SAAN NAPUPUNTA ANG DONASYON MO?
Mga Pagsisikap na Ginagawa na Makakatulong sa mga Kapatid at sa Planeta
ABRIL 1, 2025
Bilang mga Saksi ni Jehova, alam natin na malapit nang kumilos ang Diyos na Jehova para iligtas ang planeta natin mula sa paninirang ginagawa ng mga tao. (Apocalipsis 11:18) Pero ngayon pa lang, ginagawa na natin ang makakaya natin para maingatan ang lupa. Halimbawa, may mga ginawa tayo sa mga pasilidad natin para maiwasang mapinsala ang kalikasan.
Ang “green initiative” ay mga proyekto na may tunguhing mabawasan ang masasamang epekto sa kalikasan. Paano natin ito ginagawa? At paano ito nakatulong para magamit nang tama ang donasyon ng mga kapatid?
Mga Ginawa Para Mabawasan ang Init sa Isang Assembly Hall
Noong itayo ang Assembly Hall sa Matola, Mozambique, wala itong pader. At dahil yero ang bubong nito, napakainit sa loob ng auditorium. Sinabi ng isang brother: “Pawis na pawis kami! Kaya pagkatapos ng programa, lumalabas agad kami para magpahangin.” Paano natin tinulungan ang mga kapatid natin na magkaroon ng mas komportableng Assembly Hall?
Ito ang ginawa natin: naglagay tayo ng malalaking fan sa bubong para tuloy-tuloy ang ikot ng hangin sa loob. Naglagay rin tayo ng insulation para mabawasan naman ang init na pumapasok sa loob ng gusali. Ang mga fan ay hindi nangangailangan ng kuryente kasi pinapaandar ito ng hangin. Pagkatapos, hinihigop nito ang mainit na hangin palabas ng gusali. Nagkakahalaga ng mga $50 ang bawat fan.a
Malalaking fan na pinapaandar ng hangin sa Assembly Hall sa Matola
Nakatulong ito para mas gumanda ang kalidad ng hangin sa loob ng Assembly Hall. Dahil tuloy-tuloy ang daloy ng hangin, naiiwasang magkaroon ng moisture at amag sa pasilidad. Hindi rin naiipon ang carbon dioxide at mas maganda ang daloy ng oxygen kaya mas komportable at mas nakakapakinig nang mabuti ang mga dumalo. Sinabi ng brother na binanggit kanina: “Hindi na kami nagmamadaling lumabas pagkatapos ng programa. Nasa loob na kami ng auditorium kapag tanghalian at nakikipagkuwentuhan sa mga kapatid. Para kaming nakaupo sa ilalim ng malaking puno dahil sa bagong bubong na ito!”
Mas nakikinabang na ang mga kapatid natin ngayon sa mga asamblea at kombensiyon
Paggamit ng Enerhiya na Hindi Nauubos
Naglagay kami ng mga photovoltaic (PV) system sa maraming pasilidad natin sa buong mundo. Gumagamit ang system na ito ng mga solar panel para maging kuryente ang liwanag ng araw—isang enerhiya na hindi nauubos. Dahil dito, hindi na tayo masyadong nakadepende sa fossil fuel para magkaroon ng kuryente. Kaya nababawasan ang polusyon, at nakakatipid tayo.
Noong 2022, naglagay tayo ng PV system sa tanggapang pansangay sa Slovenia. Naibibigay nito ang 30 porsiyento ng kuryenteng kailangan ng buong gusali. Kapag nakagawa ang system na ito ng sobrang kuryente, ikinakabit natin ito sa power network ng komunidad para magamit nila. Ang PV system na ito ay nagkakahalaga ng $360,000. Pero dahil mas mababa na ang binabayaran natin sa kuryente, mababawi natin ang ginastos sa loob ng apat na taon.
Sangay sa Slovenia
Noong 2024, naglagay tayo ng mga PV system at isang malaking baterya sa tanggapang pansangay sa Sri Lanka. Nagkakahalaga ang proyektong ito ng mga $3 milyon, at naibibigay nito ang 70 porsiyento ng kuryenteng kailangan ng sangay. Dahil nakakatipid tayo, mababawi natin ang ginastos sa loob ng tatlong taon. Nang taóng ding iyon, naglagay tayo ng PV system sa tanggapang pansangay sa Netherlands. Nagkakahalaga ito ng $1.1 milyon at naibibigay nito ang 35 porsiyento ng kuryenteng kailangan ng sangay. Mababawi natin ang ginastos sa loob ng siyam na taon.
Sangay sa Netherlands
Naglagay rin tayo ng mga PV system sa iba’t ibang remote translation office (RTO) sa Mexico. Tingnan ang halimbawa ng Tarahumara (Central) RTO na nasa Chihuahua. Kapag taglamig, umaabot nang mas mababa sa 0 degrees Celsius ang temperatura doon. Kapag tag-init naman, umaabot nang mahigit 40 degrees Celsius ang temperatura. Pero dahil mahal ang kuryente, iniiwasan ng mga kapatid na gumamit ng mga heater at aircon. Sinabi ni Jonathan na nagboboluntaryo sa RTO: “Gumagamit kami ng mga kumot at makakapal na damit kapag taglamig. Binubuksan naman namin ang mga bintana kapag tag-init.”
Noong 2024, naglagay tayo ng PV system sa RTO na iyon. Nagkakahalaga ito ng $21,480, pero mababawi natin ang ginastos sa loob ng limang taon. Ngayon, mas nakakagamit na ang mga kapatid natin ng heater at aircon. Sinabi ni Jonathan: “Mas marami na kaming nagagawa ngayon, at mas masaya na kami sa assignment namin. Masaya rin kami kasi alam naming nagagamit nang tama ang pondo ng organisasyon sa paraang hindi nakakasira sa kalikasan.”
Mas komportable nang magtrabaho ang mga translation team sa Tarahumara (Central) RTO
Pag-iipon ng Tubig-Ulan
Sa Africa, madalas mawalan ng tubig ang ilang Kingdom Hall. Kaya nagdadala ng tubig ang mga kapatid. Pero malayo ang nilalakbay nila. Sa ibang Kingdom Hall naman, dine-deliver ng truck ang tubig, pero mahal ito at hindi nakakatulong sa kalikasan.
Para matulungan ang mga kapatid, naglagay tayo ng mga alulod sa bubong at malalaking tangke ng tubig sa maraming Kingdom Hall sa iba’t ibang bahagi ng Africa. Bago ilagay ang mga ito, pinag-aralan muna ng mga kapatid ang kalagayan ng klima sa isang partikular na lugar. Ginawa nila ito para malaman kung saan ipupuwesto ang alulod at tangke para mas makaipon ng maraming tubig-ulan. Ang pagdadagdag ng mga ito sa Kingdom Hall ay nagkakahalaga ng mga $600 hanggang $3,000. Pero nabawasan nito ang gastusin sa mga Kingdom Hall kasi hindi na kailangan ng mga kapatid na bumili ng tubig.
Isang tangke ng tubig sa isang Kingdom Hall sa Phuthaditjhaba, South Africa
Nakatulong sa mga kapatid ang pag-iipon ng tubig-ulan. Sinabi ni Noemia na taga-Mozambique: “Dati, malayo ang nilalakbay namin para kumuha ng tubig. Pagdating namin sa Kingdom Hall, pagod na pagod na kami. At dahil kulang sa tubig, mahirap manatiling malinis. Ngayon, lahat kami, nakakapaghugas na ng kamay. Hindi na rin kami dumarating nang pagod sa Kingdom Hall kaya mas nakikinabang kami sa pulong. Maraming-maraming salamat po!”
Nanay kasama ang anak niya na naghuhugas ng kamay gamit ang tubig-ulan sa South Africa
Saan kinukuha ang pondo para sa mga proyektong ito? Sa mga donasyon sa worldwide work, na ang karamihan ay ibinigay gamit ang isa sa mga paraang nasa donate.jw.org. Maraming salamat sa inyong mga donasyon!
a Ang lahat ng dolyar sa artikulong ito ay tumutukoy sa U.S. dollar.