PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Roma 15:13—“Puspusin Nawa Kayo ng Diyos na Siyang Bukal ng Pag-asa, at Nawa ay Pagkalooban Niya Kayo ng Kagalakan at Kapayapaan”
“Dahil nagtitiwala kayo sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa, punuin nawa niya ang inyong puso ng kagalakan at kapayapaan, nang sa gayon ay mapuno kayo ng pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13, Bagong Sanlibutang Salin.
“Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”—Roma 15:13, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Roma 15:13
Sa mga salitang ito, sinasabi ni apostol Pablo na puspusin sana o punuin ng Diyos ng “kagalakan at kapayapaan” ang mga kapuwa niya mananamba. Ang magagandang katangiang ito ay may kaugnayan sa pag-asang ibinibigay ng Diyos at sa kapangyarihan ng banal na espiritu.
Natutuhan natin mula sa Bibliya ang tungkol sa pag-asang ibinibigay ng Diyos. Ayon sa Roma 15:4, “ang lahat ng bagay na isinulat noon [sa Bibliya] ay isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.” Makikita sa Bibliya ang pangako ng Diyos na aalisin niya ang mga problemang nagiging dahilan kung bakit miserable ang buhay ngayon, gaya ng kahirapan, kawalang-katarungan, sakit, at kamatayan. (Apocalipsis 21:4) Tutuparin ng Diyos ang mga pangakong ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kaya naman makakaasa tayo sa mas magandang kinabukasan.—Roma 15:12.
Kung magtitiwala tayo sa Diyos, saka lang tayo ‘mapupuno ng,’ o ‘mag-uumapaw sa’ pag-asang ibinibigay ng Diyos. Habang mas nakikilala natin siya, lalo tayong makakasiguro na talagang mapagkakatiwalaan siya. (Isaias 46:10; Tito 1:2) Dahil sa pag-asang ibinibigay ng Diyos, puwede pa rin tayong mapuspos ng kagalakan at kapayapaan, kahit may mga problema tayo.—Roma 12:12.
Ang kapayapaan, kagalakan, at pag-asa ay may kaugnayan din sa “banal na espiritu,” ang kapangyarihan na ginagamit ng Diyos.a Ginagamit ng Diyos ang banal na espiritu para tuparin ang mga pangako niya, at nagbibigay ito ng pag-asa. Sa tulong ng espiritung ito, puwede ring magkaroon ng magagandang katangian ang mga tao, gaya ng kagalakan at kapayapaan.—Galacia 5:22.
Konteksto ng Roma 15:13
Isinulat ang aklat ng Roma para sa mga Kristiyanong nakatira sa lunsod ng Roma. Mga Judio ang ilan sa mga Kristiyanong ito, pero hindi lahat. Kaya pinayuhan silang lahat ni Pablo na sikapin nilang magkaisa sa isip at gawa kahit na magkakaiba sila ng pinagmulan at kultura.—Roma 15:6.
Ipinaalala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na inihula ng Diyos na darating ang panahon na ang mga tao ng lahat ng bansa ay magkakaisa sa pagpuri sa Kaniya. Para patunayan iyan, apat na beses na sumipi si Pablo sa Hebreong Kasulatan.b (Roma 15:9-12) Ang punto niya: Tulad ng mga Judio, makikinabang din sa ministeryo ni Kristo ang mga tao mula sa lahat ng bansa. Parehong makikinabang sa pag-asang ibinibigay ng Diyos ang dalawang grupong ito. Kaya anuman ang pinagmulan ng mga nasa kongregasyon sa Roma, dapat na “malugod [nilang] tanggapin ang isa’t isa” sa mabait at mapagpatuloy na paraan.—Roma 15:7.
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Banal na Espiritu?”
b Ang Hebreong Kasulatan ay tinatawag kung minsan na Lumang Tipan.