-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ang Diyos ay Espiritu: Ang salitang Griego na pneuʹma ay ginamit dito para tumukoy sa isang espiritung persona. (Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”) Ipinapakita ng Kasulatan na ang Diyos, ang niluwalhating si Jesus, at ang mga anghel ay mga espiritu. (1Co 15:45; 2Co 3:17; Heb 1:14) Malaki ang kaibahan ng mga espiritu sa mga tao, at hindi natin sila nakikita. Ang mga espiritu ay may “espiritung katawan,” na di-hamak na nakakahigit sa “pisikal na katawan.” (1Co 15:44; Ju 1:18) Kahit sinasabi ng mga manunulat ng Bibliya na ang Diyos ay may mukha, mata, tainga, kamay, at iba pa, ang mga iyon ay mga paglalarawan lang para tulungan ang mga tao na mas makilala ang Diyos. Malinaw na ipinapakita ng Kasulatan na may personalidad ang Diyos. Naninirahan din ang Diyos sa isang lugar na hindi bahagi ng pisikal na uniberso, kaya sinabi ni Kristo na “pupunta [siya] sa Ama.” (Ju 16:28) Sinabi sa Heb 9:24 na ang Kristo ay papasok “sa langit mismo,” sa “harap . . . ng Diyos para sa atin.”
sumamba sa espiritu: Gaya ng makikita sa “Ruach; Pneuma” sa Glosari, ang salitang Griego na pneuʹma ay may iba’t ibang kahulugan, gaya ng aktibong puwersa ng Diyos, o banal na espiritu; pati na ang puwersa, o takbo ng kaisipan, na nagpapakilos sa isang tao na sabihin o gawin ang isang bagay. Kahit iba-iba ang kahulugan ng terminong “espiritu,” ang lahat ng ito ay tumutukoy sa mga bagay na hindi nakikita ng tao. Ipinaliwanag ni Jesus sa Ju 4:21 na darating ang panahon na ang pagsamba sa Ama ay hindi na nakasentro sa isang pisikal na lokasyon, gaya ng Bundok Gerizim sa Samaria o ng templo sa Jerusalem. Dahil walang pisikal na katawan ang Diyos at hindi siya nakikita o nahahawakan, hindi na kakailanganing magpunta ng mga tao sa isang partikular na templo o bundok para sambahin siya. Sa ibang teksto sa Bibliya, itinuro ni Jesus na para maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin sa Diyos, kailangan nating magpagabay sa di-nakikitang banal na espiritu, na tinatawag ding “katulong.” (Ju 14:16, 17; 16:13) Dahil diyan, lumilitaw na ang ‘pagsamba sa espiritu’ ay tumutukoy sa pagsamba na ginagabayan ng espiritu ng Diyos, na tutulong sa isa na makuha ang kaisipan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsunod sa Salita Niya. Kaya nang sabihin ni Jesus na dapat sambahin ang Diyos “sa espiritu,” higit pa ito sa pagiging taimtim at pagkakaroon ng matinding debosyon sa paglilingkod sa Diyos.
sumamba sa . . . katotohanan: Ang pagsambang katanggap-tanggap sa Diyos ay hindi nakabatay sa imahinasyon, gawa-gawang kuwento, o kasinungalingan. Dapat na kaayon ito ng tumpak na impormasyon at ng “katotohanan” tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin na isiniwalat niya sa kaniyang Salita. (Ju 17:17) Ang ganitong pagsamba ay dapat na nakabatay sa mga bagay na sinasabi ng Salita ng Diyos na “totoo” kahit “hindi nakikita.”—Heb 9:24; 11:1; tingnan din ang study note sa sumamba sa espiritu sa talatang ito.
-