-
JuanTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pag-ibig: Ito ang unang paglitaw ng pandiwang Griego na a·ga·paʹo (“umibig”) sa Ebanghelyo ni Juan. Ang pandiwang Griegong ito at ang kaugnay na pangngalang a·gaʹpe (pag-ibig) ay ginamit sa Ebanghelyo niya nang 44 na beses—mas marami kaysa sa pinagsama-samang paglitaw nito sa tatlong iba pang Ebanghelyo. Sa Bibliya, ang a·ga·paʹo at a·gaʹpe ay karaniwan nang tumutukoy sa mapagsakripisyong pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo. Makikita iyan sa pagkakagamit ng a·ga·paʹo sa talatang ito, dahil sinasabi rito na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, na kailangang tubusin mula sa kasalanan. (Ju 1:29) Ang pangngalan naman ang ginamit sa 1Ju 4:8, kung saan sinabi ni Juan na “ang Diyos ay pag-ibig.” Ang pag-ibig (a·gaʹpe) ang unang binanggit sa “mga katangian na bunga ng espiritu” (Gal 5:22), at detalyado itong inilarawan sa 1Co 13:4-7. Sa pagkakagamit nito sa Kasulatan, makikita na ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang hindi lang basta nadarama. Sa maraming konteksto, malawak ang kahulugan nito; ang ganitong pag-ibig ay kadalasan nang sadyang ipinadarama at pinag-iisipan kung paano ipapakita. (Mat 5:44; Efe 5:25) Kaya ang pag-ibig ng mga Kristiyano ay dapat na nakabatay rin sa pananagutan, prinsipyo, at sa kung ano ang tama. Pero ang nagpapakita nito ay karaniwan nang nakadarama rin ng pagkagiliw. (1Pe 1:22) Makikita iyan sa paggamit ng terminong ito sa Ebanghelyo ni Juan. Nang isulat niya na “mahal ng Ama ang Anak” (Ju 3:35), ginamit niya ang isang anyo ng salitang a·ga·paʹo, pero nang iulat niya ang paglalarawan ni Jesus sa kaugnayan ding ito, ginamit niya ang isang anyo ng pandiwang Griego na phi·leʹo, ang pag-ibig na may paggiliw.—Ju 5:20.
sangkatauhan: O “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. (Tingnan ang study note sa Ju 1:10.) Sa kontekstong ito, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan na puwedeng tubusin at inilarawan sa Ju 1:29 na ‘makasalanan,’ dahil nagmana sila ng kasalanan mula kay Adan.
kaisa-isang Anak: Ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nangangahulugang “kaisa-isa; bugtong; nag-iisa sa kaniyang uri; natatangi.” Sa mga isinulat ni apostol Juan, kay Jesus lang niya ginagamit ang terminong ito. (Ju 1:14; 3:18; 1Ju 4:9; tingnan ang study note sa Ju 1:14.) Tinatawag din ang ibang espiritung nilalang na mga anak ng Diyos, pero si Jesus lang ang tinatawag na “kaisa-isang Anak.” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Si Jesus, ang panganay na Anak, ang kaisa-isang direktang nilalang ng kaniyang Ama, kaya wala siyang katulad; naiiba siya sa lahat ng iba pang anak ng Diyos. Nilalang sila ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak niya. Ganiyan din ang pagkakagamit ni Pablo sa salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ nang sabihin niyang si Isaac ay ‘kaisa-isang anak’ ni Abraham. (Heb 11:17) Kahit naging anak ni Abraham si Ismael kay Hagar at may mga anak din siya kay Ketura (Gen 16:15; 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32), matatawag pa ring “kaisa-isa” si Isaac, dahil siya lang ang anak na ipinangako ng Diyos kay Abraham at ang nag-iisang anak ni Abraham kay Sara.—Gen 17:16-19.
nananampalataya sa kaniya: Lit., “naniniwala sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pi·steuʹo (kaugnay ng pangngalang piʹstis, na karaniwang isinasaling “pananampalataya”) ay pangunahin nang nangangahulugang “maniwala; magkaroon ng pananampalataya,” pero puwede itong magkaroon ng iba pang kahulugan depende sa konteksto at gramatika. Karaniwan na, ang kahulugan nito ay higit pa sa basta paniniwala o pagtanggap na umiiral ang isa. (San 2:19) May kasama itong pagtitiwala na makikita sa pagsunod. Sa Ju 3:16, ang pandiwang Griego na pi·steuʹo ay may kasamang pang-ukol na eis, “sa.” Sinabi ng isang iskolar tungkol sa pariralang Griego na ito: “Ang pananampalataya ay itinuturing na pagkilos, isang bagay na ginagawa ng mga tao, ang pagpapakita ng pananampalataya sa isa.” (An Introductory Grammar of New Testament Greek, ni Paul L. Kaufman, 1982, p. 46) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay hindi lang iisang gawa ng pananampalataya, kundi ang pagsasabuhay nito. Sa Ju 3:36, ipinakita na ang kabaligtaran ng “nananampalataya sa Anak” ay “sumusuway sa Anak.” Kaya sa kontekstong iyon, ang “pananampalataya” ay hindi lang matibay na paniniwala; nakikita ito sa pagsunod.
-