-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang mga Judio ay hindi nakikihalubilo sa mga Samaritano: Sa simula, ang mga Samaritanong binabanggit sa Bibliya ay ang mga Judio na nakatira sa 10-tribong kaharian bago ito sakupin ng mga Asiryano. (2Ha 17:29) Napabukod ang mga Samaritano sa mga Judio noong pasimulan ni Jeroboam sa 10-tribong kaharian ng Israel ang pagsamba sa idolo. (1Ha 12:26-30) Nang masakop ng mga Asiryano ang Samaria, ang “Samaritano” ay tumukoy na sa mga natira sa rehiyong iyon at sa mga dayuhang ipinatapon doon ng mga Asiryano. Sinasabi ng mga Samaritano na galing sila sa tribo nina Manases at Efraim, pero siguradong ang ilan sa kanila ay nalahian na ng mga dayuhan, at ipinapakita ng Kasulatan na ang mga taong ito ay lalo pang nagparumi sa pagsamba sa Samaria. (2Ha 17:24-41) Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, inaangkin ng mga Samaritano na sinasamba nila si Jehova, pero pinipigilan nila ang pagtatayong muli ng templo at ng mga pader ng Jerusalem. Pagkatapos, posibleng noong ikaapat na siglo B.C.E., nagtayo sila sa Bundok Gerizim ng sarili nilang templo, na winasak ng mga Judio noong 128 B.C.E. Pero patuloy pa ring sumamba ang mga Samaritano sa bundok na iyon, at noong unang siglo, nanirahan sila sa Romanong distrito ng Samaria na nasa pagitan ng Judea at Galilea. Ang unang limang aklat lang ng Bibliya ang tinatanggap nila, at posibleng pati ang aklat ng Josue, pero binago nila ang ilang teksto para suportahan ang lokasyon ng templo nila. Noong panahon ni Jesus, ang katawagang Samaritano ay tumutukoy na sa lahi at relihiyon, at kinamumuhian na ng mga Judio ang mga Samaritano.—Ju 8:48.
. . . sa mga Samaritano: Hindi mababasa sa ilang manuskrito ang bahaging ito na nasa loob ng panaklong, pero mababasa ito sa maraming luma at maaasahang manuskrito.
-