Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwyp artikulo 9
  • Ano ang Gagawin Ko Kapag May Nambabastos sa Akin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Gagawin Ko Kapag May Nambabastos sa Akin?
  • Tanong ng mga Kabataan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang pambabastos?
  • Paano kung may nambabastos sa akin?
  • Ano ang gagawin ko?
  • Paano Ako Makaiiwas sa Sexual Harassment?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Seksuwal na Panliligalig?
    Gumising!—2000
  • Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pang-aabuso?
    Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan
  • Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Eskuwelahan?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Tanong ng mga Kabataan
ijwyp artikulo 9

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Gagawin Ko Kapag May Nambabastos sa Akin?

  • Ano ba ang pambabastos?

  • Paano kung may nambabastos sa akin?

  • Ano ang gagawin ko?

Ano ba ang pambabastos?

Kasali sa pambabastos, o sexual harassment, ang anumang di-katanggap-tanggap na mahalay na paggawi—kasama na ang paghipu-hipo o maging ang pagsasalita ng malaswa. Pero kung minsan, mahirap makita ang pagkakaiba ng pagbibiro, pagpi-flirt, at pambabastos.

Alam mo ba ang pagkakaiba ng mga ito? Sagutan ang quiz tungkol sa sexual harassment para malaman mo!

Nakalulungkot, ang pambabastos ay puwede mong maranasan hindi lang habang estudyante ka. Pero kung ngayon pa lang ay matatag ka na at alam mo na ang gagawin, mahaharap mo ito kahit nagtatrabaho ka na. At baka nga mapigilan mo pa ang nambabastos sa pambibiktima ng ibang tao!

Olivia

“Dapat ipakita mong matatag ka. Hindi ka titigilan ng mga nambabastos hangga’t hindi mo sinasabi nang malinaw na ayaw mo iyon. Sabihin mo, ‘Huwag!’ Kapag hindi siya tumigil, magsumbong ka na!”

Tanisha

“Huwag kang makikitawa sa mga biro tungkol sa sex o makikisali sa mahalay na usapan. Kasi kung gagawin mo iyon o makikisama ka sa mga taong gustung-gusto ang atensiyon ng mga di-kasekso, iisipin ng iba na gusto mo rin ang gayong atensiyon.”

Paano kung may nambabastos sa akin?

Mas malamang na matigil ang pambabastos kung alam mo na iyon ay pambabastos na at alam mo ang gagawin sa ganoong sitwasyon! Isaalang-alang ang tatlong sitwasyon at kung ano ang puwede mong gawin.

SITWASYON:

“Sa trabaho, lagi akong sinasabihan ng matatandang lalaki doon na maganda raw ako, at sana raw ay mas bata sila nang 30 taon. Nilapitan pa nga ako ng isa sa kanila at inamoy ang buhok ko!”—Tabitha, 20.

Puwedeng isipin ni Tabitha: ‘Kung hindi ko na lang siya papansinin at pagpapasensiyahan na lang, siguro titigil din siya.’

Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Sinasabi ng mga eksperto na kapag binale-wala ng mga biktima ang pambabastos, kadalasa’y nagpapatuloy iyon at lumalala pa nga.

Subukan ito: Sabihin mo sa nambabastos sa iyo, nang mahinahon pero malinaw, na hindi mo gusto ang pananalita o ikinikilos niya. “Kapag may nantsansing sa akin,” ang sabi ng 22-anyos na si Taryn, “hinaharap ko siya at sinasabing huwag na huwag na niya uling gagawin iyon. Kadalasan, nagugulat ang sinumang sabihan mo ng gayon.” Kung hindi siya titigil, maging matatag at huwag susuko. Pagdating sa pagtataguyod ng mataas na pamantayang moral, ipinapayo ng Bibliya: “Maging matatag, may-gulang, at buo ang loob.”—Colosas 4:12, The New Testament in Contemporary Language.

Paano kung magbanta ang nambabastos sa iyo na sasaktan ka niya? Kung gayon, huwag mo siyang komprontahin. Umalis ka na agad, at humingi ng tulong sa isang mapagkakatiwalaang adulto.

SITWASYON:

“Noong grade six ako, habang naglalakad sa hallway, hinatak ako ng dalawang babae. Tomboy ang isa sa kanila, at gusto niyang makipag-date ako sa kaniya. Kahit tumanggi na ako, kinukulit pa rin nila ako araw-araw sa tuwing matatapos ang bawat klase. Minsan nga, isinalya pa nila ako sa pader!”—Victoria, 18.

Puwedeng isipin ni Victoria: ‘Kung magsusumbong ako, iisipin ng iba na mahina ako, at baka wala pa ngang maniwala sa akin.’

Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Kung hindi mo ito sasabihin sa iba, baka hindi ka tigilan ng nambabastos at gawin din niya iyon sa iba.—Eclesiastes 8:11.

Subukan ito: Humingi ng tulong. Ang iyong mga magulang at titser ay puwedeng makatulong para matigil ang pambabastos sa iyo. Pero paano kung hindi seryosohin ng pinagsabihan mo ang iyong reklamo? Subukan ito: Sa tuwing may mambabastos sa iyo, isulat mo ang mga detalye. Ilagay ang petsa, oras, at lugar kung saan nangyari ang bawat insidente, pati na ang sinabi ng nambabastos. Pagkatapos, bigyan mo ng kopya ang iyong magulang o titser. Mas sineseryoso ng marami ang reklamo kapag nakasulat ito.

SITWASYON:

“Takót na takót ako sa isang kabataang lalaki na kasali sa football team. Mahigit six feet ang taas niya at mga 300 pounds ang timbang! Desidido siyang ‘makuha ako.’ Halos araw-araw niya akong kinukulit—sa loob ng isang taon. Minsan, dalawa lang kami sa classroom, at unti-unti siyang lumapit sa akin. Dali-dali akong lumabas.”—Julieta, 18.

Puwedeng isipin ni Julieta: ‘Gano’n lang talaga ang mga lalaki.’

Kung bakit malamang na hindi iyon makatulong: Malamang na hindi magbago ang nambabastos kung iisipin ng lahat na okey lang ang ginagawa niya.

Subukan ito: Huwag bale-walain ang ginawa ng nambabastos o basta ngitian siya. Sa halip, ipakita sa reaksiyon mo—pati sa ekspresyon ng iyong mukha—na hindi mo kukunsintihin ang ginagawa niya.

Ano ang gagawin ko?

KARANASAN 1:

“Ayokong makasakit ng damdamin ng iba. Kaya kapag may nambabastos sa akin, sasabihan ko silang tumigil—pero hindi ganoon kaseryoso, at madalas, nakangiti pa ako. Akala tuloy nila, nagpi-flirt ako.”—Tabitha.

  • Kung ikaw si Tabitha, ano ang gagawin mo? Bakit?

  • Bakit maaaring isipin ng isang nambabastos na nagpi-flirt ka sa kaniya?

KARANASAN 2:

“Nag-umpisa iyon sa ilang bastos na pananalita ng ilang lalaki sa P.E. class namin. Pinalampas ko iyon nang ilang linggo, pero lalo lang lumala. Tapos, umuupo na sila sa tabi ko at inaakbayan ako. Itinutulak ko sila, pero hindi sila tumitigil. Minsan, iniabot sa akin ng isa sa kanila ang isang papel na may nakasulat na malaswa. Ibinigay ko iyon sa titser ko. Sinuspende sa iskul ang lalaking iyon. Dapat pala noon pa ako nagsumbong sa titser ko!”—Sabina.

  • Sa tingin mo, bakit hindi agad nagsumbong si Sabina sa titser niya? Tama ba ang naging desisyon niya? Bakit?

KARANASAN 3:

“Habang nasa CR ang kapatid kong si Greg, nilapitan siya ng isang kabataang lalaki. Lumapit ito nang husto kay Greg at nagsabi, ‘Halikan mo ako.’ Tumanggi si Greg, pero ayaw pa ring umalis ng lalaki. Kinailangan pa siyang itulak ni Greg palayo.”—Suzanne.

  • Sa tingin mo, biktima ba si Greg ng pambabastos? Bakit?

  • Bakit kaya nag-aalangang magsumbong ang ilang kabataang lalaki kapag binabastos sila ng ibang lalaki?

  • Sang-ayon ka ba sa ginawa ni Greg? Kung ikaw, ano ang gagawin mo?

Quiz tungkol sa sexual harassment

“Noong haiskul ako, hihilahin ng ilang kabataang lalaki ang strap ng bra ko sa likod at may sasabihing bastos, gaya ng mag-e-enjoy daw ako kapag nakipag-sex ako sa kanila.”— Coretta.

Sa tingin mo, ang ginagawa ba ng mga kabataang lalaking iyon ay

  1. A Pagbibiro?

  2. B Pagpi-flirt?

  3. C Pambabastos?

“Sa bus, sinabihan ako ng isang kabataang lalaki ng bastos na mga salita at hinawakan ako. Tinampal ko ang kamay niya at sinabihan siyang lumayo. Tiningnan niya ako na para bang nababaliw na ako.”—Candice.

Ano sa tingin mo ang ginagawa ng lalaking ito kay Candice?

  1. A Pagbibiro?

  2. B Pagpi-flirt?

  3. C Pambabastos?

“Noong nakaraang taon, laging sinasabi sa akin ng isang kabataang lalaki na gusto niya ako at gusto niyang mag-date kami, kahit panay ang tanggi ko. Kung minsan, hinahaplos niya ang braso ko. Sinasabihan ko siyang tumigil, pero tuloy pa rin siya. Tapos, no’ng tinatali ko ang sapatos ko, pinalo niya ang puwit ko.”​—Bethany.

Sa tingin mo, ang ginagawa ba ng lalaking ito ay:

  1. A Pagbibiro?

  2. B Pagpi-flirt?

  3. C Pambabastos?

Ang tamang sagot sa tatlong tanong ay C.

Ano ang kaibahan ng pambabastos sa pagpi-flirt o pagbibiro? “Ang pambabastos ay kasiya-siya sa gumagawa nito pero nagdudulot ng kahihiyan sa biktima,” ang sabi ng kabataang si Eve. “Nagpapatuloy iyon kahit sabihan mo ang nambabastos na tumigil.” Maselang bagay ito. Hindi lang ito posibleng makaapekto sa grade at kalusugan mo, puwede rin itong mauwi sa seksuwal na karahasan.

Matuto nang higit pa: Tingnan ang kabanata 32, “Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share