SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Proyekto ng Pagtatayo na Natapos Bago ang Pandemic
NOBYEMBRE 1, 2020
Taon-taon, daan-daang libo ang nababautismuhan, kaya kailangan nating dagdagan ang mga pasilidad na ginagamit natin sa pagsamba. Kaya noong 2020 taon ng paglilingkod, mahigit 2,700 na lugar ng pagsamba ang pinlanong itayo o i-renovate ng mga Local Design/Construction Department sa buong mundo.a
Nakakalungkot, naapektuhan ang mga planong ito dahil sa COVID-19 pandemic. Para maingatan ang ating mga kapatid at masunod ang mga restriksiyon ng gobyerno, pansamantalang inihinto ng Publishing Committee ng Lupong Tagapamahala ang karamihan sa mga proyekto ng pagtatayo sa buong mundo. Pero bago ang pandemic, mahigit 1,700 pa rin na lugar ng pagsamba ang naitayo at na-renovate sa 2020 taon ng paglilingkod. At mahigit 100 malalaking proyekto ng konstruksiyon sa sangay ang natapos. Tingnan natin kung paano nakatulong sa mga kapatid ang dalawa sa mga proyektong ito.
Sangay sa Cameroon. Napakaliit ng dating sangay sa Cameroon na nasa Douala, at maraming kailangang ayusin doon. Naisip ng Publishing Committee na i-renovate ang sangay, pero mas malaki pa ang magagastos sa pagre-renovate kaysa sa aktuwal na halaga ng pasilidad. Pinag-aralan din nila ang posibilidad na bumili ng bagong lote na pagtatayuan o bumili ng isang lote na may building na at ire-renovate na lang, pero parehong hindi natuloy ang mga ito.
Nalaman ng mga kapatid na sa hilaga ng Douala, may plano ang gobyerno na gumawa ng kalsada sa tabi ng isang Assembly Hall. Kapag nagawa na ang kalsada, mas madali na itong puntahan at mabilis na ring magpakabit ng iba’t ibang linyang kailangan para sa pasilidad. Iyan ang mismong kailangan ng sangay. Kaya inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng isang bagong sangay sa isang bahagi ng lote ng Assembly Hall.
Mga kapatid na tumulong sa pagtatayo ng bagong sangay sa Cameroon
Magkasamang gumawa ang mga Saksi at ang mga contractor sa proyektong ito kaya malaki ang natipid na oras at pera. Ang totoo, nakatipid sila ng mahigit dalawang milyong dolyar (U.S.) sa proyektong ito! Nakalipat ang pamilyang Bethel sa mga bagong pasilidad bago nagsimula ang COVID-19 pandemic.
Natapos ang pagtatayo ng sangay sa Cameroon bago pa ang COVID-19 pandemic
Mas maganda na ngayon ang tinitirhan at pinagtatrabahuhan ng mga Bethelite sa Cameroon, at para sa kanila, regalo ni Jehova ang bagong sangay na ito. Sinabi ng isang mag-asawa, “Lalo kaming sinipag sa pagtatrabaho, kasi gusto naming ipakita na nagpapasalamat kami sa regalong ito.”
Mga kapatid na nagtatrabaho sa bago nilang opisina bago ang pandemic
Tojolabal Remote Translation Office (RTO), Mexico. Sa loob ng maraming taon, nasa sangay sa Central America, malapit sa Mexico City, ang Tojolabal translation team. Pero ang karamihan ng nagsasalita ng wikang Tojolabal ay nakatira sa Altamirano at Las Margaritas—na halos 1,000 kilometro ang layo mula sa sangay. Kaya nahihirapan ang mga translator na makasabay sa mga pagbabago ng wika. At nahirapan din silang maghanap ng mga kapatid na nakatira malapit sa sangay na makakatulong sa pagta-translate at pagrerekord sa wikang Tojolabal.
Mga kapatid na tumutulong sa proyekto sa RTO
Dahil diyan, naisip ng Writing Committee ng Lupong Tagapamahala na ilipat ang translation team sa lugar na sinasalita ang Tojolabal. Kaya ipinasiya ng sangay na bumili ng isang building at i-renovate ito. Mas mura ito kaysa magtayo o magrenta ng mga opisina.
Ikinuwento ng isang translator kung paano siya natulungan nito: “Sampung taon na akong naglilingkod bilang translator sa sangay, pero wala pa akong nakilalang pamilya malapit sa sangay na nagsasalita ng wika ko. Ngayon, nandito na kami sa lugar kung saan marami ang nagsasalita ng Tojolabal. Kaya araw-araw akong nakakakausap ng mga nagsasalita ng Tojolabal. Dumami ang mga alam kong salita at nakatulong ito sa pagta-translate ko.”
Ang translation office ng Tojolabal bago at pagkatapos ma-renovate
Mga Proyekto sa 2021 Taon ng Paglilingkod
Para sa 2021 taon ng paglilingkod, may planong magtayo ng 75 RTO at Bible school facility, kung posible sa kalagayan. Itutuloy na ang walong malalaking proyekto sa sangay, kasama na diyan ang proyekto ng punong-tanggapan sa Ramapo, New York, pati na ang paglipat ng mga sangay na nasa Argentina at Italy. Bukod diyan, mahigit 1,000 bagong Kingdom Hall ang kailangang itayo, mahigit 6,000 lugar ng pagsamba ang kailangan nang palitan, at 4,000 Kingdom Hall pa ang kailangang i-renovate.
Saan kinukuha ang pondo para makapagtayo at makapag-renovate ng mga pasilidad? Sinagot ni Brother Lázaro González, miyembro ng Komite ng Sangay sa Central America, ang tanong na iyan habang pinag-uusapan ang proyekto sa Tojolabal Remote Translation Office. “Sa teritoryong sakop ng sangay namin, hindi sapat ang pondo namin. Kaya kung wala ang tulong ng mga kapatid sa buong mundo, imposible kaming makapagtayo ng mga translation office para sa mga kapatid natin sa malalayong lugar. Dahil sa pinansiyal na tulong na ito, naging posible na tumira ang mga translator sa mga lugar kung saan sinasalita ang wika nila. Gusto naming pasalamatan ang mga kapatid sa buong mundo dahil sa kanilang pagiging bukas-palad.” Naging posible ang mga proyektong ito dahil sa inyong mga donasyon sa worldwide work, na ang karamihan ay ibinigay gamit ang donate.jw.org.
a Ang mga Local Design/Construction Department ang nagpaplano at gumagawa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa teritoryong sakop ng sangay nila. Ang Worldwide Design/Construction Department, na nasa punong-tanggapan, ang nagpapasiya kung anong proyekto ang uunahin at nagsasaayos sa mga proyekto sa buong mundo.