-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 23Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias: Ang sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa lahat ng pinatay na saksi ni Jehova sa Hebreong Kasulatan, mula kay Abel na binanggit sa unang aklat (Gen 4:8) hanggang kay Zacarias na binanggit naman sa 2Cr 24:20. Ang Cronica ang huling aklat sa tradisyonal na Judiong kanon. Kaya nang sabihin ni Jesus na mula kay ‘Abel hanggang kay Zacarias,’ ang ibig niyang sabihin ay mula sa “unang pagpaslang hanggang sa huli.”
anak ni Barakias: Ayon sa 2Cr 24:20, si Zacarias ay “anak ng saserdoteng si Jehoiada.” Ipinapalagay na may dalawang pangalan si Jehoiada, gaya ng ibang karakter sa Bibliya. (Ihambing ang Mat 9:9 sa Mar 2:14.) Puwede ring si Barakias ay lolo ni Zacarias o ninuno.
na pinatay ninyo: Hindi naman talaga ang mga Judiong lider ng relihiyon ang pumatay kay Zacarias, pero sinabi ni Jesus na mananagot din sila dahil gusto rin nilang pumatay gaya ng mga ninuno nila.—Apo 18:24.
sa pagitan ng templo at ng altar: Ayon sa 2Cr 24:21, si Zacarias ay pinatay sa “looban ng bahay ni Jehova.” Ang altar ng handog na sinusunog ay nasa maliit na looban, sa labas ng santuwaryo at nasa harap ng pasukan nito. (Tingnan ang Ap. B8.) Kaya katugma ito ng sinabi ni Jesus na lugar kung saan naganap ang pangyayaring ito.
-