehova.
Mabait at mahinahong nakikipag-usap ang mga elder sa mga nagkasala
May magandang nagagawa ba ang pag-aalis? Una, mas madaling makapanghawakan ang kongregasyon sa pamantayan ng Diyos at makapanatiling malinis. Nailalayo rin sila sa masamang impluwensiya ng nagkasala. (1 Corinto 5:6; 15:33; 1 Pedro 1:16) Isa pa, baka matauhan ang nagkasala at magbago.—Hebreo 12:11.
Paano pinapakitunguhan ng mga Saksi ni Jehova ang mga inalis sa kongregasyon?
Sinasabi ng Bibliya na dapat ‘tigilan ng mga Kristiyano ang pakikisama’ sa mga inalis sa kongregasyon, at “huwag man lang kumaing kasama [nila].” (1 Corinto 5:11) Kaya hindi kami nakikipagsamahan o nakikihalubilo sa mga inalis. Pero hindi namin sila iniiwasan. Nirerespeto pa rin namin sila. Puwedeng-puwede pa rin silang dumalo sa mga pulong namin, at may mga babating mga Saksi ni Jehova sa kanila.c Puwede rin silang humingi ng tulong sa mga elder para matulungan sila sa espirituwal.
Puwedeng-puwede pa ring dumalo sa mga pulong namin ang mga inalis sa kongregasyon
Paano kung Saksi ni Jehova pa rin ang asawa at mga anak ng isang inalis? Kahit pa inalis siya sa kongregasyon, hindi magbabago ang kaugnayan nila. Dahil nasa iisang bahay sila, siya pa rin ang asawa o magulang nila at patuloy pa rin silang magpapakita ng pagmamahal bilang pamilya.
Puwedeng hilingin ng isang inalis na dalawin siya ng mga elder. Bibigyan siya ng mga elder ng maibiging payo mula sa Bibliya, at tutulungan siyang magsisi at manumbalik sa Diyos. (Zacarias 1:3) Kung huminto na siya sa paggawa ng kasalanan at ipinapakita niyang seryoso na siyang sumusunod sa pamantayan ng Bibliya, puwede na uli siyang makabalik sa kongregasyon. ‘Papatawarin siya nang buong puso at aaliwin’ ng kongregasyon, gaya nang ginawa ng mga Kristiyano sa Corinto noon nang magbago ang isang dating inalis.—2 Corinto 2:6-8.
Ano ang naramdaman ng mga dating inalis?
Tingnan ang sinabi ng ilang Saksi ni Jehova na dating inalis sa kongregasyon, at nanumbalik sa Diyos.
“Noong gusto ko nang bumalik sa kongregasyon, akala ko itatanong ng mga elder lahat ng detalye ng nangyari sa akin sa nakalipas na maraming taon mula nang alisin ako. Pero ang sabi lang nila, ‘Gusto naming magpokus ka sa mga magagawa mo ngayon.’ Dahil doon, napanatag na ko.”—Maria, United States.
“Masayang-masaya ang kongregasyon na makabalik ako. Ramdam kong mahalaga pa rin ako. ’Pinadama ng mga kapatid sa akin na napatawad na ’ko ni Jehova, at tinulungan nila akong mag-move on. Laging nandiyan ang mga elder at tinutulungan nila akong tumibay ang kaugnayan ko kay Jehova. Pinatibay nila ako at ipinakitang mahal at mahalaga pa rin ako kay Jehova.”—Malcom, Sierra Leone.
“Masaya akong makitang mahal ni Jehova ang bayan niya, kaya gusto niya itong maging malinis. Para sa iba, malupit ang pag-aalis. Pero ang totoo, kailangan ito kasi pagpapakita ito ng pag-ibig. Talagang ipinagpapasalamat ko na maibigin at mapagpatawad na Diyos ang Ama natin sa langit.”—Sandi, United States.
a Dati, tinatawag naming tiwalag ang mga nagkasala na hindi nagsisisi. Pero ngayon, ginagamit namin ang termino sa Bibliya na inalis sa kongregasyon.
b Ang mga elder ay mga may-gulang na Kristiyanong lalaki na nagtuturo mula sa Bibliya. Pinapastulan din nila ang mga lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapatibay sa kanila. Wala silang suweldo sa paggawa nito.—1 Pedro 5:1-3.
c May mga pagkakataong pinipili ng isang tao na umalis sa kongregasyon para siraan ito at impluwensiyahan ang mga nasa kongregasyon na gumawa ng mali. Kapag ganiyan ang isang tao, sinusunod namin ang sinasabi ng Bibliya na ‘huwag siyang batiin.’—2 Juan 9-11.