-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw: Si Juan lang ang nag-ulat ng sinabing ito ni Jesus. Akala ng mga Judio, ang tinutukoy niya ay ang templo ni Herodes. Noong paglilitis kay Jesus, pinilipit ng mga kaaway niya ang sinabi niyang ito at ginamit laban sa kaniya. (Mat 26:61; 27:40; Mar 14:58) Gaya ng makikita sa Ju 2:21, makasagisag ang sinabi ni Jesus; ikinumpara niya ang nalalapit niyang kamatayan at pagkabuhay-muli sa pagkawasak at pagtatayong muli ng templo. Kahit sinabi ni Jesus: “Itatayo ko ito,” malinaw na sinasabi sa Kasulatan na ang Diyos ang bumuhay sa kaniyang muli. (Gaw 10:40; Ro 8:11; Heb 13:20) Pagkatapos patayin si Jesus at sa ikatlong araw ay buhaying muli (Mat 16:21; Luc 24:7, 21, 46), binigyan siya ng bagong katawan na hindi ginawa ng kamay gaya ng templo sa Jerusalem, kundi ng espiritung katawan na ginawa ng kaniyang Ama (Gaw 2:24; 1Pe 3:18). Sa Kasulatan, ginagamit ang templo para tumukoy sa mga tao. Ang Mesiyas ay inihula na magiging “pangunahing batong-panulok” (Aw 118:22; Isa 28:16, 17; Gaw 4:10, 11), at gumamit din sina Pablo at Pedro ng katulad na mga paglalarawan para kay Jesus at sa mga tagasunod niya sa 1Co 3:16, 17; 6:19; Efe 2:20; at 1Pe 2:6, 7.
-