-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ako siya: Lit., “Ako.” Sa Griego, e·goʹ ei·mi. Iniuugnay ng ilan ang ekspresyong ito sa Exo 3:14 sa salin ng Septuagint, at ginagamit nila ito para ikatuwiran na si Jesus ang Diyos. Pero magkaibang pananalita ang ginamit sa Exo 3:14 (e·goʹ ei·mi ho on, “Ako ang Isa na Umiiral”) at sa Ju 4:26. Isa pa, ginamit din ng Septuagint ang ekspresyong e·goʹ ei·mi para sa sinabi nina Abraham, Eliezer, Jacob, David, at ng iba pa. (Gen 23:4; 24:34; 30:2; 1Cr 21:17) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, hindi lang sa mga pananalita ni Jesus ipinanumbas ang pariralang e·goʹ ei·mi. Sa Ju 9:9, ito rin ang mga salitang Griego na ginamit para sa sinabi ng lalaking pinagaling ni Jesus. Ang ibig sabihin lang ng lalaki ay siya nga iyon. Ginamit din ni anghel Gabriel, pati nina Pedro, Pablo, at ng iba pa, ang mga salitang ito. (Luc 1:19; Gaw 10:21; 22:3) Maliwanag na ang mga ito ay hindi kaugnay ng nasa Exo 3:14. Kapag tiningnan ang magkakaparehong ulat sa Mateo, Marcos, at Lucas, makikita na ang pariralang e·goʹ ei·mi na nasa Mar 13:6 at Luc 21:8 (“Ako siya”) ay pinaikling paraan lang ng pagsasabi ng mababasa sa Mat 24:5, na isinaling “Ako ang Kristo.”
Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon: Lumilitaw na ito ang unang beses na hayagang ipinakilala ni Jesus ang sarili niya bilang ang Mesiyas, o Kristo. At nagpakilala siya sa isang babae na hindi man lang Judio kundi isang Samaritana. (Ju 4:9, 25) Hinahamak noon ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano, at ayaw man lang nilang batiin ang mga ito. Minamaliit din ng maraming lalaking Judio ang mga babae. Pero binibigyang-dangal ni Jesus ang mga babae. Mga babae rin ang pinili niya na maging unang saksi sa pagkabuhay niyang muli.—Mat 28:9, 10.
-