-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 23Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
magarbong damit: Ang magarbong damit na ipinasuot kay Jesus para hamakin siya bilang Hari ng mga Judio bago siya pabalikin kay Pilato ay posibleng galing kay Herodes Antipas, isang Judio at tagapamahala ng distrito ng Galilea at Perea. Ang damit na ito ay posibleng panghari at kulay puti. Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “damit” (e·sthesʹ) ay karaniwan nang tumutukoy sa isang mahabang damit na napapalamutian. Ganiyan ang suot ng ilang anghel na nagpakita sa mga tao. (Luc 24:4; tingnan din ang San 2:2, 3.) Ginamit din ang salitang Griego na ito para sa “magarbong kasuotan” ni Herodes Agripa I. (Gaw 12:21) Ang salitang Griego naman na ginamit dito para sa ‘magarbo’ (lam·prosʹ) ay mula sa salitang nangangahulugang “magningning.” Kapag ginagamit sa damit, tumutukoy ito sa magandang klase ng damit at kung minsan ay sa mga kasuotang nagniningning o kulay puti. Lumilitaw na iba ito sa matingkad-na-pulang balabal, o purpurang damit, na ipinasuot ng mga sundalo ni Pilato kay Jesus sa bahay ng gobernador. (Mat 27:27, 28, 31; Ju 19:1, 2, 5; tingnan ang study note sa Mat 27:28; Mar 15:17.) Maliwanag na pare-pareho ng intensiyon si Herodes, si Pilato, at ang mga sundalong Romano nang suotan nila si Jesus ng mga damit na ito—para hamakin siya bilang Hari ng mga Judio.—Ju 19:3.
-