-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
gagawa ka ng mabuti sa mahihirap: O “magbibigay ka ng kaloob udyok ng awa.” Ang salitang Griego na e·le·e·mo·syʹne, na karaniwang isinasaling “limos,” ay may kaugnayan sa mga salitang Griego para sa “awa” at “magpakita ng awa.” Tumutukoy ito sa pera o pagkaing ibinibigay bilang tulong sa mahihirap.
hihihip ng trumpeta: Makakakuha ito ng atensiyon. Maliwanag, ang paghihip dito ng trumpeta ay makasagisag at nangangahulugang hindi dapat ipagsabi ng isa ang pagtulong niya sa iba.
mapagkunwari: O “mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego na hy·po·kri·tesʹ ay tumutukoy noong una sa mga Griego (at pagkatapos ay sa mga Romano) na umaarte sa entablado at nakasuot ng malalaking maskara na pampalakas ng boses. Nang maglaon, ginamit ang terminong ito para tumukoy sa sinumang nagpapanggap at nagtatago ng totoo niyang motibo o personalidad. Dito, tinawag ni Jesus na “mapagkunwari” ang mga Judiong lider ng relihiyon.—Mat 6:5, 16.
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
iyon na ang buong gantimpala nila: Ang terminong Griego na a·peʹkho, na nangangahulugang “makuha nang buo,” ay madalas makita sa mga resibo, na ang ibig sabihin ay “nabayaran nang buo.” Nagbibigay ang mga mapagkunwari para makita ito ng mga tao, at pinupuri sila ng mga tao dahil sa pagkakawanggawa; kaya masasabing nakuha na nila ang buong gantimpala nila. Wala na silang dapat asahang gantimpala mula sa Diyos.
-