-
Juan 2:1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
2 Pagkaraan ng dalawang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kasal sa Cana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus.
-
-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Cana: Posibleng mula sa salitang Hebreo na qa·nehʹ, “tambo”; nangangahulugan itong “Lugar ng mga Tambo.” Si Juan lang ang bumanggit sa bayang ito, at lagi niya itong tinatawag na Cana ng Galilea (Ju 2:11; 4:46; 21:2), posibleng para hindi ito maipagkamali sa Kanah (sa Hebreo, Qa·nahʹ) na nasa teritoryo ng tribo ni Aser (Jos 19:24, 28). Maraming iskolar ang naniniwala na ito ang Khirbet Qana ngayon, kung saan makikita ang mga guho ng isang sinaunang nayon na nasa burol sa dulong hilaga ng Lambak ng Bet Netofa (Kapatagan ng el-Battuf), na mga 13 km (8 mi) sa hilaga ng Nazaret. Sa Arabic, ang lugar ay tinatawag pa ring Qana el-Jelil, ang katumbas ng Cana ng Galilea. Maraming tambo sa maputik na kapatagang malapit dito, kaya angkop lang na tawagin itong Cana. Sa lugar na iyon, may mga labí ng mga imbakan ng tubig at mga guho ng isang gusali na ipinapalagay na isang sinagoga (mula noong huling bahagi ng unang siglo o noong ikalawang siglo C.E.). May natagpuan din doon na mga piraso ng banga at mga barya na pinaniniwalaang mula pa noong unang siglo C.E. Sinasabi naman ng Simbahan na ito ang Kafr Kanna ngayon, na 6.5 km (4 mi) sa hilagang-silangan ng Nazaret, posibleng dahil madali itong puntahan ng mga pilgrim mula sa Nazaret. Pero ang pangalan ng lugar na ito ay walang kaugnayan sa pangalang Cana ng Galilea na binabanggit sa Bibliya.
-