-
Mga Study Note sa Mateo—Kabanata 26Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ikaw na ang nagsabi: Hindi binale-wala ni Jesus ang tanong ni Caifas dahil alam niyang may awtoridad ang mataas na saserdote na pasumpain siyang magsabi ng katotohanan. (Mat 26:63) Lumilitaw na isa itong idyoma ng mga Judio na ginagamit para kumpirmahin ang sinabi ng isa. Sinusuportahan ito ng kaparehong ulat sa Marcos, kung saan mababasang sumagot si Jesus ng “Ako nga.”—Mar 14:62; tingnan ang study note sa Mat 26:25; 27:11.
Anak ng tao na . . . dumarating na nasa mga ulap sa langit: Tinutukoy dito ni Jesus ang Mesiyanikong hula sa Dan 7:13, 14, na nagpapakitang siya ang binabanggit doon na makakalapit sa presensiya ng Diyos at bibigyan sa langit ng awtoridad na mamahala.—Tingnan sa Glosari, “Anak ng tao.”
kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat: Lit., “kanan ng kapangyarihan.” Ang pagpuwesto sa kanan ng isang tagapamahala ay nangangahulugang pumapangalawa siya rito sa kapangyarihan. (Aw 110:1; Gaw 7:55, 56) Ang salitang Griego para sa “kapangyarihan” sa kontekstong ito ay puwede ring tumukoy sa Diyos, at puwede itong isalin na “Kapangyarihan” o “Makapangyarihan.” Ang ekspresyong Griego para sa “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay ginamit din sa kaparehong ulat sa Luc 22:69, pero idinagdag doon ang salita para sa “Diyos.” Isinalin itong “kanan ng makapangyarihang Diyos.” Ang pariralang “kanan ng Makapangyarihan-sa-Lahat” ay puwede ring mangahulugan na tatanggap si Jesus ng kapangyarihan, o awtoridad, dahil nasa kanan siya ng Diyos na Makapangyarihan.
-