-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Natanael: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos ay Nagbigay.” Ipinapalagay na ang “Natanael” ay iba pang pangalan ni Bartolome, isa sa 12 apostol ni Jesus. (Mat 10:3) Ang Bartolome ay galing sa pangalan ng kaniyang ama at nangangahulugang “Anak ni Tolmai.” Hindi kataka-takang tinawag si Natanael na Bartolome, o Anak ni Tolmai, dahil may isa pang lalaki na tinatawag namang Bartimeo, na anak ni Timeo. (Mar 10:46) Nang banggitin nina Mateo, Marcos, at Lucas si Bartolome, binanggit nila ito kasama si Felipe. At nang banggitin ni Juan si Natanael, iniugnay niya rin ito kay Felipe, na karagdagang patunay na iisa lang si Bartolome at Natanael. (Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:14; Ju 1:45, 46) Karaniwan sa mga tao noon na magkaroon ng higit sa isang pangalan.—Ju 1:42.
sa Kautusan, na isinulat ni Moises, at sa mga Propeta: Makikita sa ekspresyong ito ang kombinasyon ng “Kautusan” at “mga Propeta” na ilang beses na ginamit sa mga Ebanghelyo. (Mat 5:17; 7:12; 11:13; 22:40; Luc 16:16) Dito, ang “Kautusan” ay tumutukoy sa mga aklat ng Bibliya mula Genesis hanggang Deuteronomio. Ang “mga Propeta” naman ay tumutukoy sa mga aklat ng hula sa Hebreong Kasulatan. Pero kapag pinagsama ito, ang ekspresyon ay masasabing tumutukoy sa buong Hebreong Kasulatan. Maliwanag na pinag-aaralang mabuti ng mga alagad na binanggit dito ang Hebreong Kasulatan, at posibleng ang nasa isip ni Felipe ay ang mga ulat sa Gen 3:15; 22:18; 49:10; Deu 18:18; Isa 9:6, 7; 11:1; Jer 33:15; Eze 34:23; Mik 5:2; Zac 6:12; at Mal 3:1. Sa katunayan, maraming teksto sa Bibliya ang nagpapakita na ang buong Hebreong Kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Jesus.—Luc 24:27, 44; Ju 5:39, 40; Gaw 10:43; Apo 19:10.
-